Kakainin ka ng buhay, hindi lamang ng mga zombie sa “#Alive” kundi maging ng zombie-trolls sa social media.
Nakaaalarma ang kinahaharap nating pandemya. At nang maibsan ang takot, naghahanap tayo ng puwedeng pagkaabalahan. Mga bagay na puwedeng gawin upang kahit papaano ay maaliw sa kabila ng kinahaharap na trahedya ng mundo.
Sa panahong ito, dalawa ang kinahihiligan nating gawin. Una na riyan ay ang manood ng mga paboritong TV series o pelikula. At ang ikalawa ay ang pagtambay sa social media, una na ang Twitter at Facebook.
Kasama na sa pang-araw-araw na buhay ang social media at ang pagkahilig sa iba’t ibang palabas, kaya’t nang maging available sa Netflix ang “#Alive” ay hindi ko ito pinalampas. Isa itong South Korean zombie film na ginampanan nina Yoo Ah-in bilang Oh Joon-woo at Park Shin-hye naman bilang Kim Yoo-bin.
Simple lang ang story ng “#Alive”: may dalawang survivor at ang goal ay kung paano mabubuhay sa kaliwa’t kanang zombie na nagkalat sa paligid. Sa dami nga naman ng zombie, iisipin nating napakahirap ang makaligtas.
Ang Korean counterpart ng Western zombies ay magkaibang-magkaiba. Mabilis tumakbo at gumalaw ang Korean zombies. Kung sa habulan lang, hindi ito papahuli.
Pero hindi lamang sa zombie umiikot ang naturang palabas. Ipinakita rin dito kung papaano nga ba nag-iisip ang isang tao sa ganitong mga sitwasyon.
Oo, kapag iniisip mong may zombie ay talagang matatakot ka. At dahil nasa isang lugar ka lang at sa tingin mo ay ligtas naman, mas pipiliin mong manatili na lang doon. Mas malaking kapahamakan nga naman din kung susugod ka sa tila dagat ng mga zombie.
Pero dumarating din sa puntong kailangan nating mamili kung tayo’y magkukubli na lang o makikipagsapalaran sa labas para sa ating kaligtasan. Kaya’t sa kabila ng pangamba, nangangahas tayong lumabas.
Ipinakikita rin sa film ang nararamdaman ng isang taong hindi makalabas at nasa loob lamang ng bahay: ang pagkabagot, ang pag-iisip ng mga puwedeng pagkaabalahan, ang magutom kapag naubusan ng pagkain, ang matakot. Higit sa lahat ay ang mag-alala sa sariling buhay.
Sa nangyayari ngayon sa atin, maiisip nating may pagkakahawig ang “#Alive” sa pinagdaraanan natin. Kung sa film ay natatakot lumabas dahil sa naglipanang zombie sa paligid, sa totoong buhay naman, virus ang dahilan kaya’t nangangamba tayong lumabas ng bahay.
Virus man o zombie, kapuwa ito nakamamatay at nagbibigay ng pangamba sa atin.
“Alive” pa ba tayo sa dami ng trolls?
Laging may pait ng katotohanan ang mga likhang sining.
Kagaya ng “#Alive” na kapag nag-ingay ay dudumugin ka ng zombie, ganyang-ganyan din ang nangyayari sa social media. Magsalita o mag-post ka lang ng hindi naibigan ng marami, tiyak na puputaktehin ka na kaagad ng mga troll. Lalapain ka ng buhay. Lulunukin ng buo. Lalong-lalo na kapag may binatikos kang paborito nilang politiko.
Hindi nga naman lahat ng pananaw natin sa isang bagay ay magkakapareho. Ang ilang makababasa ng post o argumento natin ay maaaring sumang-ayon sa atin. Samantalang ang iba, maaaring hindi.
Sabi nga ‘di ba, hindi natin puwedeng “i-please” ang lahat ng tao. Iba-iba rin naman kasi ang pagtingin natin sa mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid. Iba-iba rin ang kinalakihan natin.
Pero may mga bagay na hindi basta nadadaan sa pagbibigay ng sariling opinyon. Kagaya na lamang nang ginagawang pang-aabuso ng maykapangyarihan. Dapat tinatawag nito ang pansin ng taumbayan.
Lahat naman tayo ay may karapatang magpahayag ng ating iniisip at saloobin. Bawat isa rin sa atin ay mayroong kakayahang intindihin ang bawat nakikita sa paligid. Pero hindi lahat malinaw iyong nakikita. Hindi lahat ay naiintindihang mabuti ang kinahaharap na problema ng bansa.
Sinasapol din ng social media ang ating puso sa kung paano magdesisyon ang namumuno sa ating lipunan.
Pero pagdating sa social media, hindi lahat ng nababasa ay masasabing tama. Kung gaano nga naman kasi nahilig sa teknolohiya ang mga Pinoy, ganoon din karami ang mga troll na parang zombie, naghihintay ng malalapa. At marami sa kanila ay bayaran.
Kaya importanteng kinikilatis natin ang ating mga nababasa. Hindi puwedeng dahil ipinakita sa atin, titingnan lang din natin. Alamin natin kung tama ba iyon o mali.
Kailangan natin mag-isip para sa ating sarili. Sa panahon ngayon, huwag tayong tutulog-tulog sa kangkungan.
MOVIE AT SOCIAL MEDIA
Maganda ang pagkakalatag ng mga pangyayari sa “#Alive”. Ginastusan din ito dahil sa ganda ng makeup at prosthetics ng mga zombie. Lahat din ng karakter, maging ang mga gumanap na zombie ay mataas ang level ng ibinigay na pagganap: bumabangga sila habang tumatakbo. Tumatalon. Nahuhulog sa gusali. Nangangagat.
Sinulsing mabuti ang bawat eksena. Wala akong nakitang butas na masasabi kong nakabawas sa galing ng pag-arte ng mga karakter.
Habang nanonood ay hindi mo rin maiiwasan ang mapasigaw lalo na kung nagsisipagtakbuhan na ang mga zombie. Halos mahulog ka rin sa kinauupauan mo dahil sa lalaking karakter na si Oh Joon-woo na tila natutulog sa pansitan.
Grupo ang mga zombie kung umatake, parang trolls lang sa social media.
Ngunit gaya rin ng zombie, kadalasan ay atake lang sila nang atake nang hindi pinagagana ang utak. Ang iba naman, umaatake dahil may grasyang natatanggap. May proteksiyong nakukuha.
Nagkalat na ang zombie sa social media. Kay hirap lipulin lalo na’t nag-aastang patay sila’t ayaw magising sa katotohanan. Kaya ingat tayo sa mga ito. At magagawa natin ito kung marunong tayong mag-isip para sa ating sarili.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments