Tulad ng nabanggit ko na kahapon sa first day ng ating Simbang Gabi, araw-araw ay iikot ang reflection natin sa suggested theme ng Year of Mission, GIFTED TO GIVE.
Na ang pagmimisyon o participation natin sa misyon ni Kristo ay lilinaw lamang sa atin kung itatanong natin sa ating sarili, ano ang ibinigay sa atin ng Diyos na dapat ibigay din natin o ibahagi sa mundo, batay sa ating mga pagbasa?
Sa second day ng Simbang Gabi ang focus natin ay ANG REGALO NG PAMILYA.
Ang Gospel reading natin kapag Dec 17 every year ay hindi nagbabago. Binabasa natin ang listahan ng mga pangalan sa family tree ni Hesus mula kay Abraham hanggang kay Jacob na tatay ni St. Joseph na asawa ni Mama Mary.
(Grabe ano, kaya nilang balikan ang listahan ng mga ninuno hanggang 42 generations? Wow. Sa pamilya namin, gumamit na nga ako ng program/application na My Heritage.com, hanggang six generations pa lang ang kaya kong ilista—hanggang sa mga lolo’t lola ng mga lolo’t lola namin, both mother and father’s side. Ang advantage ng alam mo ang mga ninuno mo, alam mo rin ang mga kamag-anak, hindi lang hanggang tuhod o talampakan o magpahanggang kuko.)
Kaya pala ang lakas ng sense of family ng mga Jewish people. Kung kaya nilang balikan ang mga ancestors nila hanggang kay Abraham, aba’y edi mati-trace nga nila ang pagkakamag-anak nilang lahat!
Pero magstart muna tayo sa question, bakit kailangang kay Abraham magsimula ang family tree? Take note—tatlong relihiyon sa buong mundo ang bumabalik kay Abraham bilang ninuno, hindi lang mga Hudyo at tayong mga Kristiyano; pati na rin ang mga Muslim.
So, bakit si Abraham ang “point of reference”? Kasi sa kanya inumpisahan ng Diyos ang ginawa niyang damage repair matapos magkakawatak-watak ang mga tao ayon sa kwento ng Tore ng Babel sa Chapter 11.
Ang “salvation history” ay magsisimula sa pagtawag ng Diyos kay Abraham para sa misyon na maging “Ama ng Maraming mga Bansa.” Mula daw sa kanyang pamilya ay lilikha ang Diyos ng isang bayan. Ito ang Israel, na walang ibang misyon kundi ang pagkaisahing muli ang lahat ng tao sa mundo bilang ISANG PAMILYA NG DIYOS.
Nasa Genesis Chapter 12 ang pinaka-simula ng kuwento. Nang tawagin ng Diyos si Abram, ganito daw ang sinabi sa kanya, “Pararamihin ko ang mga anak at mga apo mo at gagawin kitang isang malaking bansa.” First part pa lang iyon. May kasunod pa: “Pagpapalain kita upang IKAW AY MAGING PAGPAPALA SA MARAMI… SA PAMAMAGITAN MO, PAGPAPALAIN KO ANG LAHAT NG MGA BANSA.” Ito ang second part.
Heto ang original na meaning ng GIFTED TO GIVE: “BLESSED IN ORDER TO BE A BLESSING.” Ibig sabihin ang pagpapala ng Diyos ay hindi dapat sinasarili. Hindi pa tayo tunay na “blessed” kung hindi pa tayo nagiging “blessing” sa iba. Blessing sa mga hindi nakaranas ng regalo ng pamilya. Blessing sa buong daigdig sa pamamagitan ng Israel. Ang MISYON na ito ang pinakadiwa ng pakikipagtipanan ng Diyos sa Israel.
Noong nawasak ang bayan nila matapos na sila ay sakupin ng Babilonia, depressed na depressed sila. Parang gustong magtampo sa Diyos, parang gustong magsabing “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?” (Ps 22) Parang gusto nilang itanong, ano na lang ang nangyari sa pangako mo na kami’y pagpapalain mo at gagawin mong isang dakilang bansa? Ngayon, kami ang pinakayagit sa lahat ng yagit, nagkawatak-watak kami, para kaming alikabok na napadpad sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Nakalimutan mo ba Panginoon ang pangako mo kay Abraham?
Si propeta Isaias ang sasagot sa tanong na ito sa Isaias chapter 49. Sa verse 4, ipinapahayag muna ang tampo ng Israel, ang reklamo niya sa Diyos, “Lahat ng pagsisikap namin ay nabigo, hindi nagtagumpay gayong ibinuhos naman namin ang aming buong lakas.” At ganito naman ang sagot ni Yahweh, “Israel, na aking lingkod, may misyon akong nakalaan para sa iyo…. Gagawin kitang ilaw na magbibigay liwanag SA LAHAT NG MGA BANSA UPANG KALIGTASAN KO’Y MAKAABOT SA KASULOK-SULUKAN NG DAIGDIG.”
Hindi pala parusa ang kanilang pagkakawatak-watak at pagkakapadpad sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Sinadya daw ito ng Diyos upang sa pamamagitan nila ay mapaabot niya ang pagpapala sa buong mundo.
Kahapon sa unang pagbasa narinig natin mula kay propeta Isaias ang sabi ng Panginoon, “My house shall be a house of prayer TO ALL NATIONS.” (Ang bahay ko ay magiging “bahay dalanginan” PARA SA LAHAT NG MGA BANSA.) Ito ang gustong ipaliwanag sa atin ni San Mateo kung kaya’t isiningit niya ang limang mga kontrobersyal na babae sa family tree.
Kung paanong unti-unting matutupad ang orakulo sa pamamagitan ng mga babaeng hindi nila kalahi, mga dayuhan, pero nakapasok sa pamilya ni Abraham, katulad nina Rahab na Cananea at si Ruth na Moabita. Gayundin ang mga babaeng katulad nina Tamar at Batsheba na magiging daan para masubok at maturuan ng Diyos ng pagpapakumbaba sina Judah at Haring David.
At siyempre, sa dulo, higit sa lahat, si Maria, ang babaeng magiging daan upang ang Anak ng Diyos mismo ay maging kabahagi ng Pamilyang tao.
Kapag ang pamilyang tao ay nagiging sarado, sinusubok ito ng Diyos upang maging bukas, matutong magmalasakit kahit sa hindi kadugo. Kung tunay kasing pag-ibig ang bumubuklod sa isang pamilya ang biyayang tinatanggap nila ay kusang bubukal at aagos sa kapwa.
Isa sa mga dalang regalo ng ating mga OFW saan mang sulok ng daigdig sila mapadpad ay ang regalo ng pamilya. Kahit mapalayo ang isang Pilipino sa kanyang bansa, hindi mo siya maihihiwalay sa kanyang pamilya; bitbit niya lagi sa puso at diwa ang mga mahal sa buhay. Kung pwede lang hiwain ang puso at kaluluwa ng Pilipino, sigurado ako, ang makikita mo sa loob niya ay ang nanay, tatay at mga kapatid niya, asawa, anak, at iba pang naging kabahagi ng buhay niya. Hindi sila basta mawawala sa puso niya na hindi nawawasak o nasisira ang pagkatao niya.
Isa sa malakas magpaganda sa pagkatao ng tao ay ang pamilya. At lalo pang gumaganda kapag naging parang sabsabang matutuluyan ng Anak ng Diyos. Nagiging bukas na tahanan para sa langit at lupa, para sa mga pastol at mga pantas, para sa mga anghel at mga hayop. Nagiging pamilya ng Diyos.
Ito ang homily ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa ikalawang araw ng Simbang Gabi, Dec. 17, 2020, Mat 1:1-17
Source: Licas Philippines
0 Comments