May nagtanong sa akin tungkol sa huling librong isinulat ko na ang pamagat ay YESHUA, THE SON OF MAN.
“Bishop, saan ba ninyo hinuhugot iyung mga isinusulat ninyong mga kuwento tungkol kay Jesus doon sa bagong libro ninyo?”
“Binasa ko kasi ulit iyung mga Gospels, parang kalahati lang ng isinulat ninyo ay nandoon, pero iyung kalahati e parang wala naman doon. Saan ang source ninyo?”
Natawa ako. Sabi ko sa kanya, “Nandun. Nakatago sa pagitan ng mga linyang binabasa mo sa ebanghelyo. Kailangan mo lang paandarin ang imagination mo.”
May warning nga lang ako sa inyo kung susubukin ninyong gawin ito. Huwag naman iyung sobra o kahit ano na lang ay basahin ninyo sa kuwento, baka naman kasi mauwi sa pantasya. Meron din kasing rules o logic ang paggamit ng imahinasyon sa pagbabasa.
“Reading between the lines” ang tawag ko dito. Pero bago ka mag-read between the lines, you have to take the lines very seriously first.
Basahin mo muna nang ilang beses ang ikinukuwento ng Gospel writer. Hayaan mong tumakbo sa isip mo na parang sine. Bumabad lang munang mabuti sa mga eksenang dini-describe niya doon.
Ang magiging guide ng imagination mo ay iyung mismong mga detalyeng ibinibigay ng Gospel writer. Kung minsan iyung detalye ay naroon sa ibang Gospel. Mas mabuti kung gawin mo ito pag nagdarasal ka o nagme-meditate sa Gospel reading. Ang tutulong sa iyo na mabuksan ang imagination mo ay ang Holy Spirit.
Katulad ng Kuwentong Pasko ni San Lukas na narinig natin ngayong Gabi. Maikli lang; 14 verses lang, pero pwede nang paandarin ang imagination mo.
Ano ang nababasa ko between the lines sa kuwentong narinig natin? Ramdam ko kung gaano kasakit kay St. Joseph ang naging takbo ng mga pangyayari sa Bethlehem. Mahusay magkuwento si St. Luke; hindi niya ibinibigay lahat. Iniiwan niya ang iba sa bumabasa.
Ganito ang naglalaro sa isip ko: Pagkatapos makapanganak ni Mama Mary sa loob ng kuwebang ginagamit na kuwadra ng mga pastol, siguro dahil sa pagod, nakatulog si Mama Mary. At nakatulog rin ang baby Jesus na nakabalot ng lampin matapos siyang pasusuhin ni Mary.
Nang tahimik na, habang tulog ang kanyang mag-ina, noon bumigay si Joseph. Bumuhos ang luha niya kahit pinakapigil-pigil niya. Nagising tuloy si Mary at napansin na umiiyak ang asawa niya; hinawakan niya sa kamay at binulungan, “Joseph, OK lang, OK naman ako. Nakaraos na naman tayo, hindi ba? Hindi naman tayo pinabayaan ng Diyos; dinamayan tayo ng mga pastol. Napakababait nila.”
Hindi makaimik si Joseph, parang puputok ang dibdib niya. Alam niya na naiintindihan ni Mary kung ano ang iniiyak niya. Siya itong ang taga-Bethlehem; taga-rito siya, dito siya ipinanganak, nasa Bethlehem din ang lahat ng mga kamag-anak niya. Napadpad lang siya sa Nazareth sa Galilea dahil sa pangangarpintero, at doon na siya nag-asawa. Kaya ang lakas ng loob niya na i-suggest kay Mary na dumiretso na sila sa Bethlehem.
Alam ni Joseph na may kamag-anak din si Mama Mary sa Judea, si Elizabeth. Malapit lang iyon sa Jerusalem, kung gaano rin kalapit ang Bethlehem sa Jerusalem. Pwede nga naman silang makituloy doon at siguradong welcome sila.
Di ba si San Lukas din ang nagkuwento na bumisita si Mary kay Elizabeth at three months siyang umalalay sa pinsan niya hanggang manganak ito? Pero mapilit si Joseph. Sabi siguro niya, “Ikaw naman, dear, ang dami kong kamag-anak sa Bethlehem; doon na lang tayo sa amin, marami tayong matutuluyan doon.” Kaya pumayag na rin si Mary, kahit may agam-agam sa loob niya.
Kung naglilihi na siya nang simula ng pagdalaw niya kay Elizabeth at nag-stay siya nang three months hanggang sa panganganak ni Elizabeth, palagay ko, pagbalik niya sa Nazareth, naging usap-usapan na siya ng buong barangay. Obvious na kasi ang tiyan niya kaya most likely, pinagpiyestahan siya ng mga chismoso at chismosa.
Bakit nga naman babalik siyang buntis gayong hindi pa sila nagsasama ni Joseph? Siguradong masama na ang isip nila na nakarelasyon na ibang lalaki si Mary habang naroon siya sa Judea.
Kahit na wala pang social media noon, may pakpak na rin ang balita; mabilis nakaabot ng Bethlehem. Dahil mabagal ang lakbay nila, marami nang nauna sa kanila sa Bethlehem. At bago pa sila nakarating, umugong na sa buong Barangay Bethlehem ang naging intriga sa Nazareth: na hindi tunay na anak ni Joseph ang ipinagbuntis ni Mary, na pinagtakpan lang niya ito para hindi siya mapahamak.
Isa lang maisip kong dahilan kung bakit walang lugar para sa kanila sa Bethlehem: galit ang mga kamag-anak. Ayaw silang pagbuksan o patuluyin dahil tinuturing nilang kahihiyan sa marangal na lahi ni David ang asawa niyang taga-Nazareth.
Kaya madaling ma-imagine na grabe ang sakit ng loob ni Joseph na wala ni isang kamag-anak na gustong tumanggap sa kanila. Tama ang isinulat ni St. John sa kanyang Prologo sa Chapter 1, verse 11. “Dumating siya sa kanyang sariling bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang mga kababayan.”
Kung minsan, malupit talaga kung makapanirang-puri ang tao sa kanyang kapwa tao. May nakilala akong isang babae na nabalo dahil naging biktima ng EJK ang asawa niya. Pinatay ng mga di-kilalang “riding in tandem.”
Narinig daw niya sa pulis na mistaken identity, kapangalan lang ang mister niya ng isang nasa drug watch list. Pero siyempre, naging maugong ang usap-usap na, kung nangyari iyon sa mister niya, siguro talagang involved sa droga. Tag-ulan pa naman noon. Sa kalsada ibinurol ang mister niya; nanghiram lang sila ng tolda kay mayor. Binaha pa daw ang ataol, binalutan niya ng plastic.
Maraming nakasaksi sa pagpatay pero walang gustong tumestigo dahil ayaw madamay. Pabulong lang na ikinukwento. Nang makausap ko ang babae, ganito ang sabi niya, “Masakit po ang mamatayan, pero lalo palang masakit yung walang dadamay, at pag-uusapan ka pa.”
Kaya linawin natin hindi ang mga kamag-anak ni Joseph ang dumamay sa kanila sa oras ng pangangailangan kundi mga pastol. Ito ang pinaka-statement ni Saint Luke sa kuwento niya: ang unang tumanggap sa Anak ng Diyos ay mga abang pastol, mga dukha, mga taong maliit man ang tahanan malaki naman ang puso.
Kaya nga pinakadiinan ni San Lukas na ang Mabuting Balitang dala ng hinirang ng Diyos ay para sa mga dukha at aba, para sa mga taong may mabuting kalooban, sa may malasakit, mga taong hindi nakukulayan ang paningin sa kapwa dahil sa intriga, o dahil sa estado sa buhay.
Kung hindi ho kayo nakagawa ng Belen ngayong Pasko dahil sa pandemya, ok lang. Ang suggestion ko, bahay na lang ninyo mismo ang gawing Belen, tiyakin lang laging may puwang ang pamilya para sa malasakit sa kapwa, lalo na sa mga dukha.
Sabi ng paring Heswita na si Father Horacio De la Costa, tama ang manunulat na si GK Chesterton, “Kung ibig mo daw makitang mabuti ang Pasko, kailangan mong tumayo nang patiwarik… Sa Belen daw, ang itaas ay nasa ibaba at ang ibaba ay nasa itaas… ang mga anghel at mga bituin ay dumudungaw sa lupa, sa Diyos na sa kanila ay Maylikha, at ang Diyos ay tumitingala sa kanyang mga nilikha.
Walang lugar na maibigay para sa Maylikha ng buong sanlibutan! Ang Diyos ay naging mistulang palaboy, ang tao ang may tahanan. Pinangakuan tayo ng Tagapagligtas, pero hindi natin pinangarap na ang Diyos pala mismo ang darating na Tagapagligtas.
Alam nating mahal niya tayo pero malay ba natin ganoon talaga tayo kamahal sa kanya—lubhang pipiliin niyang maging isang katulad natin? Pero ganoon daw kung magbigay ang Diyos. Ang mga regalo niya, madalas ay hindi ayon sa ating hinihiling. Laging di hamak na mas mabuti kaysa lahat ng pinapangarap natin… Kaya daw ang ating pananampalatayang Kristiyano ay laging lampas sa inaasahan, isang relihiyon ng sopresa.
MALIGAYANG PASKONG PATIWARIK PO SA INYONG LAHAT.
Homily ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa Christmas Eve, Dec. 24, 2020, Luke 2:1-14
Source: Licas Philippines
0 Comments