Mga Bicolano, sabik na sa pista ng Peñafrancia

Nananabik ang mga mananampalataya ng Archdiocese of Caceres sa pagsisimula ng buwan ng Setyembre dahil sa ito ay isang mahalagang panahon para sa mga Bicolano at mga deboto ng Mahal na Ina ng Peñafrancia.

Ayon kay Archbishop Rolando Tria Tirona ng Caceres, ang Setyembre ay natatanging buwan para sa mga Bicolano dahil sa pagdiriwang ng Peñafrancia Festival na debosyon sa Mahal na Ina ng Peñafrancia at sa Divino Rostro o Holy Face of Jesus na dinadagsa hindi lamang ng mga mananamapalataya kundi maging ng mga turista.

“September is a month that always excites the Bicolanos and non-Bicolanos alike most especially the devotees of Our Lady of Peñafrancia,” ayon sa obispo.



“Once again we are given this wonderful month to celebrate the Feast of Our Blessed Mother, our Ina, Our Lady of Peñafrancia,” dagdag niya.

Dulot naman ng patuloy na banta ng Covid-19 pandemic, karamihan sa mga gawain ng kapistahan ay matutunghayan ng mananampalataya sa official Facebook page ng arkidiyosesis.

Tema ng pagdiriwang ng Peñafrancia 2020 ang “Fostering Dialogue and Harmony in Spirit of Mary’s Gentleness and Humility” na naglalayong maging huwaran ang kababaan ng loob at pagsusulong ng mapayapang dayalogo ng Mahal na Birheng Maria sa gitna ng iba’t ibang usaping kinahaharap ng bayan sa kasalukuyan.

Paliwanag ni Archbishop Tirona, sa gitna ng mga usaping nagdudulot ng pagkakahati-hati ng mga mamamayan ay higit na kinakailangan ang pag-uusap at pakikipag-ugnayan.

“Indeed, when we look around, there seems to be a widespread divide all over the world — issues of racism, issues of poverty, of injustice, of corruption, issues of extra-judicial killings. Above all, presently we’re all going through a very difficult times of a pandemic,” aniya.

Muli namang humingi ng pag-unawa at pakikipagtulungan si Archbishop Tirona para sa mga pagbabago sa nakatakdang paggunita ng Peñafrancia Festival 2020 bilang pag-iingat na rin sa pagkalat ng Covid-19.

Una nang inihayag ng arkidiyosesis at lokal na pamahalaan ng Naga City na kabilang sa mga pagbabago sa paraan ng paggunita ng Peñafrancia Festival ay ang pagbabawal sa nakaugaliang pahalik sa poon at ang hindi pagsasagawa ng mga prosesyon kabilang na ang military parade at ang nakaugaliang Traslacion at Fluvial Procession.

Ipinagpaliban rin ang pagsasagawa ng mga malalaking programa at gawain tulad ng mga trade fairs at ilan pang nakagawiang paraan ng pagdiriwang sa buong lalawigan bilang patuloy na pag-iingat sa pagkalat ng Covid-19.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments