Online Advent recollection, isasagawa ng Diocese of Cubao

Isang online Advent recollection ang isasagawa ng Diocese of Cubao ngayong Disyembre 5, gana na alas-otso ng umaga.

Ang tema sa isasagawang recollection ay “Santatlo ng Cubao: Nagsusulong sa Pakikipag-isa, Misyon at Pagbabalik-loob tungo sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.”

Layunin nitong ihanda ang mga mananampalataya sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa bansa.



Naniniwala si Bishop Honesto Ongtioco ng Cubao na mahalagang magkatipon-tipon ang mga mananampalataya kahit online lamang, upang sama-samang makapagnilay, manalangin, at tumugon sa mga pangangailangan sa gitna ng pandemya.

“Sa kabila ng ating nararanasan ngayon, ang inyo pong Diocese ng Cubao ay naghahangad na tayo’y magkasama-sama lalo na’t patungo tayo sa ikalimang daan taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas,” ayon sa obispo.

“Tayo’y sama-samang magninilay, mananalangin at tutugon,” dagdag niya sa kanyang mensahe.

Kabilang sa mga magsasalita at magbabahagi ng pagninilay ay sina Ilsa Reyes at Father Domie Guzman.

Magsisimula ang programa sa pamamagitan ng isang banal na Misa sa Facebook page at YouTube Channel ng Diocese of Cubao.

Ulat mula sa Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments