Mga binagyong diyosesis, patuloy na nangangalap ng tulong

Puspusan ang ginagawang “rapid assessment” ng iba’t-ibang diyosesis na nasalanta ng “super typhoon” Rolly nitong mga nakaraang araw.

Ayon sa ulat ng Veritas 846, mabilisan ang assessment sa mga lugar sa probinsya ng Batangas upang malaman ang kabuuang bilang ng mga residenteng matinding naapektuhan ng bagyo.

Wala pa ring kuryente sa ilang parte ng lalawigan at kitang-kita ang matinding pinsala sa mga ari-arian, kabuhayan ng mamamayan, at imprastraktura.

Ibinahagi naman ni Father Allan Malapad, dating social action director ng Diocese of Boac, ang matinding pinsala sa mga tahanan at kabuhayan ng mga residente sa kanilang lugar.



Sinabi ng pari na nagkaroon ng matinding pagbaha sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan at pagguho ng mga lupa at pagkasira ng ilang tulay at kalsada dulot ng malakas na pag-agos ng tubig.

Bagamat naibalik na ang daloy ng kuryente sa ibang lugar, nasa “state of calamity” pa rin ang bayan ng Torrijos at Boac magmula pa noong manalasa ang bagyong “Quinta.”

Ibinahagi naman ni Father Rustom Dirain, assistant social action director ng Diocese of Gumaca, na hindi pa rin naibabalik sa kasalukuyan ang suplay ng kuryente sa kanilang lugar.

Naghahanda na rin ang Archdiocese ng Nueva Caceres na mamahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo.

Nanawagan naman ng tulong si Father Marc Real, ang social action director ng arkidiyosesis, para sa mga residenteng nawalan ng kabuhayan at ari-arian dahil sa hagupit ng bagyong “Rolly.”

Hindi naman gaano naapektuhan ng bagyong “Rolly” ang Apostolic Vicariate ng San Jose, Occidental Mindoro.

Ayon kay Father Rolando Villanueva, social action director ng bikaryato, ramdam pa rin nila ang epekto ng bagyong “Quinta” na matindi ang iniwang pinsala sa lalawigan.

Patuloy naman na humihiling ng panalangin ang mga diyosesis gayundin ang pangangalap ng tulong para sa mga apektadong residente.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments