Ang newsroom at mga kuwentong pag-ibig

Wala nga namang pasintabi ang pag-ibig.

Hindi ka nga naman sasantuhin ng pana ni Kupido. Puwedeng sapulin nito ang kahit na sino: katabi, kaibigan, boss at maging kaaway.

At sa usapang kuwento, hindi kailanman pahuhuli ang sentro ng kuwentuhan: ang newsroom. Dito ay samu’t saring kuwento ang kumakalat. Ngunit hindi lamang kuwento ng tungkol sa politiko at lipunan ang umiikot sa naturang lugar kundi maging ang kuwento ng pag-ibig.

Nahilig ako sa K-drama ngayong pandemya. At sa mga napanood ko, may nangibabaw hindi lamang dahil sa galing ng mga artista sa pag-arte kundi maging sa koneksiyon nito sa nangyayari sa paligid: biktima ng corrupt na reporter, maling balita, kawalan ng hustisya at karapatan.  



Pinocchio

Pinanood ko ang “Pinocchio” dahil kay Lee Jong-Suk. Kung mayroon man akong K-drama actor na kinahiligan, si Lee Jong-Suk iyon.

Una ko siyang napanood sa “Doctor Stranger”. Para sa akin, astig ang look niya at pag-arte. Kaya matapos kong panoorin ang “Doctor Stranger” ay hinanap ko na ang iba pa niyang palabas at pinanood.

At isa pa nga sa nagustuhan ko ang “Pinocchio”. Malapit din kasi sa aking puso ang mga kuwento tungkol sa reporter lalo’t walong taon akong naging editor ng tabloid.

Sa “Pinocchio” ipakikita sa iyo kung paano minamaniobra ng isang may mataas na tungkulin ang mga pangyayari. Kung paano nila ito binabago o binabaliktad nang naaayon sa gusto nila. O para sa ratings.

Sa telebisyon nga naman, ratings ang labanan.

Ang kuwento ng “Pinocchio” ay tungkol sa dalawang taong pinangarap na maging reporter. Magkaiba ang dahilan nila. Si Choi In-ha (Park Shin-hye) ay upang sundan ang yapak ng ina. Samantalang si Choi Dal-po (Lee Jong-Suk) naman ay para makapaghiganti. Upang maipalabas ang katotohanan tungkol sa bintang ng media gayundin ng mga tao sa kanyang ama.

Naging biktima sila ng fake news kumbaga. Nang kawalan ng hustisya. Nang bayarang reporter.

Nakatulong naman ang pagkakaroon ng Pinocchio syndrome ni In-ha para manaig ang katotohanan. Hindi nga naman siya puwedeng mag-report ng hindi totoo dahil tiyak na sisinukin siya.

Ipinakita rin dito kung gaano kaimpluwensiya ang media upang mabago hindi lamang ang katotohanan kundi maging ang buhay ng isang tao.

Sinubok ang pagmamahalan nina Choi Dal-po at Choi In-ha dahil sa kani-kanilang nakaraan. Sa dami nga naman kasi ng tao, nagkataong ang taong nagpakalat ng maling balita tungkol sa ama ni Dal-po ay ang ina ni In-ha.

Pero gaya nga ng inaasahan ng maraming tagasubaybay, nabunyag ang katotohanan.

At sana, ganito rin ang mangyari sa mundong ating ginagalawan: ang matapos ang paghahari ng kasinungalingan.

Don’t Dare to Dream

Makare-relate ka naman sa kuwento ng “Don’t Dare to Dream”. Kung ikaw iyong tipo ng babaeng may nagugustuhan pero hindi ka napapansin o pinapansin, swak na swak naman ang kuwentong ito para sa iyo.

Kung tutuusin, tipikal na iyong story line nito: nagkagusto ang weather girl na si Pyo Na-ri (Gong Hyo-jin) sa reporter na si Lee Hwan-shin (Jo Jung-suk).

Love-triangle ang “Don’t Dare to Dream”. Pero naging matunog ito sa akin nang ipakita ang inggitan sa newsroom at kung hanggang saan ang kayang gawin ng isang tao dahil sa pag-ibig.

Nagkaroon ng breast cancer si Lee Hwan-shin.  At ang nakadiskubre nito ay si Pyo Na-ri. Noong una, ayaw pang maniwala ni Lee Hwan-shin na mayroon siyang breast cancer dahil para sa kanya, babae lang ang nagkakaroon ng ganitong klaseng sakit.

Para hindi makaapekto sa pagiging news anchor ni Lee Hwan-shin ang pagkakaroon ng breast cancer, inilihim nila ang katotohanan.

At dahil hindi nga nawawala ang tsimis at inggitan sa newsroom, pumutok ang balitang may breast cancer si Pyo Na-ri. Dahil sa pagmamahal niya kay Lee Hwan-shin, hinayaan niya ang bali-balita.

Pero maging ang trabaho niya ay halos maapektuhan sa maling impormasyong kumakalat. Dahil sa pag-ibig, inamin ni Lee Hwan-shin on air ang katotohanan.

Uncontrollably Fond

Mapapaiyak ka naman sa “Uncontrollably Fond”. Ipakikita sa K-drama na ito ang kahalagahan ng buhay. Tragic ang ending ng naturang palabas.

Ipaaalam sa iyo ng “Uncontrollably Fond” ang malungkot na katotohanan sa mundong ating ginagalawan gaya ng injustice o kawalan ng hustisya. Na kapag mayaman o nakaupo sa tungkulin ay mahirap ma-convict o makasuhan kahit pa matinding krimen ang kanilang ginawa.

Makikita mo rin sa naturang palabas na laging ang pumapasan ng sisi at napaparusahan ay ang mga mahihirap.

Tumpak na tumpak ang mensaheng ipinakikita ng “Uncontrollably Fond” sa kung paano tinatanggal ng ilang politiko o nasa tungkulin ang ating karapatan.

Hindi nga naman natin masasabing lahat ng kuwentong pag-ibig ay may happy ending. Pero batid ng lahat ng mga nakaranas nito na ito ang nakapaghuhulma ng ating eksperiyensiya sa buhay.

Maniwala man kayo o hindi, pero pag-ibig din ang nagbibigay ng kaliwanagan sa pag-iisip sa isang newsroom. Dahil sa pag-ibig sa salita at katotohanan kaya’t patuloy nating nalalaman ang nangyayari sa ating lipunan—mabuti man iyan o masama.

Tunay nga namang may kanya-kanyang mensaheng ipinaaabot ang bawat likhang sining. At nasa sa atin na iyon kung titingnan natin ito o ipagwawalang bahala.

Pag-ibig, iyan din ang nangungunang dahilan kung bakit tayo patuloy na lumalaban.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments