“Kung hindi dahil kay Maine, malamang ay nabaliw na ako”.
Isa ito sa mga linyang narinig ko sa isang kaibigan. Sa tuwing magkikita kami noon sa opisina, marami siyang ikinukuwento. Lahat ng tungkol kay Maine Mendoza ay alam niya: mga movie, endorsement, billboard, brand ng suot na damit at sapatos, at kung ano-ano pa.
At kahit hindi siya mahilig mag-makeup, nang maglabas ng lipstick ang iniidolo ay bumili siya kahit pa ang presyo nito ay isanlibo mahigit. Pictures din ni Maine ang makikita mo sa kanyang cellphone.
Gandang-ganda raw siya sa binansagang Dubsmash Queen, iyan ang sagot ni Beshy nang tanungin ko siya kung ano ang nagustuhan niya sa dalaga. Wala rin daw kaarte-arte sa katawan. Magaling daw umarte, sumayaw at kumanta.
Nang kumaharap siya sa dilim ng buhay ay malaki ang naitulong ng kapapanood niya ng mga movie na ginampanan ng kanyang idolo. Ito ang naging ilaw niya sa mga panahong niyapos siya ng lungkot at pighati. Nang halos magkasunod na namatay ang kanyang mga magulang.
Naka-survive si Beshy sa gapos ng kalungkutan dahil kay Maine. Pero ang balita ko, K-drama na ang kinababaliwan niya ngayon. Hindi na rin kasi kami nagkikita kaya’t nagtatawagan na lang. At sa mahigit na isang oras na pag-uusap sa cellphone, K-drama ang topic namin.
Si Hyun Bin ang paborito niyang Korean actor. Kinikinita ko na, punumpuno na naman ang cellphone niya ng mga litrato ni Hyun Bin.
‘Isa Pa with Feelings‘
Nang makita ko ang “Isa Pa with Feelings” sa Netflix ay nagdesisyon akong panoorin ito. Taong 2019 pa ito ipinalabas. Nalaman ko lang ito nang ikuwento sa akin ni Beshy. Niyaya niya kasi ako dating manood nito. Pero ayon, busy kaya’t hindi nakapanood.
Ang “Isa Pa with Feelings” ay pinagbibidahan nina Maine Mendoza (Mara) at Carlo Aquino (Gali). At gaya ng dati, ang anim na taong gulang kong anak ang kasa-kasama ko sa panonood. Hindi gaanong nanonood si hubby ng Filipino love story. Medyo nakokornihan siya. Kaya’t kahit na magkakatabi kaming tatlo sa kama, magkakaiba naman ang pinanonood namin.
May mga time pa nga na kaliwa’t kanan ang ginagawang panonood ng tsikiting namin. Kapag medyo nagiging exciting na ang pinanonood ni hubby, doon siya titingin. Tapos babaling naman sa pinanonood ko kapag pakiwari niya ay gumaganda na ang eksena.
Sa totoo lang, hindi gaanong mahilig sa Filipino movies ang anak ko. Pero dahil tinuturuan ko siyang mag-Filipino (Inglisera kasi), napipilitan siyang intindihin ang mga palabas na sariling atin. Panay nga lang ang paliwanag ko sa mga nangyayari sa sinusubaybayan namin. At mas lalong humaba ang paliwanagan nang panoorin naming mag-ina ang “Isa Pa with Feelings” dahil sa sign language.
Kakaiba ang pelikulang ito. Natural na natural kung umarte ang mga artista lalo na ang dalawang bidang sina Gali at Mara. Nakita ko sa palabas na ito ang galing ni Carlo Aquino sa pag-arte. Nagampanan niyang mabuti ang kanyang karakter bilang deaf. Damang-dama mo ang mga eksena sa pamamagitan ng ekspresyon ng kanyang mga mata.
Sa “Isa Pa with Feelings” ipinakita ang nararamdaman ng dalawang taong nagmamahal na magkaibang-magkaiba—ang isa ay nakaririnig, samantalang deaf naman ang isa. Pakiramdaman. Taguan ng nararamdaman. Pagkukunwari. Pagpipigil.
Ipinasilip din sa atin ng movie na ito kung ano ang buhay ng isang deaf. Kung paano nila nilalampasan ang bawat araw—mga pang-araw-araw na gawain, mga personal na pangangailangan, gayundin ang pagharap nila sa mga taong normal nga pero matindi kung manlait.
Mensahe ng palabas
Tatlo ang naging mensahe para sa akin ng palabas. Una, hindi dahilan ang pagkakaiba-iba ng dalawang tao upang pigilan nila ang pag-usbong ng pag-ibig sa kanilang mga puso.
Dahil din sa pag-ibig, magagawang magparaya ng isa. Kagaya na nga lang nang sabihin ni Mara na magiging deaf siya para kay Gali.
Ikalawa, totoong hindi lahat ng mga magulang ng deaf ay marunong mag-sign language. Na hindi nagkakaintindihan ang ina at ang anak na deaf. Na mas nakakausap pa ng mga deaf ang kaibigan nilang nasa ganoon ding estado.
Kunsabagay, may ilan kasi rito sa atin na ikinahihiya ang anak lalo na kung mayroong kapansanan. Nakalulungkot ang ganitong nakasanayan. Hindi naman din kasi kasalanan ng isang tao ang magkaroon siya ng kapansanan.
Pero sana, mabago ang ganitong gawi. Mag-effort din sana ang isang magulang na maintindihan ang anak.
At ang pangatlo, magtiwala sa sarili. Magtiwalang makakaya mo ang kahit na ano lalo na kung pagsusumikapan mo ito. Sabi nga ‘di ba, kung gusto ay may paraan at marami namang dahilan kung ayaw.
Kahit naman sino, kailangang magtiwala sa ating kakayahan, at sa ating sarili. Pero bukod din siyempre sa tiwala, kumilos din tayo o gumawa ng paraan upang makamit natin ang ating pinakaaasam-asam.
Sadyang hindi madali ang buhay. Sa panahon ngayon, kaliwa’t kanan ang problemang kinahaharap ng bawat isa sa atin. Pero mabigat na nga ang pasan-pasan natin, mas pinabibigat pa ng ilang politiko at mga naka-uniporme. Mga nakaririnig sana kung naturingan pero sarili lang nila ang kanilang naririnig. Nagbibingi-bingihan sila sa mga sinumpaang tungkulin sa bayan at mamamayan. Nagtetengang kawali sa mga hinaing ng nakararami.
Buti pa ang tunay na deaf may pakialam at marunong magmahal, gaya na nga lang ni Gali.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments