Kabataan sa Bulacan, hinimok na suriin ang puso at isipan

Hinimok ng obispo ng Diyosesis ng Malolos ang mga kabataang Bulakenyo na suriin ang kanilang puso’t isipan bilang paghahanda sa papalapit na Pasko.

Sa mensahe ni Bishop Dennis Villarojo ng Malolos kaugnay sa pagsisimula ng Diocesan Youth Day 2020 online, ang panahon ng Adbiyento ay dapat gamiting pagkakataon ng lahat, lalo na ng mga kabataan, upang makapagnilay at masuri ang nilalaman ng kanilang puso.



Mahalagang suriin kung ano ang mga nilalaman ng puso na nakapagpapabigat lamang at nararapat na iwan gayundin ang mga nararapat na ibahagi sa kapwa at panatilihin bilang paghahanda sa papalapit na Pasko, ayon sa obispo.

“Kayo po mga kabataan, don’t think so much of material things na nandyan kundi kung ano ba yung nasa inyong puso na kinakailangan ninyong dalhin,” aniya.

“Mahalaga [kung] ano ba yung nasa inyong puso na kailangan niyong iwan sapagkat hindi na nakakatulong at nagpapabigat lamang,” dagdag ng obispo.

Ipinaliwanag ng obispo na ang panahon ng Adbiyento ay nangangahulugan ng paghahanda ng bawat isa para sa pagdating ng Panginoon. Hinikayat niya ang lahat na magbago upang maging karapat-dapat sa pakikibahagi sa Panginoon.

Nagsimula nitong Disyembre 6 ang Diocesan Youth Day 2020 ng Malolos at magtatagal hanggang sa ika-13 ng buwan.

Tema ng Diocesan Youth Day 2020 ang “Kabataan: Lakas at Pag-asa sa Panahon ng Pandemya” na naglalayong maipamalas ang pag-ibig at pananampalataya sa Panginoon sa kabila ng mga krisis na dulot ng mga nagdaang kalamidad at ng new coronavirus disease.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments