Mas matindi umano ang krisis sa kalikasan kaysa pandemya na dulot ng coronavirus disease.
Ito ang sinabi ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, habang hinikayat niya ang mga mamamayan na patuloy na isaalang-alang ang pangangalaga sa kalikasan.
Aniya, bagama’t nagtapos na ang paggunita sa “Season of Creation” hindi natatapos ang tungkulin ng bawat isa na pangalagaan ang kalikasan.
Sinabi ng obispo na ang pangangalaga sa kalikasan ay nagpapatuloy kasi mas mabigat na krisis ang kinakaharap nito kumpara sa pandemyang nararanasan.
“Hindi po dahil sa nagtapos na ang Season of Creation, natapos na ang ating pag-aabala at pag-alaga sa inang kalikasan,” ayon kay Bishop Pabillo.
“Ito po’y isang patuloy na krisis at mas mabigat na krisis kaysa sa virus. Kaya sana po patuloy na isaalang-alang natin ito,” dagdag ng obispo.
Karaniwang nagtatapos ang paggunita sa “Season of Creation” kasabay ng kapistahan ni San Francisco de Asis, ang patron ng kalikasan, ngunit pinalawig ito sa Pilipinas hanggang ika-11 ng Oktubre upang gunitain ang Indigenous Peoples’ Sunday.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments