Ano ba ang problema mo kay Papa?

“Kasal ba kayo?”

Tila alingawngaw ng baril ang tanong na ito sa akin ng isang pari. Hindi ko inaasahan. Hinang-hina pa ako dahil wala pang thirty minutes nang manganak ako, ceasarian section, sa pinakamurang ward sa Chinese General Hospital.

Aba, sino ba naman ang hindi maiimbiyerna. Pakiramdam ko pinagdudahan ang pagkatao ko dahil lang nanganak ako at hindi kami kasal ng Papa ko? Iyong inaasam-asam mong “congratulations”, hindi mo man lang narinig at ang dinudutdot sa pagmumukha mo, makasalanan ka dahil nanganak kang hindi pa nakakasal.

Imbes na payuhan ako, aba’y tila ticket pa sa purgatoryo ang inabot ko sa kanya. Kay dami-dami talagang chuvaness ng marami sa atin.



Para sa akin, hindi naman fair ‘yun. Hala, hindi man lang inisip na baka magkaroon ako ng postpartum depression. Wala man lang pakialam ang paring ito na tawagin nating si Papa Pari. Basta’t kailangan niyang ipangalandakan na mali na nanganak ako at hindi kami kasal ng hubby ko.

Naintindihan ko naman ang pinaggagalingan ni Papa Pari. Isa yatang matibay na doktrina ng mga Romano Katoliko na ituring na sagrado ang kasal. At tama lang naman siguro kung ganoon. Pero sa akin lang, hindi ba dapat mas sagrado ang pagpapakita ng pag-ibig na siyang nagpapatibay sa isang relasyon?

Isa pa, sabihin mang hindi kami kasal ng hubby ko, hindi naman ibig sabihin niyon na may karapatan na ang kahit na sino na hamakin ang aming relasyon. Nakaka-sad lang ang ganitong pagtrato ng mangilan-ngilan, lalo na ng mga tinaguriang alagad ng simbahan.

Sa atin na lang ha pero nakaka-tempt sabihin sa kanya na walong taon na kaming nagsasama ng hubby ko nang iluwal ko ang aming si Likha. Hindi man perpekto, nagpapatuloy pa rin. Ngayong Nobyembre nga ay 14 years na kami.

Ang Papa Francis at ang Civil Union Law

Ang daming dahilan kung bakit hindi nagpapakasal ang couples. Oo nga’t lahat naman ay gustong mabasbasan ng simbahan, o ‘ika nga, ng Diyos, ang kanilang pagmamahalan.

May mga ideya rin kasi tayong kapag nagpakasal sa simbahan, hinding-hindi magagawang mapaghiwalay ng tao. Kaya’t may mga babae, lalaki o LGBTTQQIAAP (lesbian, gay, bisexual, transgender, transsexual, queer, questioning, intersex, asexual, ally at pansexual), na nangangarap na humarap sa altar kasama ang kanilang pinakamamahal.

Pero kung may ilang babae at lalaki ang nagkakaproblemang magpakasal, mas malala ang dinaranas ng mga friendship nating gay. Imbes nga naman pagsuporta, pagdududa pa sa kanilang pagkatao ang nakukuha nila.

Mainit-init pa ang usaping same-sex marriage. Parang “Gugmang Ga Aso-aso” ni DJ Rowel na kinahumalingan ngayon ng maraming mahihilig sa Tiktok.

Nagkagulo ang mundo nang magsalita sa isang documentary film si Papa Francis nang tungkol sa same-sex marriage.

“What we have to create is a civil union law. That way they are legally covered,” ayon pa kay Pope Francis sa ginawang documentary na “Francesco.” Ipinalabas ito sa Rome Film Festival.

Ngiti ang dulot ng mga salitang ito ni Papa Francis sa marami sa atin. Alam naman nating maraming Filipino ang patuloy na naiwan ang mga isipan sa panahon ng ating mga ninuno. Tila ba hindi pa sila maka-move on kung saan sila napako sa doktrina at tradisyon.

Sinabi rin ni Papa Francis na “gay people are children of God”. “I stood up for that,” dagdag pa nito.

Magandang usapin ang sinabing ito ni Papa Francis. Kung hindi ka nga naman tinanggap na magpakasal sa simbahan, puwedeng-puwede kang lumapit sa estado under a Civil Union Law.

Una, it’s a show of compassion para sa mga gay o LGBTTQQIAAP na nag-aalangang magpakasal sa simbahan dahil hindi sila tinatanggap. Hindi naman talaga sila tatanggapin lalo’t alam naman nating hanggang sa ngayon ay ‘di pa rin bukas ang mga isipan ng simbahan sa same-sex marriage.

Pero sa kabilang banda naman, magandang pagpapakita ito ng pag-unawa ni Papa Francis: dahil hindi kayo matatanggap sa simbahan, mayroon pang ibang paraan kung saan sakop kayo ng batas.

Ang dating sa akin, sinasabi ni Papa Francis na dead end ang magpakasal sa simbahan pero may other way round kayong puwedeng gawin na ang ending pa rin ay sa inaasam-asam ninyong kasal.

Protektado pa kayo ng batas. O ‘di ba, bongga pa rin?

A gay couple take their vows before a pastor during a ceremony in Manila. (File photo by Mark Saludes)

Samu’t saring problema kay Papa

Kasal ka man o hindi, yumayakap-yakap sa magkarelasyon o mag-asawa ang problema.  Pero ang tanong ko, kapag ba nagkaproblema sa inyong Papa, saan ba kayo tatakbo at hihingi ng tulong?

Sa simbahan ba? O sa estado?

Oo, pupunta tayo sa simbahan. Magdarasal. Mangungumpisal. Hihingi ng spiritual advice kay Papa Pari. Pero ang aalingawngaw sa ating pandinig kapag nagkuwento na tayo ng problema natin sa ating mga Papa, patawarin ang ating mga karelasyon. Na ipagdasal natin sila sa nagawang pagkakamali.

Sa ganitong paraan, nasolusyunan ba ang problema?

Of course hindi.

Magdasal man tayo mula umaga hanggang madaling araw, kung desidido si Papa Hubby o si Misis na lokohin tayo, magloloko pa rin iyan. Hindi iyan magbabago overnight. Kahit nga sa pelikula hindi nangyayari ‘yun, sa tunay na buhay pa kaya?

Saan pa ba ang takbo natin? E ‘di ba sa barangay? Kasi kung sa barangay, tiyak na may aksiyon tayong makukuha. Kung nagloloko na tapos ginugulpi ka pa, eh puwede mong ipakulong ‘yan.



Simple lang naman ang sinabi ni Papa Francis: sa panahong kailangang-kailangan ng tao na mapasailalim sa proteksyon ng batas, ang Civil Union Law ay mainam na solusyon para maproteksiyunan ang mga taong may relasyon— LGBTTQQIAAP man o straight.

Mabuti nang mabigyang linaw ang mga karapatan ng bawat isa sa relasyong kinabibilangan nila. At estado, hindi ang Simbahan, ang makatutulong dito.

Kung sandamakmak ang natuwa dahil sa pagbibigay ng kapiranggot na pagsasaalang-alang ni Papa Francis sa mga friendship nating gay, hindi rin maiiwasang sandamukal ang nagagalit. Mga naha-haggard versoza na sa inis.

Next time, kalma lang. Isip-isip kapag may time. Hindi naman sinabi ni Papa Francis na sumasang-ayon siya sa same-sex marriage. Ang gusto niya lang ay matulungan ang may same-sex marriage na mapabuti ang kanilang relasyon ayon na rin sa karapatang pantao na mayroon sila.

At ang Civil Union Law ang magpapatibay sa karapatang pantaong ‘yan. 

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments