‘Traslacion’ ng imahe ng Itim na Nazareno ipagdiriwang sa buong bansa

Bagama’t walang magaganap na prusisyon sa Maynila ngayong taon dahil sa pandemya, mas malawak naman na pagdiriwang ang gaganapin sa malaking bahagi ng bansa para sa “traslacion” ng imahe ng Poong Hesus Nazareno.

Ayon kay Father Douglas Badong, parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene, maraming mga parokya ang makikiisa sa sabayang pagdiriwang ng “traslacion” upang maipabatid sa mananampalataya ang mensahe ng Poong Hesus Nazareno.

“Mula Batanes hanggang Mindanao, sabay-sabay na magdiriwang ng kapistahan,” aniya.



“Sa ibang mga lugar na pinayagan ng mga local government, mayroong magaganap na prusisyon at pag-momotorcade,” ayon kay Father Badong.

Ang pahayag ng pari ay kaugnay sa “localized traslacion” sa gitna ng banta ng pandemya.

Tinatayang aabot sa 20 milyon na mga deboto ang dumadalo sa taunang “traslacion” sa simbahan ng Quiapo sa Maynila.

Ayon sa pari, ilang mga lalawigan ang pinayagan ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng motorcade sa Sabado, Enero 9.

Kasabay sa pagdiriwang, inanunsyo na ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagsasara ng ilang kalye malapit sa simbahan ng Quiapo dahil sa inaasahan pa ring pagdagsa ng maraming tao.

Mula sa ulat ng Veritas 846


Source: Licas Philippines

0 Comments