Backhoe. Hindi makilalang mga bangkay. Dugo.
Matingkad na matingkad pa rin sa aking alaala ang mga nangyari noong Nobyembre 23, 2009— ang Ampatuan massacre. Twenty-three years old ako at nagtatrabaho sa Dateline Philippines, isang online news portal.
Maaga pa lang ng Nobyembre 23 ay nasa opisina na kami ng hubby ko. Maaliwalas ang paligid ng mga panahong iyon. Walang pahiwatig ng kapahamakan. Nakangiti pa nga ang langit na tila nakikihati sa ligayang nadarama ko.
Excited ako noon dahil ang kauna-unahang nobelang isinulat ko’t isinali sa isang national writing contest ay nanalo ng first prize. At ang awarding ay gaganapin sa Nobyembre 23.
Sa totoo lang, hindi ko inasahang mananalo ako. First time ko lang kasing sumali sa contest. Isang linggo kong pinagpuyatan ang nobela para lang matapos. Nang matapos ko na, nakiusap ako kay hubby na basahin at bigyan niya ako ng komento sa takbo ng kuwento.
Iba pa rin kasi iyong may ibang pares ng matang titingin sa isinulat mo. Malay mo nga naman, may mga nakaligtaan akong pangyayari. Lagi pa namang sinasabi sa akin ni Joel na kapag naglabas daw ako ng baril sa simula, kailangang iputok ko ito sa huli, ‘ika nga raw ni Anton Chekhov. Kaya pinakiusapan ko siyang silipin man lang ang nobela ko.
Kaso, mariing sinabi sa ‘kin ni hubby na hindi niya babasahin ang nobela ko—ano man ang mangyari, magalit man ako.
Lungkot na lungkot ako. Inis na inis din ako kay hubby. Ni title nga ng nobela ko, hindi man lang niya sinulyapan. Kaya’t ipinasa ko iyon nang wala man lang tumitingin o nag-e-edit na iba.
Ang dahilan ni hubby ay ito: “Gusto ko maging buo ang loob mo. Para kapag nanalo ka, wala kang kahati sa pride at pagkapanalo mo. Iyong-iyo lahat ‘yun.”
Ilang linggo ang hinintay ko. Pero wala akong natanggap na text, tawag o email sa pinagpasahan ko ng akda. Nang lumipas na ang isang buwan, nawalan na ako ng pag-asang mapipili ang nobela ko. Sabi ko pa naman, kahit pang third lang, masaya na ako.
Nawaglit na sa isip ko ang ipinasang nobela. Hanggang isang araw, may text akong natanggap. Nakasakay ako noon ng dyip nang biglang tumunog ang cellphone. Dali-dali kong tiningnan. Laking gulat ko na lang nang mabasang nanalo raw ng first prize ang ipinasa kong nobela. Tuwang-tuwa ako. Pero saglit lang. Nawala ang pagkakangiti ko nang maisip na baka may nanloloko lang sa akin. Pinagkatuwaan akong i-text. Pinaaasa.
May pag-aalangan man kung totoo o hindi ang nabasang text, nag-message pa rin ako kay hubby. Sabi ko sa ipinadalang text sa kanya na may sasabihin ako pero hindi pa ako sigurado kung totoo.
Hindi pa yata gaanong uso noon ang mobile data. Kaya nang makarating ako ng opisina, hindi pa ako nakauupo ay tsinek ko kaagad ang email. At hola, nanalo nga raw ang nobela ko. Siyempre, nanigurado ako. Inalam ko kaagad ang pinanggalingan ng email at legit, mula iyon sa National Book Development Board.
“Nanalo nga ako,” pigil-pigil ang ngiting wika ko pa kay hubby. Matapos akong makapag-reply sa email, nakatanggap ako ng tawag at sinabi na nga sa akin ang mga detalye: oras at araw ng awarding, kung magkano ang matatanggap na cash prize at ang certificate.
Nobyembre 23, 2009, ang awarding sa Greenbelt 3, Makati City.
Tanda ko, bandang 10 a.m. ay nagtungo na kaming Makati ni Joel. Dahil may trabaho, sasaglit lang kami. Matapos makuha ang certificate ng pagkapanalo, tseke at makapagpa-picture, balik na kaming opisina upang harapin ang trabahong panandaliang iniwan.
Kainan, tawanan at pagpapak ng mga balita ang nagbibigay kulay at sigla sa opisina ng Dateline Philippines. Walang tigil. Tila wala kaming kasawaan.
Sa nagbabadyang paghalukipkip ng araw ay dumating ang dalawa naming kasamahan galing Maguindanao, ang aming editor-in-chief at ang isang award-winning photojournalist. Nagulat kami sa kanilang pagdating. Hindi namin inaasahan iyon sapagkat kasama silang naimbitahan para subaybayan ang paghahain ng kandidatura ni Ishmael Mangudadatu.
May aasikasuhin silang mahalaga kaya sila naunang bumalik sa Manila, iyan ang natatandaan kong wika nila.
Tapos na ang trabaho. Nagtatalukbong na ang kalangitan. Naghahanda na rin kami sa pag-alis nang biglang may tumawag sa aming editor-in-chief. Nag-iingay kami noon. Sinenyasan kaming tumahimik.
Nakatutulig ang katahimikang pumailanlang ng mga sandaling iyon. Tila kay bagal ng pagkampay ng orasan.
Kasabay ng pagtahimik ang nakakayanig na balita. Pinatay! Maraming pinatay!
Pinatay lahat ng mga kapatid namin sa trabaho. Pinatay ang lahat ng mga nag-cover sa paghahain ng kandidatura ni Mangudadatu. Tila putok ng baril ang pag-alingawngaw ng salitang “lahat” sa aking balintataw.
Nang mga panahong iyon, hindi ko alam kung saan ako kumuha ng tapang at lakas ng loob na panoorin ang pinadalang video sa amin. Ang video kung saan nagkalasog-lasog ang mga katawan. Hindi na mamukhaan. Kahit video lang ang pinanonood ko, tila naaamoy ko ang lansa ng dugong bumulwak sa lupa at damuhan. Nagmamarka sa isipan ko ang hirap na kanilang pinagdaanan sa kamay ng mga Ampatuan.
Sa tuwing sumasapit ang Nobyembre 23, magkahalong saya at lungkot ang aking nararamdaman. Saya sapagkat naipanalo ko ang kauna-unahanng isinulat na nobela. At lungkot dahil maraming kabaro ko ang nakitlan ng buhay sa Shariff Aguak.
Magpahanggang ngayon, sabihin mang nagkaroon na nang desisyon ang korte laban sa mga akusado, marami pa rin ang hindi nahuhuli. Ang inaasam-asam nating hustisya ay hindi pa rin natin buong-buong nakakamtan.
Labing isang taon na ang nakararaan. Ngunit ang masaklap na pangyayaring ito ay hindi kailanman mabubura sa isipan ng maraming Filipino, lalong-lalo na sa mga kagaya kong diyarista.
“Itigil ang pamamaslang, katarungan ipaglaban.” #WeWillNotForget
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments