Matindi ang hagupit na pinalasap sa atin ng taong 2020. May mga planong naudlot. Desisyong pilit inayunan kahit alam nating mahirap itong tanggapin. Halos malapnos sa sakit ang puso ng mga kababayan nating namatayan ng mahal sa buhay.
Sa nagdaang taon, marami tayong nakita at napatunayan. Nalaman natin kung sino-sino ang mga taong maaasahan sa kabila ng kagipitan. Nagsipaglabasan din ang tunay na anyo at kulay ng marami nating kakilala at kaibigan dahil sa pandemya. Hindi na rin maipagkakaila ang pagiging tuso ng ilang politiko.
Nagmaktol dahil hindi magawa ang gusto
Kung inis at inis lang din ang pag-uusapan, talaga nga namang nakakainis iyong bigla na lang magbabago ang ating nakasanayan. Noong wala pang pandemya, puwedeng-puwede pa nga namang tumambay sa mga mall at coffee shop hanggang sa gusto natin. Ano mang oras ay maaaring maglakwatsa o magliwaliw. Puwedeng mag-party kahit na isang barangay pa ang iyong imbitahan.
Ngunit ang tila “karapatan” at “kalayaan” natin ay biglang nawalang parang bula. Sa isang iglap lang, nagising tayo sa mundong kaibang-kaiba sa ating nakasanayan. Mundong tila ibang planeta.
Okay, marami ang nagmaktol at nagalit dahil sa biglaang pagwasak ng pandemya sa buhay at plano ng bawat Filipino. Pero ang buhay ng tao ay sadyang kumakaharap sa mga pagsubok. Hindi natin natitiyak at nababasa ang maaaring mangyari kaya’t dapat lagi tayong handa.
Handang lumaban. Handang tumulong.
Isipin din natin: ano ba naman ang magagawa ng inis o pagmamaktol? Wala. Aksaya lamang ito ng lakas at oras. Kaya imbes na tila masasabitan ng basket ang baba mo sa kasisimangot, gamitin ang pagkakataon upang makagawa ng mabuti para sa sarili at gayun na rin sa ibang tao. Gamitin ang pandemya upang makilatis ang mga taong namumuno sa bansa, gayundin ang mga taong malalapit sa atin at pinagkakatiwalaan natin.
Nasayang ang isang buong taon
“Nasayang ang isang buong taon,” iyan din ang isa pa sa sinasabi ng ilan.
Sa totoo lang, maraming oportunidad ang nawala dahil sa pandemya. Pero marami rin naman ang dumating na pagkakataon. Pagkakataong makasama natin ang ating mahal sa buhay. Makapaglaan ng panahon at oras sa ating mga sarili. Higit sa lahat, ang makapagmuni-muni sa mga nangyayari sa paligid. Ang masubaybayan, lalong-lalo na sa social media ang aksiyong ginagawa ng mga inihalal natin noong Mayo 2016. Ang pagtulong ng maraming artista at simpleng tao sa mga nangangailangan.
Siguro para sa ilan ay nasayang ang halos isang taon ng kanilang buhay. Pero sa tingin ko, naging sayang lang iyon kung hindi tayo nagsumikap. Kung nagpadala tayo sa tudyo ng pandemya at pinili nating pumetiks lang.
Hindi ko sinasabing balewalain ang pandemya. Ang pinupunto ko lang, kung ginawa natin ang kailangang nating gawin, kahit na kumakaharap sa problema ang buong mundo, naging makabuluhan ang taong 2020 para sa nakararami, at hindi ito nasayang ng basta-basta.
Mas mabigat na desisyong kahaharapin
Talaga nga namang sinubok tayo ng panahon. Sinubok ang ating kakayahan. Inarok ang ating pananampalataya. Ipinakita rin sa ating mga Filipino ang masaklap na katotohanan na puwedeng mawala sa atin ang kung ano mang mayroon tayo sa isang iglap lang—gaya na nga lang ng kapamilya, katrabaho o negosyo. Sarili nating buhay.
Ngayong 2021, tiyak na marami pa tayong pagdaraanan. Madibdibang desisyong titimbangin at kailangan nating pag-isipan.
Initsapuwera tayo ng ilan sa mga nanunungkulan sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsasawalang bahala sa ating kapakanan bilang mamamayan ng Filipinas. Isang patunay na rito ang pag-una nila sa kanilang mga sarili sa paggamit ng vaccine. Imbes na saklolohan tayo ng mga taong bihasa sa mga maniobrang pampolitika, sila pa ang naging kalaban ng karamihan sa mga ordinaryong Filipino.
Huwag nating idahilan ang pandemya para ipikit natin ang ating mga mata’t itikom ang mga bibig. Karapatan natin ang mabuhay. Karapatan ng bawat mamamayan ng Filipinas ang igalang ng kahit na sino—may mataas man iyang tungkulin o ordinaryong Filipino.
Starting line lang ang 2020. Kumbaga, inihahanda pa lang tayo sa mas malaking hamon na puwedeng mangyari. Dahil ngayong 2021, mas maraming pagbabago ang kahaharapin natin.
Pero walang tatalo pa sa pagbabago ng isip at puso. Kumbaga, no more dramas na ngayong taon. Tama na ang pagmamaktol. Tama na rin ang pagdadahilan. Panahon na para pintahan natin ng kulay ng bahaghari ang mga susunod na taong ating kahaharapin.
Panahon na para gumawa ng paraan.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments