Usapang bagyo at ang pagiging ina

Pag-asa at malasakit ang inaasam-asam ng maraming Filipino, ngunit malas at sakit ang dumating sa bansa.

Malaki ang pinsalang idinulot ng #Typhoon Rolly sa ilang lugar sa bansa gaya ng Bicol Region. Marami ang nawalan ng tirahan at kabuhayan. Hindi rin mabilang ang mga pamilyang nangangailangan ng tulong mula sa estado.

Kotang-kota na nga naman ang taong 2020. Kung puwede nga lang itong burahin sa kalendaryo, marami sa atin ang sasang-ayon.



Pandemya, lindol, pag-alburoto ng bulkan at maraming bagyong sumalanta at sumira sa ari-arian ng marami nating kababayan.

Matapos nito, ano pa kaya ang puwedeng mangyari sa susunod na mga araw, linggo o buwan?

Ngunit bukod sa 20 bagyong taon-taong nananalasa sa Pilipinas, may bagyo rin tayong araw-araw na nakasasalamuha—ang bagyo ng buhay.

At dahil nasa usapang bagyo na rin tayo, pasisilipin ko kayo sa bagyong nakasasalamuha ko sa bawat pagsibol ng bagong umaga.

Nang ma-retrench ako bilang editor ng isang tabloid at sa kasamaang palad ay hindi nabigyan ng separation pay sabihin mang isa ako sa pioneer, masasabi kong mas dumami ang mga oportunidad na dumating sa akin ngayong wala akong trabaho.

Nagsusulat ako ng komento sa mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid. At habang nagsusulat bilang isang kolumnista, sumasayaw, kumakanta o kaya naman ay nanonood ng T.V ang anak ko. Hinahabaan ko ang pasensiya dahil wala akong oras na mainis o magalit.

Tumatalon din ako sa pagsusulat ng fiction dahil sa aking weekly podcast—ang “Romance At Your Fingertips” sa “Venus in Orbit”. Kung ang mga nakikita ko sa lipunan ay mapapait at masasaklap, kaibang-kaiba rito ang pagsusulat ng fiction. Kailangang may landi sa tainga ng mga tagapakinig. Pag-ibig, hindi rin iyan dapat mawala sa mga piyesa ko.

Iyon nga lang, sa tuwing magre-record na ako, kung hindi ang aso ng kapitbahay ang tumatahol, nagkukuwentuhan naman ng sobrang lakas ang nasa gilid ng bahay namin o kaya naman, nagpapasiklaban sa pagkanta ang mga guwardiya sa guardhouse na ilang hakbang lang ang layo sa aming gate.

Pagkatapos kong tumalon sa kabilang daigdig ng fiction, tumatawid naman ako sa talinghaga at tugma. May tinatapos akong poetry album na ang target ay mailabas ngayong buwan.

Matinding pagkalkal ng isipan, imahinasyon at paglalarawan ang kailangan sa pagsulat ng tula. May kuwento at drama. May kilig at sakmal ng dibdib. Kung may form din ang susulating tula kagaya ng sestina o soneto, kailangang kasing lawak ng Filipinas ang vocabulary mo ng salita sa iyong isipan.  

A woman takes care of children inside a temporary shelter at the height of super typhoon Rolly in Manila on November 2. (Photo by Basilio Sepe for Greenpeace)

Bagyo na sa utak ko ang tatlong klase ng ginagawang pag-aaral at pagsusulat araw-araw: komentaryo sa mga nangyayari sa lipunan, fiction at poetry. Minsa’y natatapos ang mga ito ng alas-dos o alas-tres ng umaga. Pero hindi pa iyan ang dulo ng lahat. Kumbaga, signal number 2 pa lang iyan.

Nag-aaral na ang anak ko. Maaga ang pasok. Eight o’clock. Kung noon ay eleven na ako ng umaga kung gumising, ngayon, mulat na ako bago mag-alas otso. Kailangang ihanda ang gadget na gagamitin ng anim na taon kong anak na si Likha. Pati ang mga kakailanganin sa gagawing activity at assignments. Habang nag-o-online class, dapat ay malapit lang ako sa kanya para kapag may kailangan o tinawag niya ako, makalalapit o maririnig ko kaagad.

Pagkatapos ng online class, may one-on-one class pa bandang 10:45 a.m. at siyempre, sandamakmak na home activity. Ang matindi pa, kapag pinagagawa ko na ang home activity niya, sagot ng anak ko: “I’m tired”.

Kapag naman sinita dahil naipon na ang kailangang gawin sa school, ang litanya naman ng anak ko: “Why you did not call me Mommy. If you call me, I will do my assignment.”

Panis ang nanay ‘di ba? Saan ngayon ako lulugar? Kaya, mahaba-habang pasensiya talaga ang kailangan kapag nanay ka, manunulat at mamamahayag. Kahit magiba na ang dibdib mo sa pagod at antok, kailangang magpakahinahon ka.

Siyempre, ako rin ang namamahala ng bahay. Ibig sabihin, mula sa bayarin, pagluluto, pamamalengke hanggang sa pag-iisip ng kakainin, ako ang nagpaplano.

Minsan lang, nakakapagtampo lalo na kapag nagluto ka tapos biglang hindi pala kakain ang hubby mo dahil nagsusulat at naghahabol ng deadline. Iyong tipong nag-effort kang magluto ng mga paborito niya tapos kapag tinawag mo para kumain ang maririnig mo ay: “Mamaya na”.

Pawis na pawis ka kaluluto tapos ayaw man lang sulyapan ng hubby mo ang niluto mo. Ay naku, nakapagpapakulo talaga ng dugo.

Pero siyempre, intindihin si hubby dahil busy. At isang paraang ginagawa ko, dinadala ko na sa lamesang pinagtatrabahuan niya ang pagkain. Para walang kawala.

Kapag ako naman ang busy, pinagtitimpla niya ako ng kape at dinadalhan ng pagkain na siya naman ang nagluto. At kapag stressed naman ako, may pa-surprise siya lagi.

Women wash what remained of their personal belongings after super typhoon Rolly devastated their homes in the town of Malinao, Albay, on November 2. (Photo by Vincent Go)

Naglalaba rin ako. Maarte kasi ako sa damit. Ewan ko ba, lagi na lang akong may reklamo sa mga naglalaba ng damit namin. Kaya para matapos ang kasasatsat ko’t karereklamo, napagdesisyunan kong ako na ang maglalaba.

Hindi ko nga rin maintindihan, tatlo lang naman kami pero kasing taas lagi ng Sierra Madre ang labahin ko. Linggo-linggo na akong naglalaba niyan.

Bukod sa mga nabanggit, kaliwa’t kanan pa ang nasa listahan ko. Una, ang pagrerebisa ng koleksiyon ko ng mga sanaysay. Nakahihiya mang aminin pero isang taon na nang maaprubahan ng publisher pero hanggang ngayon, malayo pa ako sa finish line.

Ikalawa, ang isinusulat kong ikatlong nobela. Kailangan ko na talagang matapos dahil baka maglabasan na ang tutuli ko kakakulit ng mga kaibigan ko. Sobrang excited na silang basahin pero hindi ko pa natatapos.

Ikatlo, may ginagawa rin akong book project—isang antolohiya—sa ilalim ng Cultural Center of the Philippines at Philippine PEN. Ako ang editor sa Filipino. Medyo nababahiran pa ito ng dilim lalo’t maraming manunulat ang nahihirapang magsulat kapag ganitong pandemya.  

Sa raming kumukulit-kulit sa isipan natin sa panahon ngayon, talagang mahihirapan tayong maabutan ang mga imahen at kataga. Mahihirapan tayong utusan silang pumirmi nang makabuo ng sanaysay, tula o maikling kuwento.

At dahil kasing haba ng aisle ng Basilika Menor ni San Miguel Arkangel ang listahan ng mga gagawin, nangangamba akong hindi ko matapos ang episodes ng mga pinanonood kong K-drama.

Kaya’t kasabay ng pagpapatulog ko kay Likha—mga bandang ala-una ng umaga—nanonood ako ng mga kinahihiligan kong palabas. Minsan nga lang, nagdidiskusiyon pa kami ng anak ko lalo na kapag ayaw niya ang pinanonood ko’t gusto niyang mag-cartoons. “They talk funny,” ika niya.

Isa akong ina kaya’t nagpapaubaya ako. Pero hindi madalas. Minsan, inilalaban ko rin ang gusto kong panoorin. Awa ng Diyos, nakalulusot naman.

Sa totoo lang, marami pa akong gustong gawin—ang matapos ang pinaplano naming koleksiyon ng maiikling kuwento ng kapatid kong si Chen, ang children’s book project namin ni Likha, ang poetry book ko at ang sandamakmak na librong gusto kong basahin.

Sa mga trabahong kinahaharap ng pamilya namin sa araw-araw, nagpupursige kaming matapos ang lahat ng iyon. Deadline kumbaga. Prinsipyo ng isang mamamahayag. Kailangang tapusin sa gitna ng ingay, gulo, at samu’t sari pang ibang trabaho.  

Pero kung ang usapan ay bagyong dinaranas ng bansa, hindi tamang ipaubaya ng gobyerno sa taumbayan ang responsibilidad. Dapat na tayuan ng pamahalaan kasama ng taumbahayan ang lahat ng pagsubok.

Kung hihingi sila ng emergency powers tapos wala naman sila sa panahon ng emergency, walang silbi ang powers nila.

Walang tulugan, sabi nga ni Master Showman Kuya Germs.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments