“Malaking failure ang magpakasal sa taong walang tiwala sa iyo.” – Korics
Palagi kong sinasabi na kapag kumatok na sa puso mo ang tunay na pag-ibig, huwag nang pakakawalan pa. Dahil minsan lang iyan kung dumating.
Pero hindi lahat ng nag-iibigan ay lagi’t laging nauuwi sa happy ending. May ilan na dahil sa sinubok ang relasyon, umayaw at sumusuko. Marami rin naman ang sumusugal hanggang sa huli.
The House Arrest of Us
Matindi na nga naman ang pinagdaraanan ng bansa. At maraming magkarelasyon din ang sinusubok ang kanilang pagmamahalan.
At dahil Feb-ibig ngayon, naghanap ako ng mga palabas na tungkol sa love. Kumbaga, awat muna sa mga horror at suspense movie.
Isa nga sa nakita ko ay ang “The House Arrest of Us” na pinagbibidahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Sabihin mang siksik, liglig at umaapaw na ang pag-ibig sa aking puso, nais ko pa ring ma-feel ang pagmamahalan ng ibang magkarelasyon. Nakikisawsaw kumbaga sa love life nang may love life. Pero sa magandang paraan naman.
Sa totoo lang, hindi ako masyadong kinikilig sa love team nina Daniel at Kathryn. O siguro, nagkataon lang na hindi ko gaanong nagustuhan ang mga napanood kong pelikula na sila ang bida. Pero binigyan ko pa rin sila ng pagkakataong sakmalin ng kilig at pag-ibig ang aking puso sa sa “The House Arrest of Us.”
Pag-ibig sa panahon ng COVID-19, iyan kaagad ang sumasayaw-sayaw sa aking isipan nang panoorin ko na ang palabas. Saktong-sakto nga naman kasing sa mismong araw ng pamamanhikan nina Korics (Daniel Padilla) ay saka naman ipinatupad ang lockdown.
Medyo nagtagumpay naman ang KathNiel na maiparamdam sa akin ang kilig, saya at lungkot. Hindi nga lang one hundred percent. Gayunpaman, masasabi ko pa ring kahit na papaano ay nabigyang hustisya nina Daniel Padilla at Katryn Bernardo ang kani-kanilang role sa nasabing pelikula.
Natipuhan ko ang istorya ng “The House Arrest of Us.” Sa movie na ito, matatanong mo ang iyong sarili: hanggang saan mo nga ba kayang ilaban ang pag-ibig? Paano kung ang pamilya mo mismo ang humahadlang sa pag-iibigan ninyo ng mahal mo?
Hindi na bago ang ganitong klaseng problema sa isang relasyon. May ilan pa nga, kagaya ng nangyari sa love story namin ni hubby na hindi pamilya namin ang humadlang sa aming relasyon kundi ang mga taong hindi naman namin kaano-ano: naturingang kaibigan, mga katrabaho kuno.
Pahapyaw ring ipinakita sa palabas ang pagkaburyong at hindi maiwasang takot at alinlangang dala ng kinahaharap na pandemya. Nariyan din ang pagtrato ng isang maykaya sa simpleng mamamayan o tao. Hindi rin nawawala ang mga pamahiin.
Ang daming pasikot-sikot ng “The House Arrest of Us” pero iisa pa rin ang kinahantungan—ang magpaubaya sa ibinubulong ng puso. Napagtagumpayan nina Q at Korics ang hamong pilit na naglalayo at sumisira sa kanilang pag-iibigan.
Kumbaga, hanggang sa dulo ay inilaban nina Q at Korics ang kanilang relasyon.
Pag-ibig at ang pandemya
Kung tutuusin, hindi lang naman ngayong pandemya nangyayari ang mga hindi pagkakaunawaan ng magkarelasyon. Kahit naman walang kinahaharap na problema sa kalusugan ang bansa, sinusubok ang bawat nag-iibigan: kung minsan ng pamilya, kung minsan naman ng mga taong akala mo ay may pakialam sa iyo. Pero nanggugulo lang pala. Nang-uusyoso.
Matindi rin ang tinahak ng love story namin ni hubby. Una, masyadong malaki ang pagitan ng edad namin. Twenty three years. Pangalawa, pareho kami ng birthday. September 22. At ang pangatlo, kapwa kami panganay.
Sa tatlong dahilang iyan, para na kaming mga aso at pusa. Noong mga unang taon nga namin, kaunting bagay lang ay nagbabangayan at nag-iiringan na kami. Walang nagpapatalo. Walang umaamin ng pagkakamali. At sa bawat pagdaan ng panahon, natuto rin kaming magparaya nang dahil sa pag-ibig. Nalampasan namin ang masalimuot na kabanata ng aming relasyon.
Marami ang nagsasabing hindi magtatagal ang relasyon namin. Fourteen minutes lang daw. Pero fourteen years na kami ngayon, masaya at patuloy na nananalig sa pag-ibig namin para sa isa’t isa.
May Likha na rin kami na anim na taong gulang.
Wala nga namang hindi makakayang lampasan ang tunay na pag-ibig. Oo, ngayong pandemya ay maraming relasyon ang halos nanganib. Maraming kasal ang naipagpaliban.
Ngunit ang ilang relasyong nanganib, maaari pang maisalba. Ang ilang kasal na naipagpaliban, maaari pang ituloy. Ang hindi maaaring isalba ay ang ilan sa mga politikong tila hinalukay sa putikan kung mag-isip at hindi kayang gampanan ang kailangan gampanan. Ang hindi maaaring ipagpatuloy ay ang kawalan natin ng pakialam sa nangyayari sa paligid, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Oo, kung minsan ay ayaw nating makialam. Hindi naman kasi tayo nagdurusa o naaapektuhan. Pero kailangan pa bang kumatok sa ating mga tahanan ang nagnanaknak na problema bago tayo magising sa katotohanan?
Sa “The House Arrest of Us” ay nasilayan ng mga magulang ni Q ang kabutihan ni Korics kaya’t binago nila ang nakasanayang pagmamataas. Inamin nila ang pagkakamali at itinama iyon.
Hindi naman nauuwi sa happy ending ang lahat ng relasyon. Pero kung ginawa mo naman ang lahat, wala kang dapat na pagsisihan o panghinayangan. Kaya’t sabihin mang pandemya ngayon, sana ay maisipan din nating gawin ang mga bagay na nararapat. Para wala rin tayong pagsisihan sa hinaharap. Para rin kaya tayong ipagmalaki ng mga susunod na henerasyon.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news
Source: Licas Philippines
0 Comments