Manalig sa Panginoon at umasang malalagpasan ang pandemya.
Ito ang panawagan ni Bishop Rex Andrew Alarcon ng Daet, chairman ng Commission on Youth ng Catholic Bishops’ Conference, sa gitna ng krisis na dulot ng coronavirus.
Ang pademya ay nagresulta na rin sa pagtaas ng kaso ng mental health at mga insidente ng pagpapatiwakal sa bansa.
Ayon sa obispo, dahil sa mga limitasyon dulot ng pandemya ay nararanasan ng mamamayan ang panlulumo, kalungkutan, at pag-iisa dulot ng kawalan ng pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Paliwanag ni Bishop Alarcon, mahalaga ang pananalangin sa Diyos upang masumpungan ang pag-asa, kalakasan ng loob na harapin ang mga pagsubok na dulot ng pandemya.
“Keep the faith,” ayon sa obispo.
Aniya manalig lamang sa Diyos dahil ipinapakita ng pandemya “na kung mag-isa lang tayo hindi natin kakayanin, malalaki ang challenges kailangan magtulong tulong, but manalig tayo, because God has given us the capacity to face adversities and even in difficult times you can make a difference.”
Binigyang diin ng obispo na mahalagang pangalagaan ang mental health, tulad ng pangangalaga sa katawan sa pamamagitan ng masusustansyang pagkain, at busugin ang puso ng mga positibong pananaw at disposisyon sa buhay.
“Kung anong kinakain natin, kung anong nilalagay natin sa katawan natin, ganun din sa ating puso at isipan,” aniya.
“What do we keep in our mind? Mga galit, inggit, worried. So they should have much more positive thoughts and nurture a healthy disposition, what we also called a healthy realism na habang tayo ay may hope, may faith, we are also realistic na hindi overnight mababago ang situation natin,” dagdag ni Bishop Alarcon.
Batay sa tala ng National Center for Mental Health, umaabot sa hanggang 400 na tawag kada buwan ang natatanggap ng ahensya mula sa mga dumaranas ng iba’t ibang mental health problems simula noong magpatupad ng mahigpit na community quarantine sa bansa noong Marso.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments