Nag-alay ng panalangin si Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Maynila, para sa mga dumaranas ng mental health issues.
Nagpaabot ng mensahe ng pakikiisa ang obispo sa World Mental Health Day para sa mga taong nakararanas ng suliranin kasabay ng nararanasang krisis dulot ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Bishop Pabillo, hindi lamang pangkatawan ang kalusugan kundi maging sa kaisipan na dapat na pakaingatan at pagtuunan ng pansin.
“Kaya dapat maging maingat at maging conscious tayo kasi ito’y bahagi rin ng ating kalusugan,” aniya.
“Madalas nakikita natin ang kalusugan natin na pangkatawan lang, pati sa ating kaisipan may kalusugan din d’yan,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Kaugnay nito, hinikayat ng obispo ang pag-aalay ng panalangin para sa mga taong may problema sa mental health na makatutulong para mapagaan ang kanilang mga dinaramdam.
Iginiit ng obispo na sa pamamagitan ng pag-aalay ng panalangin sa kapwa ay matutulungan ding maibsan ang pansariling karamdaman sa kaisipan.
Panalangin ni Bishop Pabillo sa paggunita ng World Mental Health Day:
“Diyos Amang mapagmahal, kami po’y nagpapasalamat sa’yo sa biyaya ng aming kalusugan. Kalusugan sa aming katawan, sa aming kaisipan at sa aming kaluluwa.
Ipinagdadasal po namin ngayon ang World Mental Health Awareness, ang mga kapatid namin na magkaiba po ng mga problema sa kanilang kalusugang pangkaisipan.
Gabayan n’yo po sila, iligtas n’yo po sila, bigyan po sila ng mga taong makakaunawa sa kanila at makakatulong sa kanila; At ipinagdarasal din po namin na kaming lahat ay maligtas sa ganitong karamdaman sa aming kaisipan.
Ito po’y aming hinihiling sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.”
Gugunitain ang World Mental Health Day sa Oktubre 10 upang mabigyang-pansin at magkaroon ng kamalayan ang bawat isa sa lumalalang bilang ng mga taong nakararanas ng depresyon na humahantong sa pagpapatiwakal.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments