‘Kandidatong Pulpol’ at ang pagharap sa trahedya

Sa mga panahon ng kalungkutan, naghahanap tayo ng mga paraan o hakbang upang mabahiran ng ngiti ang ating pisngi.

Kaya naman, naghanap ako ng mga lumang palabas sa YouTube na ang bida ay ang Comedy King na si Dolphy. Dalawang palabas ang nakatawag pansin sa akin—ang “Kandidatong Pulpol” at “Sarhento Fofonggay: A, Ewan”.

Iyon nga lang, medyo mahirap nang aninagin ang mukha ng mga gumanap sa nabanggit na palabas sa sobrang tagal o luma. Pero sabihin mang malabo at halos mabura na ang hitsura ng mga karakter pero ang ipinahihiwatig naman ng palabas at pagsalamin sa nangyayari sa lipunan ay nananatiling matingkad.



Kandidatong Pulpol (1961)

Ang payat-payat pa ni Dolphy sa “Kandidatong Pulpol”. Parang kawayang nakatayo sa gitna ng parang. Tuwid na tuwid. Manipis na manipis ang katawang tila pinagkaitan ng sustansiya.

Pero punumpuno ng sustansiya sa utak ang naturang palabas. Kumbaga, binibigyan ka ng pagkakataong makapag-isip at maka-relate sa mga nangyayari ngayon sa lipunan.

Taong 1961 pa lang ay nagkaroon na ng ideya ang director ng “Kandidatong Pulpol” na si Tony Cayado tungkol sa samu’t saring kabalastugang pumapaimbabaw sa panahon ng eleksiyon gaya na nga lang ng vote buying, pananakot at karahasan.

Kung noon ay nangyayari na ito, anong level na kaya ng mga ganitong gawi ang lumalaganap sa makabagong panahon? Anong kasakiman o kaitiman kaya ng budhi ang ipinakikita o ginagawa ng mga kandidato o politiko makamit lamang ang inaasam-asam nilang kapangyarihan?

Hindi ko ma-imagine.

Pinaninindigan ako ng balahibo.

Napupuno ng galit ang dibdib ko.

Sarhento Fofonggay: A, ewan! (1974)

Hitik na hitik sa katatawanan ang mga eksena sa “Sarhento Fofonggay”. Hindi kagaya ng “Kandidatong Pulpol” na mas naka-focus ako sa ginagawa ng mga kandidato manalo lamang sa halalan.

Sa “Sarhento Fofonggay” halos hindi ko mapigil ang pagtawa. May mga pagkakataon ngang kahit na alam ko na ang mangyayari o eksena, ‘di ko pa rin mapigil ang sariling matawa.

Simple lamang ang kuwento sa nasabing palabas: isang “malambot” na lalaki si Kikoy Fofonggay. Inimbitahan itong mag-training sa army.

Sa simula, parang walang pakialam si Kikoy Fofonggay sa mga nangyayari sa paligid. Pero unti-unti ay nabuksan ang kanyang diwa. Nagbago ang pananaw ni Sarhento Fofonggay. Hindi lamang din naging “matigas” siya, kundi nakapa niya sa kanyang puso’t isipan ang kapakanan ng bansang sinilangan.

Ipinakita rin sa palabas ang pag-astang diyos ng mga may mataas na tungkulin. Tila sumasalamin ang palabas na ito sa kinahaharap ngayon ng bansa— ang pagpapabaya ng ilan sa mga nakaupo sa tungkulin. Ang hayaan ng mga pinagkakatiwalaan nating politiko na sa isang kisap-mata lang ay mamatay ang marami nating kababayan. Ang unahin ang pansariling kapakanan.

Himbing na himbing nga naman silang natutulog samantalang ang kanilang mga nasasakupan ay gahibla lang ng sinulid ang naghihiwalay sa buhay at kamatayan. Nagsasaya at nagpa-party habang ang maraming Filipino ay nasa bubong, nilalamig at natatakot sa nakaambang kamatayan.

Komedyang hindi nakakatawa

Gustong lumangoy pero hindi pinayagan? Sex joke sa gitna ng kalamidad? Ngayong kumakaharap sa matinding problema ang bansa?

Hindi biro ang nangyayari ngayon. Hindi ka puwedeng magsalita ng kung ano mang maisipan mo, may masabi ka lang sa mamamayan. Hindi tayo madadala sa pagpapatawa. Hindi naman siya si Dolphy, Redford White, Babalu o Panchito na ang forte ay ang patawanin tayong mga Filipino.

Oo, pinipili natin ang ngumiti sa kabila ng matinding trahedyang ating kinahaharap. Pero kagaya nang kahindik-hindik na ugong ng takot na bumabalot sa Linao East bandang alas-dos ng madaling araw noong Nobyembre 14 habang nasa bubong ang marami nating kababayan, gayundin ang galit na namumuo sa ating kaibuturan.

Mas matindi pa sa horror movie ang kinahaharap nating mga Filipino sa panahon ngayon. Bukod sa pandemya, sinalanta tayo ng magkasunod na bagyo—Ulysses at Rolly—na kumitil ng maraming buhay at lumipol sa kabuhayan ng mga kababayan natin sa Cagayan, Isabela at Bikol.

Nakadudurog ng puso ang ganitong mga pagsubok. Ngunit dahil din sa mga pagsubok na ating pinipilit na malampasan, tumatatag tayo at lumalakas.

Oo, subok na ang lakas at tatag nating mga Filipino sa pagharap sa trahedya. Pero hindi ibig sabihin nito ay makokontento tayo sa kawalang aksiyon ng gobyerno. Karapatan ng  bawat isa na punahin ang gobyerno habang manhid nitong pinanonood ang pagdurusa ng bawat Filipino.



Hindi naman natin hinihingi ang hindi para sa atin. Ang tulong na hinihingi natin ay galing din sa ating dugo at pawis.

Naghuhumiyaw na kalungkutan at galit ang nadama ko sa hindi mabilang na buhay na agarang nawala, hindi lamang dahil sa pagsalanta ng bagyo kundi dahil sa kapabayaan ng mga nakatataas sa atin.

Sa mga sandaling gasinulid na lamang ang naghihiwalay sa buhay at kamatayan, gayun na lang din kanipis ang bahid ng tiwalang natitira sa marami sa atin sa mga nakaupo sa trono.

Pinangingiti tayo ng mga palabas ni Dolphy gaya na nga lang ng “Kandidatong Pulpol” at “Sarhento Fofonggay”. Pero isang mabisang paraan din ito upang mapaisip tayong mga Filipino sa katiwaliang nangyayari sa estado noon pa man. Kung paanong hinihipnotismo tayo ng mga kandidato gamit ang pangako at mabubulaklak na salita pero wala namang aksiyong ginagawa kapag nakuha na ang posisyong asam-asam.

Lalaban tayo. Mahahawakan lamang natin ang karapatang ating inaangkin kung ipaglalaban natin ito. Patuloy nating pag-iilawin ang umaandap-andap na isipan ng ating mga kababayan.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments