‘Zero waste’ sa mga sementeryo ikinatuwa ng environmental group

Ikinatuwa ng isang makakalikasang grupo ang pagsasara ng mga sementeryo sa bansa sa Undas dahil sa patuloy na pandemya.

Ayon kay Rodney Galicha, executive director ng Living Laudato si Philippines, maganda ang magiging epekto ng hakbang dahil marami ang mababawas na basura.

“Kapag wala tayo dun sa sementeryo, marami ‘yung mababawas na mga basura at karamihan naman doon siyempre ‘yung pinagbalutan ng ating pagkain, pinagbalutan ng kandila at marami pang iba,” ani Galicha sa panayam ng Radio Veritas.



Sinabi ni Galicha na bagaman hindi pinapahintulutan ang pagdalaw sa mga puntod sa mismong Undas ay mahalaga pa rin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon, at pag-aalay ng panalangin para sa mga kaluluwa at mga yumao.

“Ang espiritu naman kasi nung ating pag-aalaala sa ating mga yumao, espiritu naman talaga ‘yun ng tunay na pakikipag-ugnayan sa Panginoon,” aniya.

Noong 2018, aabot sa walong truck ng basura ang nahakot mula sa Manila North Cemetery makaraang dumagsa ang nasa isang milyong tao sa paggunita ng Undas.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, aabot sa dalawang libong truck ng basura na may kapasidad na 20 tonelada ang nahahakot sa bansa araw-araw kung saan ang 450 dito ay mula sa Metro Manila.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments