Ang regalo ng alalay

The Holy Family with a Bird by Bartolomé Esteban Perez Murillo (Photo: Wikimedia Commons)

Madalas gamitin ang salitang FRONTLINERS, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Gayundin iyung English expression na “putting their lives on the line.”

Kumbaga sa sa telenovela, sila yung lead characters na may lead roles. Mga taong may pangunahing papel na ginagampanan sa pakikipaglaban sa sakit na dulot ng COVID-19: ang doctors, nurses, mga med tech, health care workers.

Kumbaga sa gera, sila ang nasa front line ng labanan. At noong nag-uumpisa pa lang ang pandemya at kulang na kulang pa ang mga PPE, marami sa kanila ang naging unang mga casualties, kaya tinatanghal nating mga bayani.



Pero kung minsan nakakalimutan natin yung mga simpleng tao na tulad ni St. Joseph. Supporting cast ang dating pero napaka-importante rin sa kuwento ng ating kaligtasan. Kung may frontliners, meron ding mga sideliners at backliners. Sabi nila kahit sa gera, kung sa unahan ka lang malakas, baka atakihin ka doon sa kung saan ka mahina; pwedeng sa gilid, kaya kailangan ang mga sideliners, o sa likod, kaya kailangan ang mga backliners.

Ngayong 3rd day ng ating Simbang Gabi, ang tututukan nating regalong pwedeng iambag sa misyon ay ang PAGIGING ALALAY na tulad ni St. Joseph.

Tulad ngayong namumuno ako sa Misa, dahil sa akin kayo nakatingin, hindi ninyo halos napapansin ang dami ng mga taong involved para maidaos ang Misa dito sa loob ng San Roque Cathedral at sabay na masusundan din sa online livestreaming ng mga kapatid nating hindi puwedeng makadalo physically.

Ang iba sa kanila ang agang gumising: may naglinis sa loob at labas, may nag-disinfect ng mga upuan, may nagtest-mike, may mga sakristan, mga altar servers, mga greeters, lectors, choir members, lay ministers. Lahat may importanteng papel din. May technical people din tayo sa switchboard, sa mga ilaw at camera.

Ganyan din sa partisipasyon natin sa misyon ng Simbahan. Kaya nga kay St. Paul ang Simbahan ay katawan ni Kristo. Si St. Therese of the Child Jesus nga naging patroness pa siya ng mission, ni minsan hindi siya lumabas o nagtungo sa mga mission territories. Doon lang siya sa loob ng Carmelite Monastery nanatili bilang mongha.

Minsan daw, sa prayer niya, tinanong niya si Jesus, “Jesus, kung kaming mga alagad mo ay parte ng katawan mo, pwede bang ipaalam mo sa akin kung saan mo ako inilagay, saang bahagi, at ano ang papel ko?”

Ang sagot daw na natanggap niya, “Narito ka sa puso ko. At ang papel mo ay MAGDASAL.”

Kaya UMALALAY SIYA sa mga misyonero sa pamamagitan ng mga sulat niya at mga panalangin niya para sa kanila. Prayer warrior pala ang role niya. Bakit sa puso ang pwesto niya? Naintindihan daw niya na ang pananalangin ay parang gawain ng puso na hindi pwedeng tumigil sa pagtibok upang umagos ang dugo sa buong katawan ng tao, at upang huminga siya.

The Las Piñas Church’s old statue of St. Joseph during a procession in Manila on Dec. 1, 2019. (Photo by Michael Dalogdog for CBCP News)

Maganda ang salitang ALALAY. Ito ang papel ni St. Joseph. Alam na siguro ninyo na dineklara ni Pope Francis ang darating na taon bilang YEAR OF ST. JOSEPH. Sumabay pa sa dineklarang YEAR OF MISSION ng CBCP sa Pilipinas.

Sa apostolic letter ni Pope Francis na ang pamagat ay “Patris Corde” (Ang May Pusong Ama), sabi ni Pope Francis: “Each of us can discover in Joseph — the man who goes unnoticed, a daily, discreet and hidden presence — an intercessor, a support and a guide in times of trouble.

“Saint Joseph reminds us that those who appear hidden or in the shadows can play an incomparable role in the history of salvation.”

Tagalugin natin itong huli: “Paalala sa atin si San Jose na iyung mga nakatago sa mga tabi o nasa mga anino ay mayroon ding di-matumbasang papel na ginagampanan sa kasaysayan ng kaligtasan.”

Ganyan din sa pamilya, di ba? Kung minsan dahil walang mahanap na trabaho ang mister, ang misis ang makikipagsapalaran. Bilib ako sa mga mister na hindi mahihiyang maging sideliner muna habang frontliner ang misis niya. Hindi kabawasan sa pagkatao niya ang maging taong-bahay, ang maglaba, magluto, maglinis, maghugas ng plato, magpalit ng lampin.

Maganda rin para sa mga mister na maranasan nila na ang trabahong bahay na madalas gawain ng mga misis ay di hamak na mas mabigat kaysa trabahong opisina, lalo na kung walang katulong. Wala pang sweldo.

Minsan kasi may mga mister na porke galing sa trabaho sa opisina hindi na makatulong kay misis sa gawaing bahay. Mahirap sa pamilya kapag may mga miyembrong may prima donna complex o malaki masyado ang ego. Hindi team player. Kahit naman sa basketball hindi lahat ay center, merong mga forward at merong mga guard, at merong coach.

Si St. Joseph team player siya talaga. Tahimik lang, low profile, pero matindi ang papel niya sa buhay ni Maria at ni Hesus. Mahusay makinig sa coach na angel, marunong magpaubaya at tumabi. Pumapel na DAKILANG ALALAY. Parang matibay na haligi na nagbibigay tatag sa bahay, pero hindi napapansin.

Noong nawala si Hesus nang tatlong araw at nahanap siya sa templo, hinayaan na niya na si Mama Mary na ang sumaway sa bata. Doon lang siya, tahimik, kahit sumagot pa ng masakit si Hesus, “Bakit nyo ako hinahanap, di ba ninyo na kailangan ako sa bahay ng tatay ko?”

Tanggap ni Jose na amain lang siya, pero hindi niya iniwan si Hesus. Hindi niya ipinagkait ang pagiging tunay na ama sa Anak ng Diyos. Kahit nauna ang Diyos sa puso ng minamahal niya, hindi niya ipinagkait ang pagiging tunay na asawa kay Maria.

Ito ay homily ni Bishop Pablo Virgilio David para sa ikatlong araw ng Simbang Gabi, Dec. 18, 2020, Mat 1:18-24


Source: Licas Philippines

0 Comments