Kabataang Filipino, kaisa sa pandaigdigang pananalangin laban sa pandemya

Iaalay ng Aid to the Church in Need-Philippines (ACN) sa tuluyang pagwawakas ng coronavirus pandemic ang intensyon ng taunang “One Million Children Praying the Rosary Campaign.”

Karaniwang inaaalay ang taunang aktibidad para sa kapayapaan, pagkakaisa at kapakanan ng mga Kristiyanong dumaranas ng pag-uusig sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Ayon kay Henrietta de Villa, chief executive Officer ng ACN Philippines, dahil sa pambihirang sitwasyon na kinahaharap ng daigdig mula sa pandemya ay napagdesisyunan ng ACN na ialay ang panalangin para sa paghihilom at kaligtasan ng sangkatauhan.



Kaisa ang ACN-Philippines sa ilulunsad na “One Million Children Praying the Rosary to End COVID-19.”

Nakatakda ang sabay-sabay na pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga kabataan sa darating na Lunes, Oktubre 19, kung saan napiling isagawa ang highlight event sa Paco Catholic School sa Archdiocese of Manila.

Inaanyayahan ang lahat na makibahagi sa pananalangin ng Santo Rosaryo para sa pagwawakas ng pandemya sa pamamagitan ng pagsubabay sa gagawing live online streaming nito sa ACN-Aid to the Church in Need Facebook page.

Layunin ng Worldwide Prayer Event na isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Inilunsad ang One Million Children Praying the Rosary campaign sa Caracas, Venezuela, noong taong 2005 kung saan umaabot na sa mahigit 80 bansa ang taunang nakikibahagi sa malawakang pananalangin ng mga kabataan.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments