May tattoo ako, kriminal na ba ako?

Ang tattoo ay simbolo ng pagiging kriminal, iyan ang diumanong “tamang” sagot sa isang module ng Department of Education (DepEd). Napaisip ako sa litanyang ito. Masama ba? Kriminal ba ang tingin ng marami sa aming mayroong tattoo?

Isa pa lamang ang tattoo ko ngayon. Pero plano ko itong dagdagan ng dalawa pa—isang couple tattoo at aster (birth flower namin nina hubby) na ang tangkay ay pangalan ni Likha. Iyong couple tattoo, pinag-iisipan pa naming mabuti ni hubby kung ano ang magiging design.

Ayoko rin naman kasing magpamarka sa katawan ng basta-basta. Gusto ko iyong may ibig sabihin o meaning. Para sa akin kasi, ang tattoo ay sining ng alaala. Marka ng tagumpay at patuloy na paglaban.



Alas-dose ng gabi nang magpa-tattoo

Taong 2018 nang magdesisyon akong magpa-tattoo. Pero hindi naging madali sa aking magpalagay ng tattoo dahil kay Likha—ang nag-iisang anak namin ni hubby.

“Tattoo are for boys only, mommy,” tandang-tanda ko pang wika ni Likha. Apat na taon pa lamang siya noon. Nagpaalam pa kasi ako sa kanyang magpapalagay ng tattoo. Maraming design ang ipinakita ko para lang payagan niya ako.

Ilang araw rin ang naging masinsinang pag-uusap namin ni Likha bago niya ako pinayagan. May mga pagkakataon pa ngang siya ang namimili ng design. May mga suhestiyon siya sa kung ano raw ang magandang design para sa akin. Hello Kitty na may dalang lobo. Iyon ang gusto niya. Pero hindi iyon ang gusto ko.

Mahabang paliwanagan ang namagitan sa amin ni Likha. Nagpagawa rin ako kay Rachel ng design na gusto ko—pusa na nakaupo sa libro, may suot na scarf na pula at may hawak na papel at ballpen. Mga imahen ng aking pagiging manunulat.

Nang maipakita ko kay Likha ang sample ng ipapa-tattoo ko, ang cute raw kaya naman, abot-abot sa langit ang ngiti ko.

At nang makamit ko nga ang hinihintay-hintay na “okay” mula sa anak ay kinulit ko na kaagad si hubby na magpa-tattoo na kami. Madaling araw na kami nagpa-tattoo. Kasama si Likha.

Siyempre, hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Mahirap na. Baka mamaya ay magbago pa ang isip ng apat na taon kong anak at mapurnada pa ang pagpapa-tattoo ko.

Ang may-akda at ang kanyang tattoo

Parang kagat lang ng langgam

Nasa labas na kami ng tattoo shop sa Las Piñas, excited ako. Sa wakas nga naman, makapagpapa-tattoo na ako. Pero sarado ang shop. Naka-lock.

Sabi ni hubby, bumalik na lang daw kami kinabukasan. Manggagaling pa kasi sa event ang tattoo artist na gagawa sa amin. Hindi ako kumibo. Nakatayo lang ako sa may pintuan ng shop. Tinititigan ang nakakandadong pinto. Wala talaga akong planong umuwi hangga’t hindi ko nakukuha ang gusto ko.

“Pagod na ‘yun. Baka mamaya pangit pa ang kalabasan ng tattoo mo,” sambit pa ni hubby.

Hindi pa rin ako tuminag sa kinatatayuan.

Thirty minutes kaming naghintay at natanaw ko na ang tattoo artist na kanina pang kinasasabikang makita. Nang makapasok na kami sa shop, nangislap na ang mga mata ko. Sa wakas nga naman, abot-kamay ko na ang aking inaaasam-asam.

Wala akong naramdamang kahit na kaunting sakit nang humalik na sa balat ko ang karayom. Gaya nga ng pag-ibig, ready naman akong masaktan. Noon kasing nagpa-tattoo si hubby sa batikang tattoo artist na si Ricky Sta. Ana, makikita mo sa mukha niya ang sakit na dulot ng diin ng karayom sa kanyang balat.

Kaya inihanda ko na ang sarili sa matinding sakit na mararamdaman. Pero wala akong naramdamang kahit na ano. Inantok pa nga ako. Magaan lang din siguro ang kamay nang nag-tattoo sa akin.



Tradisyunal na pagta-tattoo

Sa totoo lang, gusto ko ring magpunta sa Buscalan Village para makapagpa-tattoo kay Apo Whang-od. Minsang nagplano na kami ni hubby. Kaso nga lang, inabot ng pandemya.

Pero sana, pagkatapos ng kinahaharap nating pandemya ay makapunta kami sa Buscalan Village. Magkaroon man lang kami ng tattoo mula sa kahuli-hulihang mambabatok na si Apo Whang-od.

Mambabatok ang tawag sa tattoo artist sa Kalinga. Ang pinagbabasehan sa pagta-tattoo ay ang mga bagay na nakikita sa paligid o mga bagay na naging parte ng pang-araw-araw na pamumuhay sa nasabing lugar. Ilan sa halimbawa nitong mga disenyo ay ang rice terraces, ladders at centipedes.

Sa mga babae sa Kalinga, ang pagkakaroon ng tattoo ay nangangahulugan ng coming of age. Kung nag-iisa kang anak, o kaya naman, dalaga ka na at puwede nang mag-asawa.

Samantalang sa mga kalalakihan, simbolo ito ng katapangan. Nilalagyan sila ng tattoo dahil sa ipinakita nilang gilas sa pakikipaglaban.

Kung minsan nga, kailangan pang magdala ng ulo ng napatay na kaaway upang magkaroon ng tattoo. Kumbaga, bawat pagkapanalo sa labanan at napapatay na kaaway, mayroon itong katumbas na tattoo na sumisimbolong medalya. 

Kaya nakalulungkot lang isipin na ang isang sangay ng gobyerno gaya nga ng Department of Education ay itinuturing na simbolo ng pagiging kriminal ang pagkakaroon ng tattoo.

Ang tattoo ay parte ng ating kultura.  Taong 1668 pa nang bansagan tayong “pintados” ng mga Español nang dumating sila sa Kabisayaan.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.News


Source: Licas Philippines

0 Comments