‘Online Bible Festival,’ gaganapin sa National Bible Month

licas news

Hangad ng Biblical Apostolate ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na higit palalimin ang kamalayan ng mananampalataya sa mga Salita ng Diyos upang malagpasan ang iba’t ibang hamon at pandemya sa lipunan.

Ayon kay Bishop Sofronio Bancud, chairman ng CBCP-ECBA, magsasagawa ng Bible Festival ang bansa bilang paggunita sa National Bible month.

Layunin nitong mamulat ang mamamayan at magkaisang tumugon sa mga suliraning kinakaharap ng lipunan na nakakaapekto sa moralidad at dignidad ng tao.



“Ang Bible Festival ay layong makatutugon tayo sa iba’t ibang uri ng pandemya sa lipunan maliban sa COVID-19, ang pandemya ng kasakiman, karahasan, at kawalang paggalang at pagpahalaga sa buhay ng tao,” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.

Umaasa ang obispo na makatutugon ang mananampalataya sa makataong pamamaraan na sumasalamin sa Kadakilaan ng Diyos at mapanumbalik sa kaisipan at kamulatan ng lahat ng mananampalataya ang gawain bilang tao na nilikha ng Panginoon.

Nais din ng Simbahan na sa pamamagitan ng Bible Festival ay maipalaganap “online” ang mga Salita ng Diyos.

Gaganapin ang Bible Festival sa Enero 23 hanggang 25 na may temang “God’s Word Restores.”

Ayon kay Bishop Bancud, bawat araw ay may temang inilaan kung saan sa Enero 23 nakatuon ito sa “The Healing Power of God’s Word;” sa Enero 24 naman ang “The Uniting Power of God’s Word,” at sa huling araw ang “The Transforming Power of God’s Word.”

Ang Bible Festival ay inisyatiba ng CBCP-ECBA, Philippine Bible Society, National Council of Churches in the Philippines, at ng Philippine Council of Evangelical Churches.

Ito rin ay bunga sa ginanap na “Year of Ecumenism, Inter-religious Dialogue, and Indigenous Peoples” noong 2020, ang paksa sa ikawalong taon ng paghahanda sa 500 Years of Christianity.

Matutunghayan ang Bible Festival sa Facebook Page ng CBCP, CBCP-ECBA, at Radyo Veritas PH.

Taong 2017 nang ideklara ang buwan ng Enero bilang “National Bible Month” sa bisa ng Presidential Proclamation No. 124 na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte.


Source: Licas Philippines

0 Comments