Football field ng simbahan sa Maynila, ginawang gulayan para sa mahihirap

Isang football field ng isang parokya sa Maynila ang ginawang gulayan upang makatulong sa pangangailangan ng mga mahihirap.

Suportado ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Maynila, ang inilunsad kamakailan na proyektong “Vegetable Garden City” sa St. John Don Bosco Parish sa Tondo, Maynila.

Sa ilalim ng proyekto na tinaguriang “Buhay sa Gulay,” nagkaroon ng kasunduan ang Don Bosco Parish at Department of Agrarian Reform (DAR) na gamitin ang 8,000 sq. meters na football field ng simbahan upang pagtaniman ng iba’t ibang gulay na mapakikinabangan ng mga pamilya at residente ng 17 barangay sa palibot ng parokya.



Ayon kay Bishop Pabillo ang buhay ni St. John Bosco ay kanyang inilaan para sa mga mahihirap “kaya marahil ang DAR ay kanyang instrumento upang matulungan ang mga mahihirap na parokyano ng Maynila ngayon.”

“Maraming Filipino ang naapektuhan ng pandemya dahil karamihan sa kanila ay nawalan ng trabaho at nawalan ng paraan kung saan sila kukuha ng maihahain sa kanilang mga mesa,” ayon naman kay Agrarian Reform Secretary John Castriciones.

Dahil sa nakatiwangwang lamang ang lupa sa loob ng simbahan, gagamitin ito upang turuan ang mga residente kung papaano magtanim ng makakain at kung may sobra ay maibenta at mapagkakitaan

Sa ilalim ng kasunduan, magbibigay ang DAR ng mga training, binhi, at iba pang mga pangangailangan sa pagtatanim kabilang ang mga makinarya habang ang parokya naman ang maghahanap ng makatutulong sa paghahanda sa lupa at pagtatanim.

“This is a very good project at pagtutulung-tulungan natin ito,” ayon kay Father Gaudencio Carandang, parish priest ng Don Bosco.

Aniya, ang mga gulay na aanihin mula sa garden ay ipamamahagi sa mga resident partikular sa mga barangay na tutulong sa proyekto.

“Umaasa ako na ang ibang lungsod, komunidad, at sentro ng iba pang lungsod dito sa Kamaynilaan ay matularan ang proyektong ito,” ayon kay Bishop Pabillo.


Source: Licas Philippines

0 Comments