Patunayang ligtas sa kalusugan ang proyekto sa Manila Bay, panawagan ng obispo ng Maynila

Sang-ayon si Bishop Broderick Pabillo ng Maynila sa panawagan ng mga environmental group na patunayang ligtas sa mamamayan at sa katiwalian ang proyektong pagpapaganda ng Manila Bay.

“Humihingi sila ng Writ of Kalikasan para maging transparent itong project na ito,” ayon sa obispo.

Ayon kay Bishop Pabillo, dapat maalis ang agam-agam ng publiko sa panganib na maaaring idulot ng dolomite sa kalusugan ng tao, gayundin sa kalikasan.



“Nagsasabi rin sila na ang Manila Bay is an active and very alive na bay, maraming mga isda, maraming shells ang nandiyan in fact, pag gabi makikita natin na maraming life from the sea, ibig sabihin ang mga mangingisda dyan nabubuhay sila,” dagdag ng obispo.

“Ano ang effect nyan sa pangingisda kasi siyempre may epekto yan, naglagay ka ng foreign body e. Makakatulong ba ‘yan talaga sa mga coral reef na mga nandoon?”

Sa ulat, umaabot sa Php386 milyon ang inilaan sa “sanding project” gayung Php28 milyon lamang ang nagagamit para sa 3,500 na tonelada na dolomite mula sa Alcoy, Cebu, na itatambak sa 500 metrong haba at 60 metrong lawak na baybayin sa Maynila.

Hiling din ng obispo na maisapubliko ng kagawaran ang kanilang mga pinagbatayang pag-aaral para sa minamadaling proyekto.

Hindi rin sang-ayon si Bishop Pabillo sa paglalaan ng pondo ng pamahalaan sa proyekto sa pagpapaganda ng Manila Bay gayung mas higit daw na kailangan ang pagtutuon sa salapi ng bansa sa kasalukuyang krisis na dulot ng pandemya.

Panawagan ng obispo at mga environmental group sa pamahalaan na ihinto muna ang pagtatambak ng dolomite sand sa Manila Bay at ipaliwanag sa publiko kung bakit nararapat na ipagpatuloy ang proyekto.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments