Pandemya, hindi hadlang sa 2022 national elections

Hindi hadlang ang coronavirus pandemic sa halalan sa 2022.

Ito ang binigyang diin ni Sister Mary John Mananzan, OSB, convenor ng Movement Against Tyranny at election watchdog na Kontra Daya, sa mungkahing ipagpaliban ang 2022 national and local elections.

Aniya, maraming mga pamamaraan na maaaring suriin at pag-aralan ang Commission on Elections upang magamit na sistema sa eleksyon, tulad na lamang ng pagsusuri sa posibleng paggamit ng digital technology.



“I don’t think they should use this pandemic to defer the election,” sabi ni Sister Mary John.

“Hindi naman nila alam kung anong mangyayari sa 2022, di ba? Bakit ngayon na sinasabi na nila, at saka I’m sure if may magagawa sila ngayon na nasa digital na tayo I cannot imagine that we cannot do an election in the same way,” dagdag ng madre.

“I totally disagree [on the recommendation of postponing the 2022 elections] pero I expected that already,” bahagi ng pahayag ni Sister Mary John sa panayam ng Radio Veritas.

Una na ring nagpahayag ng pagtutol ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa panukalang hindi ituloy ang halalan.

Ayon naman sa Legal Network for Truthful Elections, bagaman maaaring ipagpaliban ang halalan kung may sapat na dahilan, maaari lamang itong ipagpaliban hanggang sa huling araw ng Mayo taong 2022 upangt maiwasan ang constitutional crisis.

Magtatapos ang termino nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Bise-Presidente Leni Robredo sa ika-30 ng Hunyo taong 2022.

Sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pondo ng Commission on Elections para sa susunod na taon ay inirekomenda ni Deputy Majority Leader at Pampanga Representative Juan Miguel Arroyo sa Commission on Elections na ikonsidera ang pagpapaliban ng 2022 national and local elections dahil sa banta ng pandemya.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments