Paano nga ba natin maisasalba ang ating mga sarili sa panahon ngayon? O may makapagsasalba pa kaya sa atin?
Tila nagiging kulelat na naman ang Pilipinas kung ang pag-uusapan ay ang COVID-19 vaccine. Kasinlabo yata ng baha ang solusyong inaaam-asam nating mga Filipino para matuldukan na ang kinahaharap na dagok ng bansa.
Lahat naman tayo ay nagnanais na mailigtas ang mga sarili’t pamilya sa pandemyang lumalamon sa bawat isa sa atin ngayon. Ngunit hanggang kailan kaya tayo maghihintay? May makakapag-save kaya sa atin?
Save Me
Naibigan ko ang K-drama na “Save Me.” Matindi ang hagupit nito sa puso. Matindi ang sakmal sa isip.
Noong una, nag-alangan akong panoorin ito. May mga panahon kasing kinaiinipan ko ang mahahabang episodes lalo na kung tingin ko, hindi kagandahan ang palabas.
Ngunit nabigla ako nang simulan ko nang panoorin ang naturang K-drama. Labing anim na episodes ang “Save Me” at umaabot ng halos isang oras o higit pa ang bawat episodes.
Pero sabihin mang may kahabaan ito, ni minsan ay hindi ko kinabagutan ang pag-antabay. Kapana-panabik ang mga eksena at tagpo. Nakapanghihinayang bitawan ang panonood.
Hindi ko inasahan ang mga pangyayaring maaabutan sa palabas—kulto, pagpapaikot sa kamay ng batas, bullying, pagtapak sa kapakanang pantao at marami pang iba. Kaparehong-kapareho sa mga pangyayaring kinahaharap natin sa totoong mundo.
Umiikot ang kuwento kay Im Sang-mi (Seo Yea-ji). Pamilyar sa akin si Seo Yea-ji dahil siya ang pangunahing karakter sa isa pang K-drama na nagustuhan ko—ang “It’s Okay To Not Be Okay.”
Kahanga-hanga ang paganap nina Im Sang-mi, Han Sang-hwan (Ok Taec-yeon) at Suk Dong-chul (Woo Do-hwan). Masasabi kong nabigyan nila ng hustisya ang kani-kanilang karakter sa “Save Me.”
Save Me at ang totoong mundo
Habang hinihimay-himay ko ang mga pangyayari sa K-drama na “Save Me” ay hindi ko naiwasang ikumpara ito sa nangyayari ngayon. Kay rami ng pagkakatulad ng palabas na ito sa pinagdaraanan ng sosyedad.
Unang-una, kung paano laruin ng mga nanunungkulan ang batas.
Masusubaybayan mo sa palabas na ito kung paano nagiging masama ang mabuti, at ang mabuti ay nagiging masama.
Kagaya na lang ng nangyari kay Suk Dong-chul na nabunton sa kanya ang sisi dahil lamang sa ang kanyang ama ay ordinaryong tao lamang.
Sa naturang palabas, walang boses ang mga ordinaryong tao.
Ikalawa, ang bullying at ang pagtapak sa karapatan at kapakanang pantao. Ipinakita rito ang pinagdaraanan ng dalawang klase ng estudyante—ang bully at ang nabibiktima.
Kadalasan nga naman, mahihina ang laging nabibiktima ng pambu-bully. Ngunit gaya rin ng nangyayari sa totoong buhay, humahantong kung minsan sa pagpapakamatay ang bullying. Ito ang nangyari sa kakambal ni Im Sang-mi na si Im Sang-jin na ginampanan naman ni Jang Yoo-sang.
Ikatlo, ang paggamit ng posisyon gayundin ang mabubulaklak na salita upang mapapaniwala ang mga nasasakupan.
Sa “Save Me” hindi lamang politiko ang gumagamit ng posisyon at mabubulaklak na salita upang maakit ang marami kundi maging ang leader ng relihiyon. At ginagamit din naman ng kanang kamay ng leader ang pagkakataon upang magkamkam ng salapi mula sa nasasakupan at mga politikong pinoprotektahan.
Ang kaibahan ng peke sa totoo
Sa simula pa lang na lumapat ang mga paa ni Im Sang-mi sa Goseonwon, isang religious cult ay alam na niyang may nangyayaring hindi maganda roon. Ramdam niyang pawang peke o hindi totoo ang lugar.
Sa Goseonwon, mababait ang mga nakatira. Kung titingnan mo, parang isang santuwáryo ang lugar. Pero sa kabila pala ng kagandahan ng pook at sa kagandahang ipinakikita ng mga namumuno roon gaya na lang ng cult leader na si Baek Jung-ki (Jo Sung-ha) at ang dalawang “apostol” nito na sina Jo Wan-tae (Jae-yoon Jo) at Kang Eun-shil (Park Ji-Young) ay may itinatago pala itong kababalaghan. May bumabalot na kasamaan.
Gumawa ng paraan si Im Sang-mi na makatakas sa lugar. Ngunit malaking hadlang sa pag-alis niya ang kanyang ama na si Im Joo-ho (Jung Hae-Gyoon) dahil paniwalang-paniwala itong ang Goseonwon ang lugar na makapagsasalba sa kanila.
Pero hindi nawalan ng pag-asa si Im Sang-mi. At sa tulong na rin ng mga kaibigan ay napabagsak nila ang pundasyon ng Goseonwon, ang leader nitong si Baek Jung-ki. Kumbaga, nagapi ng katotohanan ang kasamaan.
Nakalulungkot dahil hindi lamang sa “Save Me” nangyayari ang ganitong senáryo kundi maging sa panahon ngayon. Kumbaga, hindi lamang nabubuo sa imahinasyon o kathang-isip kundi nangyayari talaga sa totoong buhay.
Pero sana, kagaya rin nina Im Sang-mi at Han Sang-hwan ay patuloy na makita ng bawat isa sa atin ang kaibahan ng peke sa totoo. At sana rin ay makaalpas tayo sa pagkakagapos natin sa tila kultong mga rehimen na nauuso ngayon.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments