‘Modern day heroes,’ binigyang pugay

Binigyang pugay at tinaguriang “modern-day heroes” ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Maynila, ang mga medical frontliner na humaharap sa banta ng new coronavirus disease.

Kinilala ni Bishop Pabillo ang kabayanihan ng mga medical frontliner sa Pilipinas isang araw bago gunitain sa bansa ang Araw ng mga Bayani o National Heroes’ Day.

Ayon sa obispo ang kalayaan ng bansa mula noon hanggang ngayon ay bunga ng pagsisikap at pagsasakripisyo ng sariling buhay ng mga bayani ng bansa.



Kinilala ni Bishop Pabillo ang malaking ambag ng pagsusumikap at pagtitiyaga ng mga medical frontliner upang mapangalagaan at mapagaling ang mga nagkakasakit ng Covid-19.

Sinabi ng obispo na dahil sa kabayanihan ng mga medical frontliner sa bansa ay marami ang mga naitatalang gumagaling mula sa Covid-19 kung saan batay sa tala tanging 1.5% lamang sa mahigit 200,000 na nagpositibo sa sakit ang sumakabilang-buhay.

“Ang ating kalayaan ngayon ay bunga ng pagsisikap at pagbubuwis ng buhay ng mga bayani natin noon at mga bayani natin ngayon,” ayon kay Bishop Pabillo.

Ayon sa kanya ang mababang bilang ng mga namatay dahil sa Covid-19 “ay dahil sa modern-day heroes natin.”

Iginiit ng obispo na kahanga-hanga ang kabayanihan ng mga naglilingkod sa mga pagamutan sa kabila ng mababang suweldo, kawalan ng sapat ng benipisyo at panganib na dulot sa kanilang buhay at mga pamilya.

Binigyan diin ni Bishop Pabillo na hindi matatawaran ang ganitong uri ng kabayanihan na paglimot at pagtataya sa sariling buhay para sa kapakanan ng kapwa.

“Kahit mababa ang sweldo, kahit mapanganib sa kanila at sa kanilang mga pamilya, at kahit na nga kulang sa mga gamit ay nagtataya ng buhay nila para sa bayan,” aniya.

“Iyan nga, ang isang tao ay nagiging bayani kapag siya ay nagtataya, nililimot ang sarili para sa iba. Iyan iyong pagtulad kay Jesus,” dagdag ni Bishop Pabillo.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments