Sa panahon ng mga pagsubok, ang Panginoon ay nakahandang gumabay sa sangkatuhan.
Ito ang mensahe ni Father Raymond Tapia mula sa Bureau of Fire Protection-Chaplain Services sa pagdalaw ng Poong Hesus Nazareno sa BFP National Headquarters sa Quezon City.
Ayon sa pari, ang taong 2021 ay punung-puno ng mga hamon at pagsubok na kakaharapin ng bawat isa dahil sa pangambang dala ng coronavirus disease.
Ngunit ayon sa pari hindi ito dapat pangambahan dahil kasama natin ang Panginoon na nakahandang umakay sa lahat sa tamang daan.
“Kagaya nga ng ating tema na ‘Huwag kayong matakot, si Hesus ito,’” ang 2021 ay puno ng mga hamon subalit hindi tayo matatakot kasi kasama natin si Hesus.
Dagdag ng pari na ang pagmamahal ng Panginoon sa sangkatauhan ay ang patunay na hindi niya ito kailanman pababayaan, lalo na sa panahong ito ay mahaharap sa iba’t ibang pagsubok ng buhay.
“Sa panahong tayo ay dumadaan sa matinding pagsubok, siya ang bubuhat sa atin. Hindi niya tayo iiwanan sapagkat tayo’y mahal na mahal niya,” dagdag ng pari.
Nagpapasalamat naman ang pamunuan at mga kawani ng BFP sa pagbisita ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ayon kay Director Jose Embang Jr., hepe ng kagawaran, ang pagdalaw ng Poong Nazareno ay nagbigay ng kagalakan at lakas ng loob sa mga kawani.
Aniya, ang presensya at paggabay ng Panginoong Diyos sa pagharap ng mga tao sa mga pagsubok ng buhay ang dahilan kung bakit ito’y nalulutas at mas lalo pang nagpapatatag sa bawat isa.
“Ito po ay tunay na nagpapasaya at nagbibigay ng lakas ng loob sa amin sa Bureau of Fire Protection,” ayon kay Embang.
Pinasalamatan din ni Embang ang BFP-Chaplain Services sa pamumuno ni Father Randy Baluso sa patuloy na pagbibigay ng gabay at inspirasyon sa bawat kawani at miyembro ng hanay.
Ang Bureau of Fire Protection ay nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government na may mahigit 25,000 kawani.
Isinasagawa ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ang “localized traslacion 2021” sa iba’t ibang simbahan at tanggapan sa Metro Manila at ibang lalawigan upang malimitahan ang pagtitipon ng mga deboto sa simbahan ng Quiapo.
Mula sa ulat ng Veritas 846
Source: Licas Philippines
0 Comments