Pasko sa Nayon: Alaala ng Mindanao at Batangas

Pasko sa Pilipinas

Magulo. Iyan ang pagkakakilala sa Mindanao.

Lalong nagmarka ang pangit na imahen ng Mindanao sa isipan ng maraming tagalungsod dahil na rin sa hindi mabilang na bakbakan at patayan, pagsabog at pagiging kuta diumano ng mga rebelde.

Tila kakambal na ng Mindanao ang salitang gulo. Pero hindi gulo ang alaala ko sa Mindanao—ang lugar kung saan ako iniluwal, kundi kaligayahan at pananabik. Isang alaalang pakaiingatan ko sa baul ng aking gunita.



Masaya sa amin sa Mindanao. Magkakakilala halos ang lahat. Puwede ka ngang makikain sa kapitbahay. Puwedeng-puwede kang humingi ng asin, paminta, sibuyas o kaya naman bawang. Natatandaan ko rin noong nasa probinsiya pa ako na hindi namin kailangang ikandado ang aming mga bahay sa tuwing aalis. Wala naman kasing nagnanakaw.

Tuwing Pasko, namamasyal kami ng mga kaibigan ko. Iyong may mga boyfriend at girlfriend, siyempre may ka-holding hands sila habang naglalakad-lakad at ninanamnam ang ganda ng dinaraanan. At ang mga wala namang karelasyon, sila-sila ang magkakahawak ng kamay. Pampawala man lang ng nadaramang inggit.

Madalas din kaming nagkukuwentuhan sa gitna ng kalye. Dahil wala namang gaanong dumaraan lalo na kapag gabi, sa gitna ng kalsada kami umuupo habang nagbabalitaktakan ng kung ano-ano lang. Pinansasapin namin ang aming mga tsinelas.

Ito rin ang mga sandaling pinapayagan kami ng mga magulang naming maglakwatsa kahit na hanggang madaling araw. Kaya naman, hindi namin pinalalampas ang araw na ito. Isang beses lang ito kung dumating sa isang taon—kapag Pasko.

Usong-uso rin sa parte ng Mindanao na kung saan ako ipinanganak ang sayawan o kung tawagin namin ay báyle. Sa mga ganitong pagkakataon nagkakalabasan ng nararamdaman. Kumbaga, ito iyong panahon ng ligawan. Suwerte ka kung wala kang bantay.

Pasko sa Pilipinas
Tila naaaliw na pinapanuod ng babae at lalaki na nasa larawan ang makukulay na mga ilaw na siyang nakasanayang palamuti sa mga probinsyan sa Pilipinas tuwing Pasko. (Larawan kuha ni Rob Reyes)

Kami ng mga pinsan kong babae, sangkatutak ang bantay namin kapag may kasiyahan o kaya kapag Pasko. Papayagan lang kaming lumabas ng mga magulang namin kapag may kasamang matanda o mapagkakatiwalaang chaperone. Sandamakmak din ang pinsan naming lalaki kaya’t sila ang kumbaga’y bakod namin sa tuwing may magtatangkang lumapit sa amin. Pero masaya ang alaalang ito kahit pa walang makalapit sa amin. Masaya dahil nakaka-bonding namin ang aming mga mahal sa buhay. Kahit papaano ay nakadarama ako ng kaunting kalayaan.

Hindi lamang Mindanao ang nagbigay sa akin ng tila gintong alaala kundi maging ang lugar na kinalakihan ko: ang Batangas.

Lumaki at tumira rin ako sa Batangas. Ibang-iba rin ang Pasko sa probinsiyang ito. Sa tuwing papalapit na ang Disyembre, excited na ako. Buong pamilya kasi ay magsisimbang gabi. Madilim pa ang paligid ay naglalakad na kami, kasama ang mga kapitbahay. Sa bawat paghakbang ko, humahalik sa aking pisngi ang lamig ng hangin. Idinuduyan ng malamig na simoy ng Pasko ang buhok ko kasabay ng bulong ng papalapit na selebrasyon.

Sa maraming lugar sa Pilipinas, ang Simbang Gabi ay hindi lamang pagsasamba at paghahanda para sa pagsilang ng Panginoon kundi ay isa ring pagkakataon upang magsama-sama ang pamilya at ang mga mahal sa buhay. (Larawan kuha ni Jire Carreon)

Sabik na sabik din ang aking mga mata sa tuwing nasisilayan ang naglalakihan at makukulay na parol na gawa ng bawat barangay. Pagandahan at pakinangan ang bawat parol. Laging may pa-contest sa Batangas. Kaya’t nagtutulong-tulong ang magkakabarangay upang makabuo ng kakaiba at namumukod-tanging parol.

Habang naglalakad kami ng buo kong pamilya kasama na rin ang mga kaibigan at kapitbahay, ang ningning ng naglalakihang parol ang naging  gabay at ilaw namin. Isa-isa kong sinisipat ang bawat parol. At sa bawat pagsipat, pagkamangha ang lagi kong naabutan sa aking kaibuturan.

Pero sa totoo lang, hindi talaga ang Simbang Gabi ang higit na nakapagpapasaya sa akin kundi ang bibingka at salabat. Pagkatapos ng Simbang Gabi, kakain kami ng mainit-init pang bibingka at salabat. Iyon talaga ang pinakagusto ko kaya’t kahit na antok na antok pa ako ay pinipilit kong gumising para lang makasama sa Simbang Gabi.

Gustong-gusto ko ang Pasko sa Batangas at Mindanao. Sa tuwing papalapit na ang Pasko, may bago kaming shoulder bag. Doon namin ilalagay ang mga barya, bente at singkuwentang mapapamaskuhan namin sa aming mga kapitbahay, ninong at ninang.

Puto bumbong sa Pasko
Ang puto bumbong, kasama na ang bibingka, ay ang ilan sa mga kinagigiliwang pagkain ng mga Filipino tuwing sasapit ang Pasko. (Larawan kuha ni Jire Carreon)

Sa Batangas, isa-isa naming pinupuntahan ang mga ninong at ninang para kunin ang aginaldong nakalaan para sa amin. Nabubundat din kami sa bawat bahay na pinupuntahan. Hindi ka kasi bibigyan ng pamasko hangga’t hindi mo tinitikman ang kanilang mga handa na walang kasing sarap.  

Masaya ang Pasko noong kabataan ko. Masaya ang Pasko sa Mindanao at Batangas. Kaibang-kaiba rito sa Metro.

Tuwing Pasko, lagi tayong nagkakaroon ng bagong pag-asa. Dala na rin ng diwa ng selebrasyon, nagagawa nating magpatawad. Nagagawa nating maging mapagbigay. Pero hindi sa lahat ng bagay o pangyayari, kakayanin o gugustuhin nating maging mapagbigay o magpatawad kahit na gaano pa kahiwaga ang Pasko. Dahil may mga bagay na hindi  dapat na pinalalampas. May mga taong hindi dapat pinatatawad lalo’t hindi naman natututo’t umaamin sa kanilang pagkakamali. Mga taong hanggang ngayon, binubulag ang sarili.

Pinanganak ako sa Mindanao, lumaki sa Batangas. Nakikipagsapalaran ngayon sa magulong mundo ng Metro Manila. Higit sa lahat, mulat ako sa mga nangyayari sa paligid.



Magulo raw sa Mindanao. Pero para sa akin, mas magulo dito sa lungsod. Pinapatay ang mga walang kalaban-laban. Harapan ang ginagawang panloloko’t panlilinlang ng mga makapangyarihan.

Malamang ang hindi lamang nakapapansin ng gulo rito sa lungsod ay mga taong patuloy na humahanga sa ibinoto nilang tila natutulog lang sa pansitan at walang ginagawa para sa kapakanan ng taumbayan.

Nalalapit na ang Pasko. Ilang tulog na lang. Makikinang na rin at nagsisipagliwanagan ang ilang bahay, mahirap man o mayaman, gusali at mga kalye sa lungsod. Sana sa pagkinang at pagliwanag ng paligid, mamataan na rin ng maraming Filipino ang nagkukubling katotohanan sa lipunang ginagalawan. Nawa’y sa gitna ng dilim na dala ng pandemya ay masipat natin ang kaliwanagan ng ating mga isipan.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments