Nagsagawa ng relief operations ang social arm ng Archdiocese of Manila sa Diosdado P. Macapagal Elementary School para sa mga jeepney driver ng Tatalon, Quezon City.
Nabiyayaan ng tulong mula sa Caritas Manila ang mahigit sa 250 jeepney drivers ng Tatalon Araneta Jeepney Operators’ and Drivers Association at Tatalon Transport Service Multipurpose Cooperative na lubhang naapektuhan ng krisis na dala ng coronavirus pandemic.
“Pinapalakas natin ang kooperatiba para makapagbigay ng suporta sa mga jeepney driver,” ayon kay Father Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila.
Aniya, patuloy na pinag-aaralan ang kooperatiba na makatutulong sa mga jeepney driver upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Bahagi ng layunin sa pagbubuo ng kooperatiba ay ang makatulong na makapag-ipon, makapag-loan, at magkaroon ng modern jeepney ang mga driver.
“Kasi kung kooperatiba ang itayo natin sila ang may-ari nun. Kaya ang kita dun, babalik din sa kanila. Hindi tulad ‘pag nangutang sila sa bangko, ‘yung bangko ang kikita hindi sila,” pahayag ni Father Pascual.
Source: Licas Philippines
0 Comments