Ano bang aklat ang binabasa n’yo ngayon?

The Heiress

“Baka nabarang ka ate,” iyan ang sinabi sa akin ng mga kakilala’t kapamilyang naninirahan sa probinsiya nang malaman nilang bigla-bigla ay nanakit ang buo kong katawan at halos hindi ko magawang ihakbang ang aking mga paa.

Hindi ko alam ang sasabihin ko ng mga sandaling iyon. Ang daming espekulasyon ang nagsipaglabasan: baka may nainggit sa akin at pinabarang ako, baka may nakaaway ako,  baka may ginawan ako ng masama.

Pero pagbali-baliktarin ko man ang aking alaala, wala. Wala akong natatandaang nakaaway o inagrabyado.



Wala nga naman daw mawawala sa akin kapag nagpagamot ako kaya’t sinubukan namin.

“Binarang daw ako” ayon pa sa mga napuntahan ng mga kapamilya. At kung sino, hindi nila masabi. Binigyan pa ako ng taning nang gumamot sa akin.

Nagulat siyempre ako. Pero mas nanaig sa akin ang paniniwala ko sa Panginoon. Mas nagtiwala ako sa kapangyarihan niya. Alam ko sa puso ko, na hindi Niya ako pababayaan.

Nagbayad din pala ako sa gumamot sa akin. Ginamot niya ako kahit na hindi naman kami nagkakaharap. Puwede daw long-distance cure. Pangalan at birthday ko lang ang hiningi niya. Sa cellphone lang din kami nagkausap. Hi-tech na pagamutan, kumbaga.

Hindi na bago sa akin ang barang lalo’t tumira ako sa probinsiya. Sa amin, mas madaling lumapit sa “mananambal’ kumpara sa doktor. Kapag may naramdaman, imbes na clinic o ospital, sa manggagamot o albularyo kaagad ang takbo ng marami. Madalang kasi noon ang doktor sa probinsiya, malayo rin ang clinic.

Tanda ko pa nga noong nasa Batangas pa kami nakatira, siguro mga 12 taon ako noon. Dahil masama ang pakiramdam, dinala ako sa albularyo. Pinainom ako ng tubig na sinipulan ng albularyo, at matapos kung mainom ‘yun, nagsuka na ako. Hindi ko alam kung anong dahilan ng pagsusuka ko: kung dahil ba sa tumalab ang ginawang panggagamot ng albularyo o dahil sa sinipulan niya ang iniinom ko’t sa batang isip ay bumaliktad ang sikmura dahil nalawayan niya ito. 

Sa probinsiya din sa Zamboanga, may isang pangyayari rin akong natatandaan. Namula ang mata ko. Bago nangyari iyon, naligo kami sa ilog ng mga kaibigan ko. At dahil maganda raw ako at baka maingay kaming naliligo kaya’t napagkatuwaan ako ng engkanto.

Dahil probinsiya nga, takbo ang tatay ko sa “mananambal.” Pinayuhan siyang mag-alay ng itlog at manok sa lugar kung saan daw ako “nabuyagan” o nabati. 

Alas-kuwatro ng madaling araw daw kailangang dalhin ng papa ko sa ilog ang kung tawagin nila ay “handog.” Mag-isa lang din daw itong dapat na gawin ng papa ko.

Hindi ko alam kung umepekto ang ginawang iyon ng papa ko. Hindi ko rin alam kung sino ang nakinabang sa manok na buhay at itlog na inalay namin.

Naalala ko ang lahat ng ito nang panoorin ko ang “The Heiress”.

Larawan mula sa pelikulang “The Heiress”

The Heiress

Walang kakaiba sa kuwento. Hindi man ipinaliwanag kung bakit mahaba ang buhok ni Luna na binigyang buhay ni Maricel Soriano at ni Guia na ginampanan ni Janella Salvador, alam mo na bilang manonood na may itinatago sila. Na may dahilan ang mahaba nilang itim na buhok at manang na pananamit.  

Lalong tumibay ang espekulasyon ko na mambabarang si Luna dahil sa hilig nito sa mga hala-halaman.

Sa mga napapanood kong palabas, nagmumula ang paghihiganti dahil sinaktan o inapi, at lagi’t lagi ring lalaki ang nagiging sanhi ng pagyakap sa sumpa gaya nga ng pambabarang.

Nobyembre 2019 pa ipinalabas ang “The Heiress” pero kapapanood ko pa lang nito. Wala man akong nakitang pagbabago sa kung paano inilatag ang kuwento, maganda naman ‘di hamak ang buong produksiyon: make-up ng “mamalarang,” buong set at ang piniling mansiyon kung saan umikot ang kuwento, lalong-lalo na ang pagganap ng role ni Maricel Soriano bilang mambabarang.

Hindi ko rin maialis na parang may kinalaman ang kuwento sa mga nagaganap ngayon sa lipunan, kahit sa tingin ko ay hindi ito sinasadya ng director.

Kumbaga, tila mambabarang ang mga troll. Sumusunod sa kanilang “Mamalarang.” Kagaya ni Luna, walang sariling desisyon sapagkat ang nagdedesisyon para sa kanya ay ang Mamalarang, isang evil spirit. Nasakop na nga naman nito ang pagkatao ni Luna.

Pero kagaya rin ng sabi ni Apo Digos (Dido Dela Paz) sa palabas, hindi tayo dapat matakot. Magdasal tayo. At para naman maunawaan ni Guia ang mga pangyayari, binigyan siya ng libro ni Apo Digos.

Dahil sa librong iyon, unti-unting namulat ang mga mata  ni Guia sa mga nangyayari. Nakita niya ang kasamaan ng kanyang auntie Luna sa kabila ng kabaitang ipinakikita nito’t ipinararamdam sa kanya.

Maraming kababalaghan ang nangyayari sa paligid. Marami rin sa atin ang naniniwala sa kung ano-ano. Oo, may choice naman kung maniniwala tayo o hindi. Pero huwag tayong magpapabulag sa mga sinasabi ng mga tila mambabarang kung magsalita at kumilos, dahil nasa impluwensiya sila ng isang madilim na Mamalarang.

Oo, marami nga namang tila anghel kung umasta sa harap natin. Pawang kabaitan ang ipinakikita. Pero maging mapanuri rin tayo. Tunay ba o peke ang ipinakikita nila?

Huwag tayong mabulagan sa mga nakikita natin. Katulad ni Guia, ginising siya ng isang aklat na nagsasabi kung paano niya malalabanan ang mga mambabarang. Ano bang aklat ang binabasa ninyo ngayon?

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news


Source: Licas Philippines

0 Comments