Pinuri ni Bishop Broderick Pabillo ng Maynila, chairman ng Episcopal Commission on the Laity, ang mga guro na patuloy na nagsusumikap sa kabila ng krisis na dulot ng coronavirus sa bansa.
Ayon sa obispo, nakahahanga ang pagsisikap ng mga guro na maipagpatuloy ang kanilang tungkulin bilang tagapagturo sa kabataan sa kabila ng mahirap na sitwasyon na dulot ng pandemya.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa paggunita ng National Teachers’ Month mula ika-lima ng Setyembre hanggang ika-lime ng Oktubre.
“Sana po hindi mawala itong ganung hangarin na mag-educate sa mga kabataan natin kahit na panahon ng pandemya,” ayon kay Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Umaasa naman si Bishop Pabillo na patuloy na maging matatag at matiyaga ang mga guro sa pagbabagong hatid ng pandemya maging sa larangan ng edukasyon.
Aniya, nawa ay hindi mawala ang pagsisikap ng mga guro na maibahagi ang kanilang kaalaman sa kabataan sa kabila ng mga pagbabagong ipinatutupad upang matiyak ang kapakanan at kaligtasan ng lahat mula sa nakahahawang sakit.
Tema ng National Teachers’ Month ngayong taon ang “Gurong Filipino para sa Batang Filipino”.
Ipinagpaliban ng Department of Education ang pagbubukas ng mga paaralan sa ika-lima ng Oktubre upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na makapaghanda sa bagong paraan ng pagtuturo.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments