Ang regalo ng Kalayaan

Bonifacio Shrine Manila

Nasa last day na tayo ng ating Simbang Gabi. Ang naging focus ng reflection natin nitong mga nagdaang araw ay may kinalaman sa theme ng Year of Mission, GIFTED TO GIVE.

Araw araw natin tinanong, Anong regalo ang ibinigay ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Pananampalatayang Kristiyano, na gusto rin niyang iregalo rin natin sa mundo, bilang pakikiisa natin sa misyon ni Kristo?

Sa first day, ang regalo ng PAG-ASA. Second day, ang PAMILYA. Third day, Ang Pagiging ALALAY. Fourth day, PAKIKINIG. Fifth day, pagiging TAGAPAGDALA. 6th day, BAGONG BUHAY, 7th day SORPRESA, at kahapon, 8th day, ang PAGPAPAKATOTOO. Ngayong huling araw, ang reflection natin ay tungkol sa REGALO NG KALAYAAN.



Kung nagsisimbang-gabi na ang mga Pilipino noong 19th century bago magrebolusyon laban sa kolonyal na gobyerno ng Espanya, naisip ko, ano kaya ang naramdaman nila pag naririnig nila sa Misa ang mga pagbasang katulad ng Gospel ngayon ngayong huling araw ng ating Simbang Gabi?

Sabi ni Zacarias, “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel. Sapagkat nilingap niya at PINALAYA ANG KANYANG BAYAN.”

Madalas kong marinig sa mga history books na binabasa namin noon na ginamit nang husto ng mga Kastila ang pananampalataya para mapanatili ang poder nila sa ating bayan. Sa madaling salita, kinasangkapan daw para alipinin tayo, kumbaga. Pero huli na lang nang marinig ko sa ibang mga historians ang kakaibang pananaw: kung paanong ang mismong pananampalatayang Kristiyano ay naging mitsa ng rebolusyon. Paanong ang mismong Bibliya na punong-puno ng mga salitang nagpapaalab ng pagnanasa para sa kalayaan ng mga inaalipin ay nagsilbing inspirasyon para sa ating mga ninuno para mag-aklas.

Ano kaya ang naging dating ng mga salitang tulad ng “Nangako siya na ililigtas tayo sa ating mga kaaway, sa kamay ng mga napopoot sa atin … na ituturo sa kanyang bayan ang LANDAS NG KALIGTASAN … na MAGBUBUKANG-LIWAYWAY SA ATIN ANG ARAW NG KALIGTASAN upang magbigay ng liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at patnubayan tayo tungo sa daan ng kapayapaan.”

Dalawang libro ang binabasa ko nitong mga nakaraang mga linggo: Ang “Revolutionary Clergy” ni Father John Schumacher, SJ, at ang “Pasyon at Rebolusyon” ni Reynaldo Ileto. Silang dalawa ang unang nagpaisip sa akin na ang mismong pananampalatayang dinala sa atin at ginamit para sakupin tayo at alipinin ay siya ring gumising sa mga ninuno natin; siya rin mismo ang nagpasiklab sa damdamin nila na may karapatan din tayo na maging malaya at marangal, na kaya din nating pamahalaan o gubyernuhin ang ating sarili. Na hindi tayo mababa o bobo porke’t tayo’y mga indio, may kulay ang balat; na mga anak din tayong Diyos, na magkakapantay lang tayo sa mata niya.

Inisip ko, ano kaya ang naramdaman ng mga kababayan natin noong 1872, na iyung tatlong paring sina Gomez, Burgos, at Zamora ay pinatawan ng parusang kamatayan dahil diumano sa salang sedition o pag-uudyok na magrebelde sa gubyernong Kastila, na hindi naman totoo. Nakikiusap lang sila noong panahon na iyon na hayaan din naman sila na magpatakbo ng din ng sariling mga parokya nila at huwag silang ituring na mas mababang klaseng pari porke’t hindi sila Kastila. Marurunong din naman sila. Ano’ng kinahinatnan nila? Kamatayan.

Nakakayanig na basahin ang kasaysayan. Ang dami palang mga paring Pilipino na nasintensyahan ng death penalty noon: hindi lang sina Gomburza. Marami din sa Bicol at Cebu, dahil sumang-ayon sila sa pangarap ng mga kapwa Pilipino na maging malayang bansa ang Pilipinas, malaya sa poder ng kolonyal na gubyernong Kastila.

Sabi nila, kahit sa America noong panahon na hindi pa na-abolish ang slavery, ay ginamit din daw ng maraming mga anti-abolitionists na nasa awtoridad ang Bibliya para panatilihin ang mga patakaran nila. Meron nga akong nakitang mga version ng Bible na inalis iyung mga kuwentong tulad ng liberation ng mga Hebreong alipin mula sa Egypt. O iyung mga Bible passages tungkol sa pantay-pantay na dangal ng tao bilang kalarawan ng Diyos o bilang mga anak ng Diyos.

Bakit? Para magamit ang relihiyon sa baluktot nilang hangarin na i-justify ang slavery. Sa bandang huli nag-boomerang sa kanila.

Ito yung tinatawag kong “God writing straight with crooked lines.” Ang Diyos mismo ang magtutuwid ng mga baluktot na linya na ginamit para isulat ang ating kasaysayan. Relihiyon din ang naging panggatong sa apoy ng rebolusyon. Ito rin ang pinaka-thesis ni Reynaldo Ileto sa kanyang PASYON AT REBOLUSYON. Para bang ang espadang ginamit mo para mang-alipin ang siya mismong naging espadang ginamit laban sa iyo para sa paglaya ng inalipin mo.

Hindi pala totoong ang krus ay ginamit lang na instrumento para ipailalim tayo sa espada ng Espanya. Ang krus ay naging parang espada rin ng mga kababayan natin. Di ba’t sabi sa Bibliya, ang Salita ng Diyos ay parang Espadang kabilaan ang talim? Sa Ingles, “a two-edged sword.”

Sa araw na ito magpasalamat tayo, gamit ang mga salita ng Bibliya, ang Awit ni Zacarias tungkol sa KALAYAAN, para sa naging regalo ng KALAYAAN na napasaatin dahil sa liwanag ng mapanganib na Salita ng Diyos.

Ang kasaysayan daw para sa Pilipino ay mas nakatutok sa SAYSAY, ibig sabihin, KAHULUGAN, kaysa simpleng SALAYSAY lang ng mga pangyayari sa ating buhay. Ito ay kuwentong nagbibigay liwanag, nagpapasiklab ng pag-asa, nagpapaningas ng inspirasyon upang mabigyang direksyon ang ating buhay bilang mga pamayanan sa paraang tunay na naaayon sa KALOOBAN NG DIYOS.

Hindi pala kalooban ng Diyos ang karukhaan, pang-aalipin, pambubusabos ng dangal ng kapwa. Kalooban niya na tayo ay maging marangal, tunay na malaya, masagana, at nagkakaisa sa pagtahak sa landas tungo sa “daan ng kapayapaan.”

Ito ang homily ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan sa ika-siyam na Simbang Gabi, Dec. 24, 2020, Lk 1:67-79


Source: Licas Philippines

0 Comments