Isa sa mga bagay na matagal ko nang tinatanong tungkol sa debosyon sa Nazareno ay kung bakit tinatawag siyang “Nuestro Padre.” Sa Kastila, ang ibig sabihin nito ay “Aming Ama.”
Kaya minsan, tinanong ko ang isang deboto para maintindihan ko ang kahulugan nito para sa kanila.
Sabi ko, “Bakit Nuestro Padre Jesus Nazareno (Aming Amang Hesus Nazareno)? Hindi ba dapat Nuestro Hermano (Aming Kuya)? Di ba Anak siya ng Diyos at tinuruan niya tayong tumawag sa Diyos Ama bilang ating Ama? Di kaya Kapatid o Kuya ang dapat itawag natin sa kanya?”
Ganito ang sagot ng deboto, “E kasi ho, pari siya, di ba? Ano ba ang tawag namin sa pari kundi PADRE?”
Napaisip tuloy ako, ang salitang Tagalog nga naman para sa Spanish na “sacerdote” ay PARI. At ang salitang Tagalog na “pari” ay galing sa PADRE. Depende sa rehiyon o probinsiyang pinanggalingan, nag-iiba lang ang bigkas: PADI sa Bisaya or PADS, sa Guam ay PALE, sa Tagalog PARI.
Hindi pala “Aming Ama o Tatay Hesus Nazareno” ang dapat maging translation ng “Nuestro Padre Jesus Nazareno” kundi “Aming Pari, Hesus Nazareno.” Magandang paalala na iisa lang ang pari natin, at tayong lahat, sa pamamagitan ng binyag ay nakikiisa sa pagkapari ni Kristo.
Ang sabi pa ng deboto na kausap ko, “Di po ba kayong mga pari ang tumatayo para kay Kristo kapag kayo ay nag-aalay ng sakripisyo ng Misa?”
Ang sabi ko, “OO at HINDI. OO, dahil ang sakripisyong iniaalay sa bawat Misa ay Sakripisyo ni Kristo. Pero HINDI rin, dahil namumuno lang kami para sa Bayan ng Diyos. Ang nag-aalay ng Misa ay ang buong sambayanang Kristiyano. Si Kristo mismo ang paring nag-aalay, kaming tagapamuno ay parang umuulo sa katawan kapag kami’y nag-aalay ng Misa. Pero dahil tayong lahat na binyagan ay bahagi ng kanyang katawan, tayong lahat ay nakikiisa sa pagkapari ni Kristo.” (Ito ang tinatawag sa Vatican II na “Common Priesthood of the Faithful.”)
Sa Piyesta ng Poong Nazareno, ito ang gusto kong maging focus ng ating reflection: PAANO TAYO NAKIKIBAHAGI SA PAGKAPARI NI KRISTO?
Para sagutin ito, hayaan nyo munang gamitin ko ang lumang salitang SACERDOTE. Ito ang tawag sa mga sinaunang pari; at ang papel nila sa templo ay ang mag-alay ng mga handog na sakripisyo para sa bayan ng Diyos. Sila ang tagapamagitan ng tipanan sa pagitan ng Diyos at ng Israel. Sila ang Tagapagkasundo; nag-aalay sila ng sakripisyo upang ipakipagkasundong muli ang mga nawalay sa Diyos dahil sa pagkakasala, o dahil sa kanilang paglabag sa tipanan.
Sa katagalan ng panahon, unti-unting parang nawalan ng saysay o kahulugan ang pag-aalay ng bayang Israel ng mga handog sa Diyos. Maraming beses ngang binatikos ito ng mga propeta sa Lumang Tipan.
Halimbawa kay Isaias 1: 11-17, sabi ng Diyos sa pamamagitan ng propeta:
“E ano kung mag-alay kayo ng maraming sakripisyo? Nasusuklam na ako sa mga alay ninyong mga hayop, hindi ko ikinatutuwa ang dugo ng mga baka, mga tupa at kambing. Kapag lumapit kayo sa akin upang sumamba, sino ba ang nagsabi sa inyong hinihiling ko ang ganyang mga handog? Mas ikaliligaya ko kung itigil na ninyo ang paglapastangan sa dangal ng inyong kapwa.”
“Walang halaga para sa akin ang inyong mga alay; pati insenso ninyo ay kinamumuhian ko. Ang mga paimbabaw na pagtitipon at kapistahan ninyo ay hindi ko na mabata. Kahit itaas ninyo nang paulit-ulit ang mga kamay ninyo, ipipikit ko ang mga mata ko; kahit magdasal kayo nang magdasal, hindi ko kayo pakikinggan. Sapagkat ang mga kamay ninyo ay puno ng dugo. Maghugas muna kayo at maglinis ng kalooban, isantabi na ang inyong mga katiwalian, iwaksi ang lahat ng kasamaan, itigil na ang mga kabuktutan, pag-aralan ninyong gumawa ng kabutihan. Gawin ninyong layunin ang katarungan, ipagtanggol ang mga dukha at inaapi, damayan ninyo ang mga balo at ulila.”
Kahit sa Salmo 51:18-19, ganito rin ang sinasabi:
“Hindi mo ikinatutuwa ang aming mga sakripisyo,
sa aming mga susunuging handog hindi mo ikinaliligayang tanggapin.
Ang sakripisyong hinihingi mo ay isang kaloobang wagas na nagsisi,
isang pusong dalisay at pakumbaba, ito O Diyos ang hinahanap mo.”
Kaya pala parang naging negatibo na ang kahulugan ng pagkapari at pag-aalay ng sakripisyo sa Bagong Tipan, lalo na sa mga Ebanghelyo. Hindi ba sa ikinuwento ni Hesus sa “Parable of the Good Samaritan,” ang ginawa niyang bida ay hindi iyung pari at Levita na naglilingkod sa templo? Sila ang ginawa niyang larawan ng kawalan ng malasakit. Kaya sa bandang huli, mga paring Saduseo ang nakabangga ni Hesus at naging kaaway niyang mortal.
Di ba minsan, pinagtataboy ni Hesus ang mga namimili at nagbebenta ng mga hayop at kalapati sa may patio ng templo? Sa galit ng mga pari, minabuti nilang ipapako sa krus ang Nazarenong nanggugulo.
Parang inulit ni Hesus ang mensahe ng mga sinaunang propeta: kung inaakala ninyong sapat na ang mga sakripisyong sinusunog ninyo para pagtakpan ang inyong mga kasalanan, nagkakamali kayo.
Ang ganitong klaseng pag-aalay na katambal ng tiwaling pagkapari, ito rin ang tinalikuran ni San Juan Bautista.
Sa buong Bagong Tipan ng Bibliya, bukod tanging doon lang sa Sulat sa mga Hebreo matatagpuan ang isang positibong kahulugan ng pagkapari at doon lang iniuugnay ito kay Kristo. Sabi ng manunulat, nawalan daw ng saysay ang paghahandog-sakripisyo ng lumang pagkapari dahil kailangan itong ulit-ulitin, sapagkat paulit-ulit ding nagkakasala ang tao at hindi sapat na kabayaran ang dugo ng mga hayop na kanilang isinasakripisyo.
Sa ginagawang pagkatay at pagpapadugo ng mga pari ng templo, hindi naman nasasaktan ang nagkasala o ang mismong paring nag-aalay. Isa lang ang nasasaktan: ang korderong isinasakripisyo.
Ito babaguhin ng pagkapari ni Kristo. Siya ang nag-aalay ng sakripisyo, pero ang iaalay niyang sakripisyo ay hindi hayop kundi sariling buhay niya, katawan at dugo niya.
Sabi ng Sulat sa mga Hebreo, siya lamang, at wala nang iba, ang tunay at natatanging pari. Hindi niya sasabihin sa makasalanan: ipag-aalay ko kayo ng tupa o kordero. Sa halip, ang sasabihin niya ay, ako ang pari, ngunit ako rin ang magiging kordero, wala akong ibang iaalay kundi sariling buhay ko.
Kaya tayo nagmimisa, para matutunan nating mag-alay nang tama. Noon pa mang unang panahon, pinoproblema na ng tao ang maiaalay niya sa Diyos, kung ano ba ang dapat niyang ihandog na ikatutuwa ng Diyos. Akala nila sapat na iyong IKAPU, o mga gulay at karne, o salapi na inihuhulog sa kahon.
Kailan tayo tunay nakikiisa sa pagkapari ng Nazareno? Kapag ang natututuhan nating ialay ay hindi salapi, hindi ikapu, hindi mga hayop at gulay, hindi ari-arian, kundi SARILING BUHAY, BUONG BUHAY NATIN.
Ang sabi ng Diyos sa pamamagitan ni prophet Micah, “Matagal nang ipinaalam sa iyo o tao kung ano ang mabuti, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo: “Ang maging makatarungan, ang pumanig sa kabutihan, at lumakad nang may kababaang loob na kapiling ang Diyos.”
Homily ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa Kapistahan ng Itim na Nazareno noong Enero 9, 2021.
Source: Licas Philippines
0 Comments