Nagtalaga ang Diocese ng Kidapawan ng dalawang simbahan bilang “jubilee church” para sa darating na ika-500 na anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Magsisimula ang pagdiriwang ng anibersaryo sa buwan ng Abril sa susunod na taon hanggang sa Marso sa taong 2022.
Ayon kay Bishop Jose Colin Bagaforo ng Kidapawan, itinalaga ang Our Lady of Mediatrix of All Grace Cathedral at ang Sta. Teresita del Niño Jesus Parish bilang mga “jubilee church.”
Ayon sa obispo magkakaroon ng “holy doors” ang dalawang simbahan at doon din gaganapin ang “Binyagang Bayan” kasabay ng pagdiriwang ng Pilipinas ng kauna-unahang binyag sa Cebu noong Abril 14, 1521.
“On the day ng anniversary ng first baptism na ginawa sa Cebu, magkakaroon kami ng ceremonial binyagan ng bayan dito rin sa dalawang designated jubilee churches namin,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Ayon sa obispo, 500 na mga bata ang bibinyagan bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng bansa sa kauna-unahang kristiyano na sina Raja Humabon at asawa niyang si Humani na kinilala rin sa kanilang mga Kristiyanong pangalan bilang Don Carlos at Doña Juana.
Bahagi rin ng programa ng Simbahan ng Kidapawan ang serye ng mga talakayan, pagninilay, at pagbisita ng mananampalataya sa itinalagang “jubilee churches” ng diyosesis.
“All throughout the year, from April 2021 until 2022, magkakaroon kami ng series of scheduled pilgrimages sa aming jubilee churches kung saan may confession at may talks, dagdag ng obispo.
Aniya may recollections na gagawin sa lahat ng mga simbahan bago magpunta ang mga tao at bumisita sa “jubilee churches.”
Inihayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kamakailan ang pagpapalawig ng pagdiriwang ng ika-500 na anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa bansa dulot na rin ng pandemya.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments