‘It’s Okay, That’s Love’ at mental health

“Magpatingin ka sa psychologist, baka naman nasa isip mo lang ang sakit.”

Hindi ko malilimutan ang linyang iyan. Iyan ang sinabi sa akin ng isang doktor nang magpatingin ako dahil sa pananakit ng katawan ko. Tatlong taon na ang nakararaan.

Nagulat ako siyempre sa narinig. Hindi ako baliw, iyan ang paulit-ulit na isinisigaw ng utak ko. Naisip ko ring bigla ang koneksiyon ng pananakit ng katawan sa pagpapatingin sa psychologist.

May documentary pa siyang binaggit na panoorin ko raw. Pero dahil sa inis, hindi ko pinanood.



It’s Okay, That’s Love

Oo, aaminin kong hanggang ngayon ay naiinis pa rin ako sa doktor na nagsabi sa aking magpatingin sa psychologist at baka nga gawa-gawa lang ng utak ang pananakit ng katawan ko.

Pero nagising ang diwa ko nang mapanood ang K-drama na “It’s Okay, That’s Love”.

Sabi nga ng marami, baliw daw o may sayad ang mga manunulat. Masakit itong marinig sa totoo lang. May mga palabas na ganoon ang paglalarawan sa manunulat. Bukod sa may sayad, hindi rin daw marunong magbihis at maligo.

Isang successful novelist ang bida ng palabas ng “It’s Okay, That’s Love” na si Jang Jae-yeol (ginampanan ito ni Jo In-sung), bukod sa mapapansin mong may problema ito sa pag-iisip, ipakikita rin sa iyo ang hirap na dinaranas ng manunulat sa pagbuo ng isang akda. Ang hindi pagkain. Ang hindi pagligo. Ang pakikipagtagisan sa mga letra sa keyboard.

Sa title pa lang, iisipin mong simpleng love story lang ito. Pero kapag pinanood mo na ay makikita mo ang mensahe—ang pagkakaroon ng problema sa kalusugang mental. Dalawang taong magtutulungan upang tuluyang maghilom ang sugat ng nakaraan—sina Jang Jae-yeol at Ji Hae-soo (Gong Hyo-jin).

May kanya-kanyang masakit na nakaraan ang dalawang karakter na sina Jae-yeol at Hae-soo. Si Hae-soo ay isang psychiatrist. Bukod naman sa pagiging successful novelist ni Jae-yeol ay isa rin siyang radio DJ.

Sabihin mang isang psychiatrist si Hae-soo, may pinagdaraanan siya at iyon ay ang problema sa pakikipagrelasyon: anxiety at insecurity issue. Takot sa commitment. Sex phobia.

Samantalang si Jae-yeol naman ay patuloy na minumulto ng masaklap na pangyayaring kanyang pinagdaanan noong bata pa siya. Kumakaharap siya sa obsessive–compulsive disorder.

‘It’s Okay, That’s Love’ promotional poster

Hindi lamang tatag ng isang relasyon ang ipinakita sa “That’s Okay, It’s Love” kundi ang pagmamahal at pagtitiwala sa sarili. Oo nga’t kung minsan ay nawawalan tayo ng tiwala sa ating sarili. Minsan din ay bumubuo tayo ng magandang mundo sa ating isipan para makawala sa pagkakagapos ng nakaraan.

Pero hindi laging solusyon ang pagtatakwil sa katotohanan. Oo, masakit ang alalahanin ang mga mapapait na nangyari sa buhay pero dapat natin itong tanggapin.

Kaya nga nang mapanood ko ang “It’s Okay, That’s Love” ay na-realize ko na wala naman palang masamang intensiyon ang doktor na nagsabi sa aking magpatingin ako sa pyschologist.

Inisip niya lang ang kapakanan ko.  Masyado lang akong nag-react.

Sa naturang K-drama, bukod sa problema ng dalawang karakter ay ipinakita rin ang mga sakit na likha ng isipan. Kagaya ng mag-asawang nakakakita ng ipis kahit na wala naman talaga.

Schizophrenia, Obsessive Compulsive Disorder (OCD), at Tourette Syndrome, ilan lamang iyan sa mga sakit na makikita mo sa naturang K-drama.

May kilig, puno ng pag-ibig, pag-aalangan, takot, pagtanggap at tapang ang “It’s Okay, That’s Love”. Higit sa lahat, iminumulat ang manonood sa mga nakaraan na kailangan nating harapin upang makausad sa hinaharap.

Likhang sining man ang “It’s Okay, That’s Love” ay kakikitaan mo ito ng malaking koneksiyon sa ating buhay.

Image from Huntsville Doppler

‘Lolita’ ni Vladimir Nabokov

Bawat obra, lalo na ang tumatalakay sa mga sensitibong isyu tulad ng mental health, ay masasabi kong may koneksiyon sa pinagdaraanan ng bawat isa sa atin. Nabubuo ang isang obra dahil sa likot ng imahinasyon ng isang manunulat. Sa bawat obra, ang manunulat ang tagapaglikha ng mundo at tagapagtahi ng tagpi-tagping mga buhay.

Sa mundong ating ginagalawan, maraming nangyayaring hindi maganda. Maraming tao ang hanggang ngayon ay napipiringan pa rin ang mga mata. Bulag sa kung ano ang tama at hindi. May ilan ding panay ang pagsasalita ng kung ano-ano nang hindi man lang pinag-aaralan ang bawat pangyayari.

Tunay na mayroong pinanggagalingan ang bawat bagay o maging ang mga obra. Pero hindi naman ibig sabihing isinulat ito o ipinalabas ay dapat na itong gayahin o isabuhay.

Nakabase man ang kathang-isip sa tunay na pangyayari, dapat pa rin itong basahin ng may pag-iingat at talas ng isip.

Natatandaan ko tuloy ang nobela ni Vladimir Nabokov, ang “Lolita”. Pedophilia: ito ang mismong kuwento sa mga pahina ng naturang nobela.



Gayunpaman, isinulat man ito ng manunulat ay hindi naman nangangahulugang pino-promote niya ito. Sa simula pa lang ng nobela, maingat na ipinakita ni Nabokov sa mambabasa na mali ang magkaroon ng sexual attraction ang isang matanda sa isang menor de edad.

Maraming kakabit na isyu ang pedophilia. At kung gugustuhin man ng isang manunulat na gumawa ng nobela tungkol dito, hindi nito puwedeng talikuran ang responsibilidad na ‘yan sa kanyang mambabasa.

Katulad na lang ng mga nobelang naglalarawan sa pedophilia bilang romansa ng isang matanda at isang menor de edad, maling-mali ito. Ang pedophilia ay hindi romansa, kundi isang krimen.

Dapat na isulat ng may pag-iingat gamit ang angking talino at mahabang eksperiyensiya sa pagmulat sa katotohanan ang mga sensitibong usapin. Hindi ito madali, at hindi ito magagawa ng kung sino-sino lamang.

At lalong mali ang pagsingit nito sa kuwento para lamang mapansin ang akda at makabenta ng libro.

Sa panahon ngayon, stressed at depressed ang marami sa atin dahil nga sa kinahaharap na pandemya. Minsan, lalo na ngayong tila wala na tayong nakikitang mabuti at nalalambungan ang pag-asang pinanghahawakan, hindi maiwasang maapektuhan ang ating kalusugan—mental at pisikal.

Pero tandaan natin, may dahilan tayo para lumaban. May dahilan tayo para kayanin ang bawat pagsubok na pinagdaraanan natin. At iyan ang mga taong mahal natin. Mga taong nagbibigay lakas sa nalulumbay nating diwa.

Sa K-drama na “It’s Okay, That’s Love”, nalampasan ng mga karakter ang pinagdaraanang problemang mental dahil sa pag-ibig. Dahil sa pagtitiwala sa sarili. Dahil sa patuloy na paglaban.

Kaya’t sa panahon ngayon ay panghawakan natin ang mga taong mahal natin nang patuloy tayong maging matatag. Upang patuloy tayong makausad.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments