Magsasagawa ng pagbabasbas ng mga “urn” ang Minor Basilica of the Immaculate Conception Cathedral sa lahat ng linggo simula sa ika-4 ng Oktubre hanggang sa ika-8 ng Nobyembre.
Ayon sa inilabas na pahayag ng Manila Cathedral, gagawin ang pagbabasbas bilang tugon sa pastoral instruction ni Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator ng Maynila.
“From October 4 to November 8, in all our Sunday Masses, we will be having the Rite of Blessing of Cremated Remains,” pahayag ng obispo.
“The family may bring the urn and a picture of their beloved dead, and we will celebrate a worthy liturgical blessing for them,” dagdag ni Bishop Pabillo.
Naging bahagi ng protocol sa panahon ng pandemya ang pagsusunog o pag-cremate ng mga labi ng mga namayapang sa COVID-19.
Hinikayat ang mga mananampalataya na dalhin ang urn at larawan ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay na babasbasan pagkatapos ng Misa.
Hinihikayat ang mga parokya sa Maynila na maglaan ng mas maraming Misa para sa mga namayapa lalu’t pansamantalang ipasasara ang mga sementeryo kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Banal at Araw ng mga Patay.
Una na ring ipinag-utos ng pamahalaan ang pagpapasara sa lahat ng mga sementeryo sa buong bansa simula ika-30 ng Oktubre hanggang sa ika-4 ng Nobyembre.
Naglabas din ang Arkidiyosesis ng Maynila ng panalangin para sa mga namayapa na maaring dasalin ng bawat pamilya sa kanilang tahanan nang hindi na kailangan pang magtungo sa sementeryo.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments