Ang regalo ng pakikinig

A woman praying.

Maraming binago ang pandemya sa buhay natin. Dahil maraming business na natigil, factories na huminto muna sa operations at activities na ipinagbawal, nabawasan ang ingay sa paligid natin. Naramdaman ko talaga ito lalo na noong mga buwan ng total lockdown.

Dati, kapag nagsabay-sabay na ang harurot ng mga jeep at tricycle, ang ingay ng mga karaoke, videoke at live bar at ang paggiling ng mga makina sa mga pabrika sa paligid namin, kahit kalembang ng mga kampana ng cathedral ay hindi na naririnig.

Pero nang magpandemya, aba, minsan ang una pang gumising sa akin ang huni ng mga ibon, kaysa sa aking alarm clock. Namugad pala ang mga maya sa mga pole-bamboos na itinanim ko sa paligid ng bishop’s house.



Ngayong 4th day ng Simbang Gabi, medyo nagtalo sa loob ko kung alin bang regalong importante sa misyon ang ipo-focus ko sa homily. SILENCE sana ang unang pumasok sa isip ko, pero may pagka-negative ang meaning ng silence sa Gospel natin ngayon tungkol kay Zachariah; parang parusa sa kanyang pagdududa.

Sa maraming mga taong sanay sa maingay na mundo, parang parusa talaga ang silence. Noong naka-assign pa ako sa seminaryo, minsan may dumalaw sa akin; summer vacation noon kaya walang seminarista. Ang sabi ba naman ng bisita, “Ang lungkot naman dito sa inyo, ang tahimik. ”

Sa ibang tao, ang tahimik ay kapareho ng malungkot, o may problema o nagtatampo.

Kaya imbes na silence, ang minabuti kong i-propose na regalo ng misyon ngayong umaga ay LISTENING, PAKIKINIG. Hindi magiging effective ang nagmimisyon kung hindi siya marunong makinig.

Kaya muna siguro pinatahimik ng anghel si Zechariah, para makinig siya. Kapag pinangunahan ng takot o pagdududa ang tao, parang ang hirap kausapin o paliwanagan. Kahit anong paliwanag ang ibigay ng anghel tungkol sa kalooban ng Diyos wala nga namang kuwenta kung hindi nga naman siya tumahimik muna para makinig.

Kung ang misyon natin ay ang magpahayag ng Salita ng Diyos, anong ang ipapahayag natin kung hindi tayo makikinig sa ibig sabihin ng Diyos sa atin? Baka hindi Salita ng Diyos ang masabi ko, kundi sariling mga kuro-kuro o mga personal na haka-haka.

Ang mga propeta sa Bible ay mga messenger daw ng Diyos. Pero dini-discern din ng mga taong nakikinig kung sino ba sa kanila ang tunay at kung sino ang false prophets. Ang false prophet imbes na i-guide ang mga tao, inililigaw sila. Bakit? Hindi kasi sa Diyos galing ang salita nila kundi sa sarili lang nila.

Si prophet Elijah, ayon sa 1 Kings 19, ay nagtago dahil binabalaan ang buhay niya. Kumbaga sa mga nangyayari sa panahon natin ngayon, ni-red tag siya. Kaya minsan noong nanganganib na ang buhay niya dahil pinapatay na ng Haring Ahab at Reyna Jezebel ang lahat ng mga propeta ng Israel, umakyat daw siya ng bundok, hindi naman para mamundok kundi para magsumbong sa Diyos.

People praying inside the Immaculate Conception Cathedral at Puerto Princesa city, Palawan, Philippines. (shutterstock.com photo)

Pagdating niya sa kuweba sa may tuktok ng bundok, may dumaan, una isang malakas na bagyo, pangalawa, isang malakas na lindol, at pangatlo, isang nagliliyab na apoy. Pero paulit-ulit na sinabi ng author, “NGUNIT ANG DIYOS AY WALA SA MGA IYON.” Nang tumahimik na at naramdaman ng propeta ang isang marahang simoy ng hangin, tinakpan ni Elijah ang mukha niya at narinig niya ang Diyos na nagsabi, “Kumusta, Elijah. Ano ang ginagawa mo rito?”

Si Hesus nga, kahit anak siya ng Diyos, ginawa pa rin niyang bahagi ng pang-araw-araw na buhay niya ang silence at solitude, para mag-reflect at magdasal. Gayundin ang itinuro niya sa mga alagad na sila’y lumayo paminsan minsan para manalangin. Ginawa niya bahagi ito ng kanilang pang-araw-araw na disiplina.

Minsan isinama niya ang tatlong member ng kanyang core group: sina Peter, James, and John. Habang nagdarasal si Hesus, may nangyaring kababalaghan, ang tinatawag nating “transfiguration” (pagbabagong-anyo).

Ayon sa kuwento ni St. Mark chapter 9, nagbago daw ang itsura niya. At dahil sa matinding excitement, nagsabi-sabi si Peter. Pero tinakpan daw sila ng ulap at narinig nila ang isang boses na nagsasabing, “Ito ang anak kong minamahal. MAKINIG KAYO SA KANYA.”

Di ba ito rin ang sinasabi sa Salmo 95, “Today, LISTEN to the voice of the Lord. DO NOT HARDEN YOUR HEARTS…”

Malungkot ang buhay sa pamilya kapag nakipagmatigasan ng puso ang magpapamilya sa isa’t isa. Naranasan ko nang minsan na mag-facilitate ng dialogue para ma-resolve ang conflict sa isang pamilya. Nagsagutan ang mag-asawa ng masasakit na salita na panay sumbat at hinanakit. Pero nang ipaulit ko sa kanila kung ano ba ang sinabi ng asawa, pareho nilang hindi maalala.

Kaya pinag-retreat ko muna sila pagkatapos ng retreat. Ang laking pagbabago nang magharap silang muli. Bakit? Sa katahimikan nabuksan, hindi lang mga tenga nila kundi pati mga puso nila.

Kahit naman sa pagdarasal, madalas tayo lang talaga ang nagsasalita, di ba? Kapag kinakausap natin ang Diyos gusto natin pakinggan niya tayo. Pero pag siya ang kumakausap sa atin, nakikinig ba tayo sa kanya?

Noon pa man, nagtataka ako kung bakit ang pinaka-common response sa bawat petition sa ating Prayers of the Faithful ay LORD HEAR OUR PRAYER. Hindi kaya dapat pag minsan, “LORD TEACH US TO LISTEN TO YOU?”

Regalo ang mapakinggan. Kung pinakinggan tayo, makinig din naman tayo. Sa araw na ito, ilagay natin sa bucket list ng mga regalong kailangan natin sa ating pakikibahagi sa misyon ni Kristo ang PAKIKINIG. Kailangang kailangan ito ng maraming mga taong tuliro, balisa, at nawawala sa sarili.

Ito ay homily ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa ika-apat ng Simbang Gabi, Dec. 19, 2020, Lk 1:5-25


Source: Licas Philippines

0 Comments