Ang regalo ng bagong buhay

May naging kaibigan akong taga-Belgium na hindi pa nag-travel sa labas ng Europe sa buong buhay niya. Minsan, nakita yata niya sa dyaryo and litrato ng mga street vendors na natutulog sa may bangketa sa tabing dagat sa may Roxas Boulevard. Tinanong niya ako, paano na lang sila pag winter? Sabi ko sa kanya, wala namang winter sa Pilipinas; wet and dry seasons lang. Tuloy pa rin ang inosenteng tanong niya, “Pwede daw ba talagang matulog sa labas ang tao sa atin?” Sabi ko, oo naman, basta hindi umuulan at di malamok.

So wala din kayong autumn? Tanong niya ulit. Kailan daw iyung panahon sa atin na nagsisimula nang malagasan ng mga dahon ang mga punongkahoy. Inexplain ko ulit sa kanya na wala rin tayong autumn; na laging green ang ating mga punongkahoy; na kapag may nalantang mga dahon, laging may kasunod na mga bagong usbong na dahon. Di tulad sa kanila na mga cypress lang at mga pine trees and evergreen. Sabi ko, sa Pilipinas, halos lahat ay evergreen.



Namangha siya. Nasabi tuloy niya, ang swerte daw natin, parang paradise daw siguro sa atin. Napaisip tuloy ako, oo nga ano, kahit madalas tayong dalawin ng mga kalamidad, mas swerte pa rin tayo. Kahit anong buwan ng taon nakakapagtanim tayo sa lupa, basta may tubig. Sa kanila ilang buwan lang iyong pwedeng matamnan ang lupa. Kalahati ng taon, halos imposibleng magtanim.

Pero sa totoo lang, kahit ilang beses ko na nasabi sa inyo na miserable ang winter, noong mga taon na namuhay ako sa Europe, manghang-mangha din ako sa pagpapalit ng panahon sa kanila: winter, spring, summer at autumn. Ang bawat season ay ibang iba.

Ang pinakamagandang season para sa akin ay SPRING (tagsibol), sakto pa naman ang timing sa Easter nila. Parang pati nature nagre-resurrect. Pagkatapos malusaw ang yelo, babalik sa dating liwanag ang sikat ng araw; makakakita ka ulit ng blue sky. Makikita mo ang mga tao, maglalabasan na sa mga park; magbibilad sa araw para magkakulay muli ang maputla nilang balat.

Mukhang panahon ng SPRING ang inilalarawan sa atin ng ating first reading mula sa Song of Songs. “The winter is past, the rains are over and gone. The flowers appear on the earth … the song of the dove is heard again … the fig trees are bearing fruit, the vines are in bloom and are giving forth fragrance.”

Ang spring time ang ginagamit na larawan ng awtor para i-describe ang love story ng Diyos at ng Israel, parang isang katipan na nananabik sa pagdating ng minamahal niya.

May isang sikat na composer ng classical music noong 18th century na taga-Venice sa Italy. Hindi alam ng marami na pari siya: si ANTONIO VIVALDI. Isa sa pinakasikat na komposisyon niya ang Le Quattro Stagioni (The Four Seasons). Kung pipikit ka habang pinakikinggan mo at hahayaan mong maglaro sa imahinasyon mo ang takbo ng musika, makikita mo ang pagkakaiba ng four seasons nila.

Ang panghuling concerto nya ay ang WINTER. Malumanay, malungkot ang dating, parang nakikita mo ang marahang pagbagsak ng snow, ang mga punongkahoy na mistulang patay, ang malamig na bugso ng hangin, ramdam mo talaga sa musika.

Pero ang umpisa ay SPRING. Iba ang tiempo ng musika. Masigla, parang nangigising. Tantan tantan tararaaan, tararan tantan tararaaan, tararan tararan tantan! Ramdam mo talaga ang bagong buhay na umuusbong; parang nakikita mong sumasabay sa musika ang pagsulpot ng mga Easter lilies mula sa lupa. Rinig mo ang mga ibon na nagsasagutan, nagliligawan. Parang nakikita mo ang mga punongkahoy na dating kalbo biglang punô ng mga bulaklak, nauna pang namulaklak kaysa nagkadahon. Ramdam mo talaga ang bagong buhay.

Ito ang regalo ng misyon na ating pagnilayan ngayong 6th day ng ating Simbang Gabi. Ang Gospel ay tungkol sa pagtatagpo ng dalawang babae, sina Maria at Elisabeth, na kapwa nasasabik magkuwento sa isa’t isa tungkol sa bagong buhay na sumibol sa kani-kanilang sinapupunan. Parehong excited na magbahagi sa isa’t isa tungkol sa pagpapalang tinanggap nila.

Si Elisabeth na dating tuyo na at matanda ay para bang biglang nanariwa. Sabi nga ng Salmo 92:15 “They bear fruit even in old age, still full of sap, still green…”

Pati daw ang bata sa sinapupunan ni Elisabeth ay napalukso, parang ibig ding sumalubong. Parang hindi makahintay ang propeta sa tiyan niya: aligaga, sabik sa buhay at misyon na naghihintay sa kanya. Ito ang pananabik na hindi natin nakita kay Zacarias. Parang kabaligtaran ang naging epekto sa kanya ng dalaw ng anghel. Para bang pumasok bigla sa winter ng buhay, tumamlay, nanlamig, nanahimik, nagdilim ang disposisyon, parang nawalan ng gana sa buhay.

Maraming mga tao ang nasa ganitong disposisyon sa kasalukuyan, dahil sa mga masasakit na pangyayaring dulot ng pandemya. Sila ngayon ang naghihintay ng good news. At iyun ang layunin ng misyon ni Kristo: ang maghatid ng good news.

Payo ni Pope Francis, hindi ka daw magiging effective sa misyon kung mukha kang galing sa punerarya. Ang magmisyon ay magdala ng Mabuting Balita; maghatid ng bagong buhay, ibayong tuwa at pag-asa. Mag-announce ng spring sa mga taong nasa winter ng buhay nila.

Si St. Francis of Asssi, nang umuwi siya galing sa gera, dahil yata panay karahasan, labanan at patayan ang nakita niya, pagbalik niya, nagdilim ang disposisyon niya. Umuwi siyang parang tulala, wala sa sarili, walang sigla. Akala tuloy ng mga kababayan niya nasiraan na siya ng bait. Hanggang minsan isang umaga, ginising siya ng huni ng mga ibon at lumabas siya sa bahay, nagtatakbo sa parang, nakipaghabulan sa mga tutubi at paruparo, nahiga sa damo, naramdaman niya ang BAGONG BUHAY. Para siyang patay na muling nabuhay. Parang bulag na nakakitang muli ng liwanag. At mula noon ang bagong buhay na natuklasan niya ang siya mismong naging good news niya. He was both the medium and the message.

Kahapon narinig natin kung paanong si Maria ay dinalaw ng anghel at dinalhan ng mabuting balita. Ngayon naman narinig natin kung paanong dinalaw ni Maria si Elisabeth. Magkarugtong ang dalawa: ang dinalaw ay dumadalaw. Ang tumanggap ng good news ay naghahatid ng good news. Ang pagpapalang tinanggap niya ang siya ring ibinabahagi niya. Kasama ito sa mga regalo ng nakikiisa sa misyon ni Kristo: Ang manggising, ang mapanauli ang pananabik ng kapwa para sa bagong buhay na dulot ng bagong araw.

Ito ay homily ni Bishop Pablo Virgilio David para sa Lunes, 4th Week of Advent, ika-anim na araw ng Simbang Gabi, Dec. 21, 2020, Lk 1:39-45


Source: Licas Philippines

0 Comments