Mahirap kaming mga manunulat na makasamang manood ng sine. Malamang, lahat ng makasabay namin sa panonood, batuhin kami o kaya naman ay palabasin ng sinehan.
May nakagawian kasi kami nina hubby. Lagi naming hinuhulaan ang mangyayari sa kuwento. Lagi kaming may komento. Ibig sabihin, maingay kami kapag nanonood na tila ba nagpapaligsahan sa pagsasalita ang aming mga bibig.
Pero sa kabila ng panghuhula at paggawa namin ng kanya-kanyang ending sa pinanonood, nag-e-enjoy rin kami. Lumalabas din ang pagiging creative na nakatutulong sa pagsusulat namin ng fiction.
Horror ang kasa-kasama noong wala pang trabaho
Paano nga ba kami nagsimulang mahilig sa horror movie?
Taong 2008, wala kaming regular na trabaho ni hubby. Papitik-pitik lang. Kumbaga, kapag may pumasok na project o may nagpasulat, may trabaho. At kapag wala, nganga kami.
Pero sabihin mang wala kaming regular na pinagkakakitaan ng mga panahong iyon, ginamit namin ang pagkakataon upang hasain ang kaalaman at kakayahan. Bukod sa sandamakmak na librong kasa-kasama sa araw-araw, isa pa sa nakatulong ay ang panonood ng horror movies.
Linggo-linggo kaming bumibili ng DVD. DVD pa kasi ang uso noon. Wala pang Netflix. Kumbaga, hindi pa patok ang panonood sa online. Bonding na rin ng pamilya ang pagsipat sa kinahihiligang mga nakatatakot na palabas. Kapag Linggo, nakalinya na ang mga gusto naming panoorin gayundin ang malutong na sitsiryang pagsasaluhan kasabay ng pagsigaw at pagkagulat sa mga kahindik-hindik na mga tagpo.
Hindi na mabilang ang mga horror movie na napanood namin. May mga palabas ding imbes na matakot ay natawa pa kami dahil sa translation. Halimbawa na lang ang “noodle road” na ang ibig sabihin pala ay liko-likong daan. Hindi ko na matandaan kung ano ang title ng palabas na iyon.
Hanggang sa magkatrabaho kami, hindi nawala ang kahiligan namin sa panonood ng horror movies. Nang magbuntis nga ako, minsan kapag napasisigaw ako o nagugulat ay sinasabihan ako ni hubby na huwag masyadong sumigaw at baka mapaanak ng wala sa oras. Naiisip ko naman noon, puwede ba naman iyon? Maaari bang pigilin? Pero siyempre, sinusubukan ko rin naman, mahirap nga namang mapaanak ng wala sa oras.
Habang lumalaki si Likha, ang anak namin ni hubby, nakakasama na rin namin siyang manood ng mga palabas na nakakatakot. Minsan nga, kapag busy si hubby ay si Likha ang kasama ko. Kagaya na lang nang panoorin namin ang “U-Turn”.
U-Turn
Itong nakaraan lang, nagyaya ang anim na taon kong anak na si Likha na manood ng movie. Sa kahahanap sa Netflix nang maaaring mapagtuunan ng oras, nakita ko ang “U-Turn” na pinagbibidahan nina Kim Chiu (Donna Suarez), JM de Guzman (Kevin), at Tony Labrusca (Robin).
Nahigit ang atensiyon ko nang makita ang poster ng palabas. Nakakaintriga. Kaya sabi ko kaagad sa aking anak, horror ang panonoorin namin. Sumang-ayon naman siya.
Pero dahil horror, naging mabilis naman ako sa pagtatakip ng mata niya kapag may mga pangyayaring hindi niya dapat na mapanood. Madalas nga, siya na ang nagtatakip ng mata gamit ang kamay at unan kapag nararamdaman niyang ang magiging eksena ay nakakatakot.
Iyon nga lang, panay ang tanong ni Likha kung ano na ang nangyayari sa pinanonood namin. Kung sino sa mag-ina ang lumabas at ang mas nakakatakot. Kung ano ang hitsura. Kung nakakatakot pa ba ang eksena o hindi na.
Umiikot ang story kay Donna na isang junior reporter. Sa pitong taon niyang pagiging reporter, pakiramdam niya ay hindi umuusad ang career niya kaya’t naghanap siya ng istorya o pangyayaring magiging “hit” sa internet. Sakto naman at natisod niya ang nangyaring aksidente sa mag-inang sina Elisa (Kate Alejandrino) at Anna (Miel Espinosa).
Sa kagustuhan ni Donna na mapansin ang kanyang istorya, inangguluhan niya ang nangyaring aksidente nang sa tingin niya ay bibilhin ng tao. Human interest: pag-aaway ng mag-asawa kaya’t umalis ang mag-ina at naaksidente.
Ngayon lang naging hit ang story ni Donna sa loob ng pitong taong pagtatrabaho niya bilang reporter. Dahil sa kagustuhan niyang magtuloy-tuloy ang tagumpay, ginawa niya ang lahat at naghanap pa ng mga maaaring iulat na makakakuha sa kiliti ng mga tao.
At habang ginagawa niya ang kanyang trabaho, unti-unti naman niyang natutuklasan ang tunay na dahilan ng pagkakaaksidente ng mag-inang Elisa at Anna. Gayundin ang sunod-sunod na pagkamatay ng mga taong nag-aalis ng harang o barrier sa lugar kung saan namatay ang mag-ina.
U-Turn at ang totoong buhay
Ipinakikita sa palabas na maaaring baguhin ang isang pangyayari. Na maaaring palabasing nagpakamatay ang isang tao dahil lamang sa walang nakitang motibong pinatay, walang nakakita o walang pinaghihinalaang suspek. Kagaya nga ng nangyari sa mga naging biktima ng horror movie na “U-Turn”.
Nakabase ang palabas na ito sa 2018 Indian mystery-thriller film na “U Turn” sa panulat at direksiyon ni Pawan Kumar.
Hindi ko pa napapanood ang original na pinagbatayan ng palabas pero masasabi kong nagtagumpay ang Filipino adaptation para maging malapit sa ating mga Filipino ang mga pangyayari. Nahulma nilang mabuti ang palabas para umakma sa panlasang Pinoy. At para na rin maging Pinoy horror.
Hindi nga lang ako gaanong natakot sa palabas. Mas lamang iyong kanaisan kong malaman kung papaano mapatutunayan ni Donna na ang pumapatay sa mga gumagalaw sa barrier ay ang multo ng mag-inang Elisa at Anna.
Sa rami ng nadilig na dugo sa mga kalye natin dahil sa drug war, ilan na kaya ang minumulto ng kanilang alaala?
Alaala ng pinatay nila ng walang kalaban-laban.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments