Ang pag-aasawa ay ‘di biro (kung minsan)

Ang Araw ng Puso ay hindi para sa mag-dyowa lang kundi para sa mag-asawa ring matagal nang magkasama.

‘Yan ang pambobola sa aming mag-asawa ng tagapangulo ng worship committee ng aming kapilya sa pagsisikap niyang kumbinsehin kami na lang ang magko-couple’s testimony sa kalagitnaan ng Sunday service. Natapat kasing Sunday ang Valentine’s Day.

“Zoom naman,” ang paniniyak niya nang tanungin ko siya kung “hindi ba nakakahiya?” Sa madaling salita ay napapayag naman kaming mag-asawa.

Naisip ko na dapat ay may pagka-romantiko ang tema ng aking sasabihin. Kaya nagkwento ako tungkol sa isang mag-asawang Amerikanong 60 taon nang nagsasama. Samakatuwid ay pareho na silang mahigit sa otsenta na ang edad.



Dapit-hapon na at nakaupo ang mag-asawa sa veranda ng kanilang tahanan. Nakatanaw sila sa horizon at naghihintay sa paglubog ng araw.

Napalingon ang babae sa asawa, buong tamis siyang ngumiti, dumantay sa kanyang balikat, at bumulong ng, “I’m proud of you.”

Dahil mahigit otsenta na at mahina na ang tenga, tanong ng lalaki, “What?”

Naalala ng babae na may diperensiya na nga pala ang pandinig ng asawa kaya’t pasigaw niyang inulit na, “I’M PROUD OF YOU!”

Tinitigan ng lalaki ang maamong mukha ng asawa, tumango-tango ito, at mahinahong nagsabing, “It’s fine by me. I’m tired of you, too.”

Biglang pumasok si misis: “Hindi pa naman kami sawa sa isa’t isa.” Tatlumpo’t tatlong taon pa lang naman kaming nagsasama, hindi tulad ng matandang mag-asawa na sisenta anyos na.

Matagal man o sandali pa lang ang pagsasama, sabi ko, nagpapatalino ang pag-aasawa. Kaya ‘ika ko ay nakabuo na ako ng isang pilosopiya tungkol sa pag-aasawa.

“I, therefore, conclude,” sabi ko sa kongregasyon, “that marriage is like an ice cream–it’s a rocky road.” Dagdag ko pa: “And it’s also like a rock–it’s hard.”

Siyempre, sumingit uli si misis, bago mawala sa kontrol ang mga bagay-bagay. Aniya: “Ang corny jokes ng mister ko ang sekreto kaya nagtatagal ang aming pagsasama. Magandang pundasyon ng pagsasama ang sense of humor.”

A couple takes a ‘selfie’ after getting married in church during the pandemic. (Photo by Jire Carreon)

Ang pinakamahalagang tip ay ibinahagi naming mag-asawa ay ito: Dapat ay may “third wheel” — ang Diyos. Kailangang may nagre-referee sa dalawang taong parehong may natural tendency na maging makasarili. Kung alam nating may namamahalang selfless, mapipigilang maging selfish. Mahirap ipaliwanag, pero talagang tila may divine intervention kung magtitiwala ang mag-asawa sa Maykapal.

Ang pangalawa naming tip ay: Maniwala sa kasabihang “happy wife, happy life.” Babanggitin ko pa bang pumapalakpak ang tenga ng misis ko (at ang lahat ng kababaihan, tiyak) sa tip na ito. Ang mahirap sa kasabihang ito ay… totoo ito. Mga kongkreto at direktang karanasan na ang makapagsasabi nito.

Subukin nga ninyong bwisitin ang mga misis ninyo? Tingnan ko lang. Kaya nga marami ang umaanib sa “Samahang Alak Pa!” dahil, ‘di tulad ng iba d’yan, hindi sila binubungangaan ng kaharap na bote ng alkohol.

Sa kalalakihan, bolahin na lang natin ang ating sarili na tayo ang “tigasin” na buong tapang na ginagawa ang lahat ng ayaw ng mga misis. Ayaw nilang magsaing? Tayo ang magsasaing! Ayaw nilang maglaba? Tayo ang maglalaba! Ewan ko sa iba, pero hinding-hindi ako magsasaing o maglalalaba. Mapapasma ako. Kapaplantsa ko lang.

Kaya hindi dapat mangamba ang mga lalaki sa advice na “make your wife happy to make your life happy.” Kung pag-iisipang mabuti, benepisyo sa lalaki ang pasayahin ang kani-kanilang misis–tatahimik ang buhay, magiging maaliwalas ang tahanan, at asahang may intimacy gabi-gabi.

Ang pangatlong tip namin ay: “Share your friends to each other.” Barkadahin mo ang barkada ng misis mo at vice versa. Matalinong hakbang ba ito? Siyempre ay hindi, pero ano ang magagawa mo?

Wedding ceremony. (Photo by Angie de Silva)

Napatunayan na ng siyensya na mas aktibo ang utak ng mga babae kaysa lalaki. Nakakaisang thought pa lang ang lalaki at isandaan na ang mga babae.

Kaya ilusyon ang ipinagmamalaki nating kayang-kaya nating palusutan ang mga ito. Wish lang natin ito. Pero sino ba ang pipigil sa atin na sumubok, di ba? Tulad ng isang ama at ikakasal nang anak niyang lalaki. Ganito ang kwento:

Seryoso ang pag-uusap ang mag-ama na ganito ang itinakbo:

“Son,” sabi ng ama, “There are two things you must remember.”

“I’m listening, Dad,” tugon ng anak.

“My first advice is this: Insist on having a night out with the boys once a week.”

“I think I can negotiate that with my soon-to-be wife,” sabi ng anak. “And the second one?”

“Don’t waste it on the boys,” pabulong na tugon ng ama.

Ang problema ay bistado na ng mga misis ang style na ito. ‘Wag na ninyong itanong sa akin kung bakit at paano nila nalaman dahi hindi ko rin alam ang sagot. Ang mahalaga ay hindi dapat pagdudahin ang mga misis, lalo na kung may lakad ang mga mister. At vice versa din naman.

Sa totoo lang ay maraming aral kang matututunan sa pag-aasawa. Walang gradweyt-gradweyt dito. Tuloy-tuloy ang pagkakatuto.

Kung hindi nga lang naghihintay ang mga iuurong kong plato, kutsara’t tinidor ay marami pa akong ibabahaging tips and advices.

Sabi nga ni Socrates, ang Ama ng Pilosopiya, wala siyang tutol sa pag-aasawa dahil kung makakapangasawa ka ng mabuting babae, sasaya ang buhay mo; kung sa malas ay masama ang iyong napangasawa, magiging matalino kang pilosopo.

Si Fort Nicolas ay isang editor at mamamahayag. Ang opinyon dito ay tanging sa kanya lamang at hindi repleksyon ng opisyal na paninindigang editoryal ng LiCAS.news.


Source: Licas Philippines

0 Comments