Babae. Matapang. Matikas. Matalas. Buo ang loob sa anumang sitwasyong kinahaharap. Sa likhang sining, dito ito makikita.
Bukod sa pagkahilig sa K-drama, isa pa sa gustong-gusto ko ay ang pagbabasa ng mga aklat na tungkol sa babae na isinulat ng mga kababaihan. Kapag nagustuhan ko ang isang akda, inuulit-ulit ko ito. At lagi’t laging hindi nawawala ang galak kahit pa makailang ulit ko na itong binasa.
Sa pamamagitan ng pagbabasa, namumulat ang aking isipan sa tunay na kondisyon ng mga kababaihan. Lumalawak ang aking kaalaman. Naikakategorya ang mali at tama.
The Diary of Anne Frank
Bilang babae, kung minsan ay pinangugunahan tayo ng takot. Hanggang ngayon din kasi ay hindi patas ang pagtingin ng marami sa kababaihan. Mahina kaya’t madaling i-bully. Inuutos-utusan. Minsan pa, nakararanas ng sexual harassment sa trabaho, opisina o lansangan. Dahil din kasi sa takot o kahihiyan, ayaw magsalita. Ayaw pumalag.
Aaminin ko na noon, wala akong pakialam sa nangyayari. Basta’t okey ako at ang mga mahal ko sa buhay, hindi ako kikibo at makikialam.
Pero sa bawat pagdaan ng panahon, nababago rin pala ang pagtingin at pag-unawa ng isang tao, lalo na ang tungkulin at estado ng kababaihan sa mga bagay-bagay na kanilang kinahaharap. Habang tumatanda at nagkakaroon ng experience sa buhay, makikita mo ang mali sa tama, ang dapat at hindi dapat.
Ngayon na pinapansin ko ang kawalang hustisya sa kababaihan, unti-unting naliliwanagan ako kung paano dapat na ipaglaban ang karapatan nating mga babae. Unti-unting nawawalan ng lambong ang mga akala ko noon ay okey lang. O puwedeng pagbigyan.
Nakita ko ang “The Diary of Anne Frank” nang magtungo kami sa isang bookstore ng hubby ko. Mahilig talaga kami sa libro kaya’t tambayan namin ang bookstore noong wala pang pandemya.
Nang masulyapan ko ang libro, naintriga ako. At siyempre, binili ko agad. At nalaman kong ang story ni Anne Frank ay isa sa bantog o sikat na kuwento tungkol sa World War II.
Binasa ko rin ang “The Last Seven Months of Anne Frank”.
Hindi madali ang pinagdaanan ni Anne Frank: ang mahigit na dalawang taong pagtira sa attic ng isang gusali sa Amsterdam kasama ang pamilya. Ang makaramdam ng gutom. Ang walang kasiguraduhan kung mabubuhay pa o hindi dahil sa pamumuno ng isang diktador. Pagkabagot. Limitadong galaw nang hindi matunton ang pinagtataguan.
Sa mga pahina ng diary ni Anne Frank, mababasa mong sa edad niyang fifteen ay nananalaytay na sa kanyang pagkatao ang katapangan. Sa kabila nga naman ng iba’t ibang pakiramdam at takot, naisipan pa niyang idetalye ang mga nangyayari sa kanya sa pamamagitan ng pagsusulat ng diary.
Sa isang entry niya sa kanyang diary, sinabi niyang ayaw niyang maging kagaya ng kapatid na si Margot na mahina at nadadala ng mga tao sa paligid. Minsan din siyang nangarap na makahalubilo ang mga lalaking kaedad niya.
Hindi rin naman nawawala ang kanyang pagiging teenager. Ang pagkakaroon ng crush. Ang pagmamahal sa buhay. At ang hindi pagsang-ayon sa ina.
Pinangarap ni Anne Frank na pagkatapos ng digmaan ay makapaglabas ng nobela batay sa kanyang diary. Suwerte na lamang at may nakakita ng diary niya. Dahil dito, milyong tao sa buong mundo ang nakaalam ng kanyang kuwento. At milyong tao pa ang patuloy siyang makikilala at dahil dito, patuloy na mabubuhay ang kanyang masaklap na pinagdaanan sa pamumuno ng diktador.
Malamang kung hindi namatay ng maaga si Anne Frank, maraming makabuluhang libro siyang naisulat na mapakikinabangan ng makabagong henerasyon.
Lila, Mga Tula
Bukod kay Anne Frank, may isang koleksiyon din ako ng tulang pinag-ukulan ng pansin. Nakatutuwang basahin sapagkat isinulat ito ng isang grupo ng kababaihang makata ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, isang writing fellowship kung saan ay naging fellow ako noong 2010). “Lila” ang pamagat ng koleksiyon.
Nakapaloob sa “Lila” ang mga tula tungkol sa pagbubuntis at panganganak. Hindi rin nawawala ang pagiging maybahay. Mga unang pag-ibig at alaala ng pagkabata. May mga tula ring tungkol sa karahasan, kasaysayan, paglilimi sa lipunan at War on Drugs ni Duterte.
Nabanaagan ko ang tapang sa paggamit ng talinghaga at tugma ng mga babaeng makata sa naturang koleksiyon. Gaya na lamang ng tula ni Kora Dandan-Albano na may pamagat na Nobyembre 9, 2016 na nakasulat ng ganito:
Doon po sa amin, may siyam na hukom—
Nagpasiyang bayani itong mandarambong,
Diktador, pasista, idolo ni Digong.
Ngayon po sa ami’y may itim na lambong.
Dama ko ang tula. Akmang-akma sa nangyayari ngayon na tila nalalambungan ang maraming Filipino. Maikli ngunit may talab sa puso. May pangil na kumakagat sa dibdib.
Isa rin sa nakatawag ng pansin sa akin ang tula ni Vins Miranda na ang pamagat ay Lila na siya ring pamagat ng koleksiyon. Hindi ko lang alam kung iyon ba ang pinagbatayan ng pamagat ng libro.
Ganito naman ang tula:
Lila ang kulay ng kalangitan
Noong dapithapong
kaniyang isinilang
Ang bunga at karugtong
Ng kaniyang buhay
Ang kaniyang bukang-liwayway.
Maikli rin ang tula. Pero sa tulang ito tila ba nagkakaroon tayo ng pag-asang mabanaagan ang bukang-liwayway sa kabila ng lambong na sumasaklaw sa mata’t pag-iisip ng maraming Filipino. Pag-asa, ito ang nakikita ko sa tula. Sa panganganak laging may panibagong pag-asa.
Ayon sa nakasulat sa likod ng aklat na kung ang “Lila” ay isang pinta ng babaeng nakahubad, nakahubad siya para sa sarili. Siya ang nagpinta sa sarili.
Sang-ayon ako sa paglalarawang ito. Sa pamamagitan kasi ng mga tulang nakapaloob sa antolohiya, hindi nangimi ang mga kababaihang makatang hubdan ang kani-kanilang sarili. Ipakita ang nakatagong pakiramdam sa kanilang walang saplot na buhay bilang babae.
Tinuldukan ng koleksiyong ito ang kahinaan ng kababaihan at ang nakasanayang kaisipang dapat ang babae ay nasa bahay lamang. Itinaas nito ang kalidad ng kababaihan. Ipinamalas ang kakayahan. At ang paglabas sa lungga upang makibaka’t makipagsapalaran gamit ang talinghaga at tugma.
Ang mga editor ng “Lila” ay sina Roma Estrada, Louise O. Lopez at Beverly Siy. Kabilang din sa koleksiyon ang mga tula nina Luna Sicat Cleto, Maning Miclat, Ina Abuan, Lee Sepe, Kriscell Largo Labor, Betty Uy-Regala at marami pang iba.
Inilathala naman ito ng Balangay Productions at Librong Lira.
Noon at Ngayon
Ang mga kuwento ng katapangan gaya ng ipinamalas ni Anne Frank sa kanyang diary, gayundin ang obra ng mga kilalang babaeng manunulat ng bansa gaya nina Lualhati Bautista, Liwayway Arceo, Genoveva Edroza Matute, Rosario Ladia Jose at marami pang iba ay nakatutulong upang maipakitang ang kababaihan ay hindi lamang pambahay. Na ang kababaihan ay maaari ring makipagsabayan sa mga kalalakihan.
Sa iba’t ibang paraan ay maaari nating maipakita ang ating tibay ng loob. Puwedeng sa panulat. O sa paggamit ng social media. Ang iba naman ay sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kinakawawa’t inaabuso.
Sa aking pananaw, dapat lang na pantay ang pagkilala at pagtingin natin sa isa’t isa bilang tao—lalaki man o babae.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments