Tiniyak ng Diocese of Baguio ang pagtalima sa panuntunan ng pamahalaan kasunod ng muling pagsasailalim sa Baguio at Benguet sa “General Community Quarantine.”
Nanawagan si Bishop Victor Bendico ng Baguio sa mga mananampalataya, mga pari, at mga relihiyoso’t relihiyosa sa diyosesis na tuparin ang mga alituntunin bilang patuloy na pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 virus.
Ayon sa Obispo, sa gitna ng patuloy na krisis na dulot ng pandemya ay higit na kailangang magkaisa ang lahat para sa kapakanan at kabutihan ng bawat isa.
Nasasaad sa kautusan ni Bishop Bendico ang pansamantalang pagbabawal sa pagdaraos ng mga pagtitipon ng Simbahan kabilang na ang mga recollection, seminar, at meeting.
Binigyang diin ng obispo ang pagsunod ng mga parokya at mga quasi-parishes sa mga ipinatutupad na safety health protocol kabilang na ang pagkakaroon lamang ng limitadong bilang ng mga mananamapalataya, pagsusuot ng facemask, face shield, at pagsasagawa ng regular na paglilinis.
Muli ring umapela si Bishop Bendico sa mga kabataan edad 15-taong gulang pababa at mga 65-taong gulang pataas na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan gayundin ang mga nagdadalang tao at mga may karamdaman.
Pakiusap ng obispo na patuloy na munang makibahagi sa misa sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga livestreaming ng mga Simbahan.
Hinikayat naman ng Obispo ang lahat na patuloy na manalangin at dasalin ang “revised Oratio Imperata” laban sa COVID-19.
Mula sa umiiral na “Modified General Community Quarantine” sa Baguio City muling ipatutupad ang “General Community Quarantine” nang makapagtala ang Cordillera Administrative Region ng mataas na bilang ng mga nahawaan ng COVID-19.
Magsisimula ang pagpapatupad ng GCQ sa February 1.
Source: Licas Philippines
0 Comments