Alam nyo ba iyung feeling ng isang misis na naghanda ng surprise party para sa birthday ng mister nya, tapos sa bandang huli siya ang masosorpresa?
Nangyari ito sa isang kakilala ko. Tinawagan ako ng mister, ang sabi niya, “Bishop Ambo, pwede bang humingi ng pabor? Magse-celebate kasi ako ng 60th birthday ko, puwede ba kayong makumbidang mag-Misa sa surprise birthday party na inorganize ng misis ko para sa akin?”
Ang sabi ko, “Ok naman ako sa date, pero teka, akala ko ba surprise party, e ba’t alam mo?” Well, pumalpak ang secret; may isang invitation card na nahulog ni misis sa carpet ng kotse nila at napulot ni mister.
“Na-confirm tuloy ang kutob ko,” sabi niya, “Siyempre sasakay naman ako sa plano nila. Ayokong sirain ang plano nila. Pero gusto ko rin silang sorpresahin. Dinner lang ang inorganize nila, hindi nila alam na inimbita ko kayo na mag-Misa bago dinner.”
Takang-taka pa nga si Misis nang makita ako sa loob ng restaurant. Sabi niya, Bishop, ba’t nandito kayo? Sabi ko, “Ah may kaibigan akong nagbe-birthday; ipagmimisa ko siya sa isa sa mga function halls dito.”
Hindi naman ako nagsinungaling. Wala siyang kamuwang-muwang na mister nya ang tinutukoy ko. Sabi pa nya, “Ay sige, pag may time pa kayo daan naman sa reception namin, birthday din kasi ng mister ko, may surprise kami para sa kanya.”
Ang magbibigay ng sorpresa ang sa bandang huli ay nasorpresa, parang ganito rin ang kuwento ng Gospel reading natin na continuation ng kuwento ng visitation na binasa kahapon.
Sabi ni St. Luke, “Mary set out in haste to the hill country of Judea.” Ibig sabihin biglaan ang desisyon na ginawa ni Mama Mary na pagdalaw kay Elizabeth, walang pasabi. (Wala pa namang text noon.) Kay angel Gabriel niya nalaman na six months pregnant na pala si Ate Elizabeth na pinsan niya. Sosorpresahin sana niya. Balak niyang alalayan siya sa panganganak, at balak din niyang ikuwento ang tungkol sa sinabi ng angel Gabriel sa kanya.
Pagdating niya sa bahay ni Zacarias, ni hindi pa siya nakakapagkuwento, ganito ba naman salubong sa kanya ni Elisabeth, “Blessed are you among women, and blessed is the child in your womb!” Hindi lang sa alam na agad ni Elizabeth na buntis din siya, alam din niya kung paano ito nangyari, “How does it happen … that the mother of my Lord should come to me?”
Heto pa ang sorpresa, hindi lang si Elizabeth ang nakakaalam. Pati ang batang nasa tiyan pa lang ni Elizabeth alam na rin!
Sa 7th day ng Simbang Gabi, ang tututukan natin ng pansin na regalo ng misyon ay SORPRESA, ang regalong sorpresa ng Diyos. Ang Diyos kasi mahilig din manurpresa.
Ang MAGNIFICAT ay awit ni Maria tungkol sa sorpresa ng Diyos, hindi lang sa buhay niya kundi sa buhay din ng Israel. Ang nag-aakalang mataas sila, sila daw ang ibababa. Ang nag-aakalang mababa sila, sila pala ang itataas. Ang tinuturing na sawimpalad, sila pala ang magiging tunay na mapalad. Hindi ba sorpresa iyon?
Kung isa-summarize natin ang punto ng Magnificat, hindi pala ito tungkol sa pagdakila ni Maria sa Diyos kundi ang pagdakila ng Diyos kay Maria, sa kabila ng kanyang kaliitan. “My soul magnifies the Lord… who has magnified me in my littleness.”
Hindi ba ganito rin ang na-experience ni Zaccheus? Siya ang nananabik na makita si Hesus at makilala siya. Pero nahihiya mag-imbita dahil public sinner ang turing ng tao sa kanya. Kaya laking gulat niya nang huminto si Hesus sa tapat mismo ng punong-kahoy na inakyat niya. Hindi lang siya tiningala at binati; sinabihan pa siya na ibig niyang makasalo siya sa hapunan. Nasorpresa siya talaga na sa kabila ng kanyang pagiging isang makasalanan, interesado pa rin ang Panginoon sa kanya.
O iyung mga bata na pilit inilalapit ng mga nanay kay Hesus pero pinagtatabuyan ng mga alagad, di ba’t nasurpresa din sila? Hindi lang sila hinayaang makalapit at yumakap sa kanya at mabasbasan, napagalitan pa ang mga alagad at napagsabihan na ang kaharian ng Diyos ay para sa mga batang musmos na katulad nila.
At iyung babaeng nahuling nakikiapid, di ba nasurpresa din siya nang wala nang natira sa mga ibig mambato sa kanya? At kahit si Hesus hindi rin pala siya hahatulan?
Ito ang regalong sorpresa ng misyon ni Kristo sa mga maliliit, mga isinasantabi at mga makasalanan. Na hindi pala sila igi-give-up ng Diyos. Na sa tindi ng pag-ibig niya sa tao, handa pala siyang ibigay pati buhay niya para matubos pati na iyong hindi karapat dapat?
Ganitong-ganito rin ang sinabi minsan ni St. Paul sa 1 Cor 1:27-29, “God chose the foolish of the world to shame the wise, and God chose the weak of the world to shame the strong, and God chose the lowly and despised of the world, those who count for nothing, to reduce to nothing those who are something, so that no human being might boast before God.”
“Ngunit pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mangmang upang hiyain ang marurunong. Pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mahihina upang hiyain ang malalakas. At pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mababa at walang halaga upang mapawalang-halaga ang itinuturing ng mundo na mahalaga.”
Kaya, mga kapatid. Huwag nating ikahon ang Diyos sa makitid nating isip. Huwag natin siyang ikulong sa mga haka-haka natin tungkol sa kabanalan at kaligtasan. Di ba’t sa parable, ang nag-i-expect na sila’y entitled na papasukin, sila ang napagsarhan? Ang nag-aakalang malapit sila sa Diyos ang hindi nakapasok?
Di ba nasurpresa yung nagpakain sa nagugutom, yung nagpainom, nagpatulóy, kumalinga, at dumamay sa mga dukha, na ang Panginoon pala ang kanilang dinamayan? Kung mapagbiro tayo, mas mapagbiro pala ang Panginoon; Diyos siyang mahilig sa sorpresa.
Ito ay homily ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa Martes, 4th Week of Advent, ika-pitong araw ng Simbang Gabi, Dec. 22, 2020, Lk 1:46-56
Source: Licas Philippines
0 Comments