Isasagawa online ng Filipino community sa United Arab Emirates ang trasdisyunal na Simbang Gabi simula sa December 15, batay na rin sa mga alintuntunin na ipinatupad sa bansa dahil sa pandemya.
Ayon kay Rommel Pangilinan, social media director ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi, mahalagang sundin ang panuntunan ng pamahalaan para sa kaligtasang pangkalusugan ng mamamayan.
“We have to adhere sa guidelines ng gobyerno para sa safety ng mga mamamayan ng UAE,” aniya. “Magiging virtual ang aming Simbang Gabi this year,” pahayag ni Pangilinan sa Veritas 846.
Ipinagbabawal ng pamahalaan ng UAE ang mga mass gathering, kabilang na rito ang mga gawaing Simbahan lalo na sa nalalapit na Pasko, upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.
Humigit kumulang 172,000 ang kaso ng COVID-19 sa UAE, kasama na 14,000 na aktibong kaso.
Matutunghayan ang Simbang Gabi sa Facebook page ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi mula December 15 hanggang 23 sa ganap na ikapito ng gabi.
Inaanyayahan ni Father Troy de los Santos, vicar general ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia, ang mahigit isang milyong Katoliko sa Abu Dhabi na makiisa sa siyam na araw na paghahanda para sa Pasko ng Pagsilang.
Tinatayang may 700,000 na mga Katolikong overseas Filipino worker sa Abu Dhabi.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments