Bukas ang Caritas Manila sa mga gustong maglingkod sa gitna ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Grace Devara, program head ng Caritas Manila Institute for Servant Leadership and Stewardship, o ISLAS, patuloy silang tumatanggap ng mga nais mag-volunteer sa kanilang mga simbahan.
Ito ay bahagi ng paglilingkod ng nasabing social arm ng Archdiocese of Manila para sa mga mahihirap at nangangailangan lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.
Aminado si Devara na naapektuhan ang mobilization ng mga naglilingkod sa Simbahan dahil sa banta ng Covid-19, ngunit naniniwala ang Caritas Manila na hindi ito dahilan upang hindi maipagpatuloy ang kagustuhan na makapaglingkod sa kapwa.
“Simula nang nagkaroon ng mga community quarantine, lalo na noong lockdown, medyo nagkaroon ng kabawasan sa mobility ng mga volunteer, pero dahil tayo ay Simbahan ng mahihirap hindi hadlang itong pandemya para patuloy tayong maglingkod sa kapwa,” pahayag ni Devara sa Radio Veritas.
Matatandaang ang mga volunteer ng Caritas Manila ang nangasiwa sa on-grounds distribution ng mahigit sa Php1.3 bilyong halaga ng gift certificates sa gitna ng mga ipinatutupad na community quarantine.
Tinatayang nasa mahigit 1.3-milyong pamilya sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ang nabigyan ng tulong.
Umaasa si Devara na madadagdagan pa ang mahigit isang libong volunteers ng Caritas Manila sa pamamagitan ng pagpapatupad ng new normal guidelines upang matiyak din ang kaligtasan ng mga nais maglingkod.
“Basta po willing maglingkod sa ating kapwa at sa ating Panginoon, very much welcome po kayo sa Caritas Manila,” pahayag ni Devara.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments