Pagsasara ng mga sementeryo sa Undas, suportado ng mga lider ng Simbahan

Suportado ng ilang lider ng Simbahang Katolika ang panukalang isara ang mga sementeryo sa Undas, o All Saints’ at All Souls’ Day sa Nobyembre.

“Let’s follow the suggestion of the [Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases],” ayon kay Archbishop Martin Jumoad ng Ozamiz sa panayam ng Veritas 846.

“We are in this pandemic and this is temporary,” dagdag ng arsobispo.



Hinimok naman ni Archbishop Jumoad ang mamamayan na dumalaw sa puntod ng mga mahal sa buhay sa ibang mga araw bilang pag-iingat at pangangalaga sa kalusugan.

Una nang iminungkahe ng mga otoridad na ipagbawal ang pagdalaw sa mga sementeryo sa Undas bilang pag-iingat na magkahawaan ng Covid-19.

Subalit, ayon sa arsobispo ng Ozamiz, napagkasundoan ng mga pari sa arkidiyosesis na ipagpatuloy ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Day.

Sa Diocese of San Pablo sa Laguna, inihayag ni Bishop Buenaventura Famadico na nararapat na sundin ang panuntunan ng pamahalaan para sa kagalingan ng mamamayan.

“Kung ano ang ipag-uutos ng gobyerno susundin yon para na rin sa pansariling kagalingan at kagalingan ng nakararami,” sabi ng obispo.

Nilinaw naman ng mga otoridad na hindi pa pinal ang mga panuntunan sa paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Day.

Sa Lungsod ng Maynila, humingi ng paumanhin si Mayor Isko Moreno sa mamamayan na pansamantalang isasara ang mga sementeryo mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 3.

Kaugnay nito, hinikayat ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, ang mananampalataya na maagang pabasbasan sa mga pari ang puntod ng mga mahal sa buhay.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments