Mamamayan, pinag-iingat sa donation scam

Pinaalalahanan ng obispo ng Novaliches ang mamamayan na mag-ingat sa pagbibigay ng tulong upang makaiwas sa pananamantala.

Ito ang mensahe ni Bishop Roberto Gaa hinggil sa pangangalap ng donasyon para sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha dahil sa magkakasunod na bagyo.

Sa video message ng obispo, nangangamba ito sa maaring pananamantala dahilan upang hindi makaabot sa mga apektadong residente ang tulong.



“Marami ang nagpa-facilitate ng tulong pero mag-iingat po tayo baka hindi lahat ng humihingi ng tulong ay maipapaabot sa mga kinauukulan,” ayon sa obispo.

Paalala naman ng obispo sa mga nangangalap ng donasyon na isaisip, isapuso, at pangalagaan ang reputasyon kaya mahalaga ang transparency.

Ipinaliwanag ni Bishop Gaa napakahirap bumangon at hilumin kung masisira ang reputasyon ng isang tao kaya dapat pag-ingatan ito.

Nauna nang nagbabala ang Caritas Manila at iba pang diyosesis sa bansa na maging mapanuri at siyasating mabuti kung lehetimo ang mga humihingi ng donasyon upang makaiwas sa panloloko.

Ito’y kasunod ng pagkalat ng mga pekeng apela ng donasyon gamit ang pangalan ng Simbahan at ilang lider nito.

Iginiit ni Bishop Gaa na mahalagang magkaroon ng sistema sa pangangalap lalo na sa “cash donations” upang makita ng mga donor ang pinatutunguhan ng kanilang donasyon.

“May sistema sana tayo sa paghingi ng tulong at makita doon na maayos ang proseso, very systematic, makikita ang pagpasok, pag-account at paglista ng mga natanggap na tulong,” ayon sa obispo.

Sa kasalukuyan patuloy pa rin ang Caritas Manila, Caritas Philippines, at ang mga social action center ng bawat diyosesis sa bansa sa paglingap sa mahigit tatlong milyong tao na biktima ng mga pagbaha sa Luzon bunsod ng magkakasunod na bagyo.

Ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments